18.

295 18 2
                                    

"April 17, araw ng play. Nagsimula ang play niyo ng mga alas otso ng gabi, 'yon ang nakasulat sa ticket pero hindi ako nakarating ng maaga dahil sa pag-aasikaso. Sa totoo lang nagdalawang isip nga ako noon kung pupunta ako, o aalis na lang," wika ko.

"But you came," sambit ni Jen. Mapait ang kanyang ngiti habang nakatitig sa kawalan. Ngumiti ako nang pilit at tumango.

"She was looking for you, sumisilip sa siwang ng telon, ng stage...hinahanap ka. Hindi pa man nagsisimula ang play pero humulas na ang make-up niya. Ang nakikita lang niya ay ang dagsa ng mga tao. Walang ibang pamilyar na mukha kundi ang kay..."

"Jerick," putol ko. Tumingin siya sa akin at tumango rin nang marahan.

"Dumating ako, nahuli ng halos tatlumpung minuto, nagdalawang isip, nagmuni-muni. Pero sa huli nagdesisyon akong pumunta. Hindi ko naman inaasahan na makikita niya ako sa ganoong karaming tao. Hindi na siya lumilingon sa mga kumpulan ng tao para lang hanapin ako. Tuloy-tuloy ang play, kung pwede nga lang na tumayo ako para lang mapansin niya at para sabihin sa kanya na proud ako sa ginagawa niya...ginawa ko na. Pero nakikita ko sa mga mata niya, tanggap na niya. Ngumiti na lamang ako nang pilit, pumapalakpak sa bawat nakakatuwang eksena. Pero sana, nakita niya ako. Sana alam niyang naroon ako."

Muli kong nalasahan ang pait sa aking lalamunan, muli akong lumunok, tumingala sa kalawakan upang pahupain ang mainit na luha. Inalala ko na lamang ang huling mga sandali sa pagkakataong iyon bago tuluyang tanggapin ang pagkalugmok at pagkalunod ng damdamin.

____________________________

Nang akmang matatapos na ang palabas ay saka tumayo si Jerick, hindi ko na ipinagtaka kung bakit siya naroon, sinenyasan niya ang direktor, tumango naman siya at ngumiti.

"Wow! Thank you! Thank you so much!" wika ng kanilang direktor habang hawak ang mikropono.

Nakatayo ang mga tao habang pumapalakpak. Ang mga artista naman sa play na iyon ay yumuko. Napansin ko naman na nakatitig na sa akin Charmaine biglang niyakap ang kanyang bestfriend na si Jen. Tila pinapatahan siya sa pag-iyak ngunit nakita ko ang kanyang pagngiti, tumingin siya sa akin at tila lalong napaluha. Hindi ko alam kung luha ba iyon ng kagalakan, hindi ko alam kung anong iniisip niya sa pagkakataong iyon, ngumiti na lamang ako nang matipid at tumango nang marahan. Pero matapos ng mga naganap ay tinanggap ko na lang ang lahat.

"But before anything else, I have an important announcement," dagdag ng director nila.

Agad lumapit at umakyat ng entablado si Jerick. Tila bumigat ang aking pakiramdam habang binibigyan ng kahulugan sa aking isipan ang kanyang mga galaw.

Lumuhod siya sa kanyang harapan, inilabas ang isang maliit at pulang kahon. Naroon ako, ngiting aso. Napaiwas na lang ako ng tingin sa kanilang dalawa. Maraming tao ang nanood, mga taong naghihintay at tila sabik na sabik sa susunod na mangyayari. Kinuha niya ang isang singsing mula sa kahon at nagtanong.

"Will you marry me?"

Hindi ko makakalimutan ang ningning ng kanyang mga mata. Siya lamang ang tiningnan ko sa kanilang dalawa. Hinanap niya pa ang mga mata ko at nang matagpuan ang mga iyon ay saka siya lumuha.

"Yes," iyon ang sagot niya.

Ngumiti na lang ako ulit...kahit na alam kong may parang tinik na nakatusok sa lalamunan ko. Pumalakpak ang lahat at tumayo. Nakaupo lang ako at pinanood ang sunod na eksena. Tumayo ang lalaking iyon sa entablado sabay halik sa kanyang mapupulang labi. Sa pagkakataong iyon ay alam ko na kung saan ako lulugar. Alam ko na kung saan ako nararapat. Isa lamang iyong palabas, napakagandang palabas na alam kong hinding-hindi ko makakalimutan. Tumayo ako at naglakad palabas ng malaking bulwagan na iyon na para bang may mabibigat na kadena sa aking mga paa.

Saka ko tinanong ang aking sarili. Baka nga isa lang din akong artista sa malaking palabas na ito. Isang karakter na pinili na lang na magmukmok nang tahimik at tiisin ang lahat. Masaya naman siya. At kahit na masakit ay ngingiti na lang ako para sa kanya.

Lumabas ako ng building, pumara ng taxi, sumakay, tumulala nang kaunti habang hinahayaan na umagos sa aking pisngi ang mainit na luha.

"Ahh sir, saan po tayo?" Kung hindi pa ako tinanong ni manong, hindi pa ako magigising sa katotohanan.

"Ah, pasensya boss...NAIA, terminal 2," sagot ko habang pinapahid ang aking pisngi gamit ang manggas ng aking coat.

Mapait ang panlasa, mainit ang tenga at kumakawala ang dibdib. Tila ba hinang-hina ako sa pagkakataong iyon. Ang pagkulong ko sa bawat hangin ay ganoon na lang ang lalim. Nanginginig pa ang aking kamay nang kunin ko sa bulsa ang aking cellphone para i-text si boss.

'Boss, papunta na ako.'

Matapos noon ay ibinaba ko ang aking cellphone at tumingala na lamang habang humihinga nang malalim, Sinubukang ngumiti para lamang muling maramdaman ang sakit. Napayuko na lamang ako habang hinahayaan ang pag-agos ng luha mula sa aking mga mata. Para bang nakikita sa aking isipan ang itsura niya, ang ngiti niya, ang maamo niyang mukha, ang kanyang boses. Sa ganoong paraan lang nawala ang lahat. Pero oo, sa totoo lang tanggap ko na, mas maigi nang masaktan nang biglaan kaysa dahan-dahan. Sanay na ako sa sakit, pero iba ang sakit na idinulot niya. Tumunog ang aking cellphone, binasa ko ang mensaheng malabo na dahil sa nalulunod na mga mata.

'Sige. Na'ndito lang kami, naghihintay.' Text iyon mula kay boss.

Matapos noon ay pinatay ko na ang aking cellphone. Ayoko nang makatanggap ng kahit ano mula sa kahit na sino. Gusto ko lang mag-isip, kahit sa huling sandali. Gusto kong isipin at piliing tumigil para lamang makita siya sa huling pagkakataon. Baka may magbago pa? Kahit wala na. Muli na lamang akong tumingala at ngumiti. Huminga nang malalim, para bang pinakawalan ang pagsukong nadarama. Tapos na.

__________________________

Nakahanda na ang dalawang maleta, ang dalawang bag, at sila. Hindi nila magawang ngumiti nang tingnan nila ako. Mugto ang mga mata, para bang binagsakan ng langit at lupa pero tinanggap na lang ang pagkatalo.

"Akala namin hindi ka na tutuloy, eh, dadalhin na sana namin 'to sa studio para pick-up-in mo na lang...kung nakapagdesisyon kang magpaiwan," marahang sagot ni Greg.

"Happy birthday, pre," matamlay na bati naman ni Marco.

Hindi maipinta ang kanilang mga mukha, laglag ang balikat, nakatitig sa akin habang sinusubukang ngumiti. Ngumiti na lamang ako habang naglalakad patungo sa kanila.

"Ano? Handa ka na ba talaga? May ilang minuto pa naman," tanong ni boss habang tinatapik ang aking balikat.

Kinuha ko na lamang ang aking maleta, dahan-dahang lumingon sa aking pinanggalingan. Hindi na ako umasang makikita ko siya. Inisip ko na lang sa pagkakataong iyon na sana naisip niya ako. Sana may mas magandang scenario para dito, sana nakapagpaalam ako. Sana alam niya kung gaano ko siya kamahal, kahit wala akong makuhang kapalit. Sapat na sigurong minahal ko siya. Sapat nang maramdaman ang sakit kaysa wala para lang malaman kung marunong pa ba akong makaramdam.

Tumango ako nang marahan at naglakad papasok ng terminal, umusad sa paghakbang mula sa kinatatayuan. Dala nila ang ilan pang mga gamit sa check-in. Para akong isang patay na nakapila kasama ang mga buhay, tulala ngunit gising na gising ang utak sa kalungkutan. Binigyan ng huling tapik sa balikat ng mga kasama bago tuluyang pumasok upang hanapin ang eroplano na aking sasakyan. Lumingon man akong muli sa labas ng aking bintana, alam ko namang walang magbabago. Pinilit ko na lamang na ngumiti, pumikit at sa huling pagkakataon ay isipin siya.

The Runaway GroomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon