Maaga akong nakakuha ng tawag mula sa aking cellphone isang umaga. Pakamot-kamot pa ako ng likod at papunas-punas ng mukha habang nakahiga sa kama. Ayoko sanang sagutin ang tawag na iyon pero ginawa ko na rin dahil halos tatlong beses na siguro siyang tumatawag. Naalimpungatan din ako nang kaunti dahil naisip kong baka si Charmaine ang tumatawag. Hindi ako nagkamali, siya nga. Kinuha ko ang cellphone ko at ipinatong lang sa nakatagilid kong mukha.
"Hello?" matamlay kong sagot.
"Hey! Wake up!" sigaw niya. Napaangat na lamang ang aking ulo dahil sa lakas ng kanyang boses.
"Charmaine...bakit?" tanong ko.
"You almost forgot!" sagot niya.
"Ang alin?"
"Bukas na ang birthday ni mommy. Kailangan nating magshopping." Napakunot na lamang ako ng noo at napasimangot sa aking narinig.
"Ang aga pa, eh," matamlay kong tugon.
"Sige na please? Get up! O pupunta ako diyan mamili ka." Natawa ako sa kanyang sinabi at napakamot na lang ng mukha.
"Hindi mo naman alam kung saan ako nakatira eh. Hindi ka pa nakakapunta dito," sagot ko. Natahimik siya nang saglit at pagkatapos ay muli na namang nagmakaawa.
"Sige na, Ian...dapat samahan mo ako! Anong klaseng boyfriend ba 'yan?" Malungkot na ang tono ng kanyang pananalita ngunit mayroon pa ring lambing. Napangiti na lamang ako at umupo mula sa pagkakahiga.
"Oo na sige na. Maliligo na ako."
"Yehey! Punta ka muna dito, ah? Magkotse na lang tayo," sabi niya sabay patay ng cellphone.
Hindi na ako nakapalag. Tumayo na lamang ako at tamad na naglakad patungo sa aking cabinet. Kukunin ko na sana ang aking damit ngunit muli na namang tumunog ang aking cellphone. Siguro may nakalimutan siyang sabihin. Lumapit ako sa cellphone ko na nakapatong lamang sa aking kama, hindi siya ang tumatawag kundi si papa. Mula pa sa ibang bansa ang tawag na iyon kaya't agad kong sinagot.
"Pa..." sambit ko.
"Anak, kumusta na? Kala ko tulog ka pa, eh," sagot niya.
"Ah, kakagising ko lang, pa. Pasensya na, puyat sa shoot kagabi, eh. Napatawag po kayo. Ano pong meron?"
"Kinukumusta ka lang. Eh ikaw lang ang mag-isa lagi diyan sa bahay, eh."
"Eh, okay lang naman 'yon, pa. Sanayan lang 'yan. Marami namang maligno dito kaya okay lang," pagbibiro ko. Natawa naman ng saglit si papa at muling naging seryoso ang boses.
"Kumusta na pala yung pagpho-photography mo?"
"Eh ayos lang naman po, pa. Nakita niyo po ba yung mga bago kong upload sa facebook?" tanong ko sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay tumungo na ako sa aking cabinet at inilabas na ang aking mga susuutin.
"Oo, ang ganda ng mga kuha mo doon, ah! Bilib na talaga ako. May nakita lang akong picture doon, picture ng babae. Sino ba 'yon?" tanong niya.
Pilit kong inalala ang mga imahe na aking kinuhanan. Napangiti na lang ako nang maalala kong baka napasama ang isa, dalawa o higit pang mga litrato doon ni Charmaine.
"Yung nasa beach ba 'yon? Ang ganda ng kuha, ah, parang sunrise yata o sunset. Pero tulog yung babae," dagdag niya.
"A-ah...si Charmaine, pa," matipid kong sagot.
"Aahh haha...mukhang alam ko na. Hindi mo na kailangang sabihin. Maganda siya, ah, alam kong kaya mo 'yan."
"Naman pa, mana ako sa'yo, eh," sambit ko.
Nagtawanan na lang kami matapos noon. Nagsabihan ng paalam at binaba ang telepono. Saglit akong natigilan at umupo muna sa aking higaan. Gamit ang aking cellphone ay tiningnan ko ang litrato na sinasabi ni papa. Naroon nga ang isang litrato ni Charmaine. Ang kuha niya sa dalampasigan ng Sorsogon habang papasikat ang araw. Hindi alam ni Charmaine na kinuhanan ko siya ng litrato gamit ang DSLR camera ko. Ayokong makita niya ang litratong iyon kaya't agad kong binura. Binuksan ko naman ang aking camera at tiningnan ang iba pang litrato, ang mga stolen shots niya. Ang ilang mga litrato kung saan natutulog siya, kung saan ang kuha lamang sa frame ay ang kanyang labi, ang kanyang mga mata, ang kanyang ilong at kung minsan ay ang hibla ng kanyang buhok na nasisinagan ng araw. Wala siyang alam sa mga litratong ito. Napapangiti na lamang ako habang tinitingnan ko ang mga litratong iyon. Pinatong ko na lang muli sa mesa ang aking camera at nag-asikaso na upang masamahan siya sa kanyang pamimili.
BINABASA MO ANG
The Runaway Groom
RomanceLumuhod siya sa kanyang harapan, inilabas ang isang maliit at pulang kahon. Naroon ako, ngiting aso. Napaiwas na lang ako ng tingin sa kanilang dalawa. Maraming tao ang nanood, mga taong naghihintay at tila sabik na sabik sa susunod na mangyayari. K...