14.

230 15 4
                                    

"Kung magpapakasal tayo, saan mo gusto?" tanong ko sa kanya. Magkayakap kami noon, ang mga saplot sa aming katawan ay nasa ibaba na lang ng aking kama. Tanging ang kumot lamang ang tumatapis sa aming mainit na katawan. Lalo siyang napayakap sa akin nang itanong ko iyon.

"Gusto ko, sa Tagaytay din. Kung saan tayo unang nagkita," sagot niya.

Ngunit ang sagot na iyon ay may halong kalungkutan. Hindi ko na siya kailangang tanungin kung gusto nga ba niya. Sapat nang marinig ko ang tonong iyon at ang reaksyon niyang hindi nagulat. Sinabi niya sa akin ang lahat.

"My mom..." sambit niya.

"Oh kumusta si ma? Este si tita?" Hindi siya kaagad nakasagot. Huminga muna siya ng malalim bago muling magsalita.

"Hindi ko alam na ganoon pala talaga ang nangyari sa kanila ni papa," panimula niya.

_______________________

"Nagsimula siyang magkuwento tungkol sa kung ano ang nangyari noon," sambit ko. Muli namang inayos ni Jen ang kanyang buhok at hinagod sa likod ng kanyang tenga bago tumingin sa akin. Tinitigan ko nang maigi ang makinis na bato na aking hawak habang nagpapatuloy sa pagkukwento.

"Her mother never really wanted to marry his father in the first place. Yung papa niya lang talaga ang may gusto, mahal siya eh. Noon, nagkahiwalay sila ng dati niyang nobyo, si Pablo, who is her step dad now. Naghiwalay dahil sa estado ng buhay. Yung papa niya? Hindi iniwan ang mama niya hanggang sa huli. Pero sadyang naglalaro ang tadhana. Isang gabi ng pagluluksa, dumating ang dati niyang minahal na si Pablo, may sariling pamilya...pero wala ring asawa. Para bang nagbalik ang lahat," sabi ko na parang napapangisi. Napangisi rin si Jen at napayuko.

"At hindi ko makakalimutan 'yon. Yung sinabi ng tatay niya sa mama niya," dagdag ko.

_______________________

"Alam kong hindi mo ako ganoon kamahal. Alam kong minahal mo ako sa abot ng makakaya mo. Lahat ng 'yon, ipinagpapasalamat ko na ng malaki. Napakaswerte ko para mahalin ng isang taong tulad mo. Hindi man tayo nagpang-abot sa huli, naging masaya naman ako...kahit hanggang dito na lang talaga. Siguro panahon na para ikaw naman ang maging masaya."

Tumutulo na ang luha noon ni Charmaine habang nagkukuwento. Ako naman ay nakatulala na lamang sa kisame na pilit iniisip ang mga huling pangyayari sa huling hininga ng kanyang ama.

"Then...he just smiled. Held my mom's face, gave her a kiss...and," sambit niya. Hindi na naituloy ni Charmaine ang kanyang sasabihin. Sa pagkakataong iyon ay hinimas ko na ang kanyang likod. Ilang segundo rin akong naghintay para makapagsalita siyang muli. Hinagod ko ang kanyang likod ng paulit-ulit hanggang sa siya ay magpatuloy.

"Sa pangatlong araw ng lamay, dumating ang step dad ko. Doon lang nalaman ni mama ang lahat. Hinanap siya ni papa, para sabihin na...he was dying. Hinanap siya...to reunite with her. To take care of us. Doon ko lang naintindihan ang lahat Ian, nang ikuwento sa akin ni mommy ang lahat," pagpapatuloy niya.

Tila bumigat ang aking dibdib dahil sa aking narinig. Napalunok ng kaunti, napahinga nang malalim at napatingin sa kanya. Siya naman ay nagpatuloy sa pagyakap sa akin habang isinisiksik ang kanyang ulo sa aking tagiliran.

"Grabe magpahalaga ang papa mo. Hindi niya inisip ang sarili niya, inisip niya...kayo," sambit ko. Hinagod kong muli ang kanyang likod upang siya'y patahanin.

"Ang pagmamahal, hindi dapat sinasayang. Kung sino ang taong mahal mo, doon ka. Habulin mo.Pahalagahan mo, no matter what. That's what she said. 'Yan yung natutunan niya sa papa ko. Kahit na iba ang totoong mahal niya. Kahit na iba ang pagmamahal ni papa," sabi niya.

__________________________

"Bigla kong naisip kung ano nga ba talaga ang sense ng kasal," sambit ko. Muling napatingin sa akin si Jen. Tila seryoso na ang kanyang mga mata na nakatitig sa akin.

"Matapos ng lahat ng kinwento niya, unti-unting bumabalik sa akin yung mga kasal na na-cover namin, yung mga kasal na dinaluhan ko, kinunang litrato, vinideohan ko. Iniisip ko, gaano nga ba katotoo 'yon? Ilan ba yung nagpanggap na mahal nila ang isa't-isa para lang mabigyan ng importansya ang seremonya? Nang dahil lang sa mga taong pumapalakpak, nagtutulak sa kanila na ibigin ang isa't-isa...para sa mga dahilan na sila lang ang nakakaalam. Ilan ba sa kanila yung totoong magtatagal? Ilan ba ang napipilitan lang. Sino ba sa kanila ang nagdadalawang isip? Sino ang totoong masaya?" wika ko.

"At sino ang maglalakas loob na tumakbo...para ipakita sa lahat na hindi siya nararapat. Para maging totoo sa sarili niya, hindi para sa mga nakapaligid sa kanila. Para sabihin sa lahat na hindi ikaw ang para sa kanya." Nakayuko siya ngunit pinilit na ngumiti at tumingin sa akin.

"Para sa kasiyahan niya," sambit ko habang nakangiti ng matipid.

Nanahimik muna kami ng ilang segundo. Bumuntong hininga habang nakatingin sa papalubog na araw. Ang lawa ng Taal ay unti-unti nang napapalibutan ng kulay sepia kasabay ng pagbabago ng kulay ng kalangitan.

"Saka ko naisip noon, na oo nga. Baka nga hindi ako. Gusto niya lang maramdaman na may taong nariyan para sa kanya. Na hindi siya nawawala sa destinasyon na pupuntahan niya. Pero ako nga ba? Hindi ko kasi maisip na ako yung taong makakasama niya sa dulo ng byahe nya. Sa isip-isip ko, para pa rin akong naghahatid sa isang taong nawawala. Hinahatid ko lang siya sa dapat niyang destinasyon. Hindi ako ang patutunguhan ng buhay niya," wika ko habang napapailing at nakatitig sa bato na aking hawak.

Hinawakan ni Jen ang aking balikat. Tila pinapakalma ako. Ngumiti na lamang akong muli ng matipid at tumingin sa kanya. Ibinibigay ang mga sagot sa tanong na kung magiging maayos ba ako. Tumango lamang ako nang marahan.

"It's not the destination that matters. It's the journey," sambit niya.

The Runaway GroomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon