"Oh, kumusta?" tapik sa akin ni boss. Napansin niya yata na nakatulala ako sa harap ng ine-edit kong album. Napatingin lang ako sa kanya at ngumisi sabay iling.
"Ayos lang, boss," matamlay kong sagot.
"Iiling-iling ka diyan tapos sasabihin mo ayos lang. Gagong 'to," sagot niya naman sabay upo sa harap ng kanyang laptop.
"Eh yung sa contest? Ready ka na ba? Ilang araw na lang, deadline na ng registration," dagdag ni boss. Napatulala akong muli sa harap ng aking computer.
"Kung ako sa 'yo kunin mo na 'yon. 'Di ba, boss?" ika ni Greg.
"Oo nga. Sayang p're. Minsan lang 'tong opportunity na 'to," dagdag ni Marco.
Napatingin ako kay boss. Nakatitig siya sa akin, naghihintay ng sagot. Lumunok muna ako ng kaunting laway bago nagsalita.
"Sige, boss," sambit ko habang nakangiti.
"Chang ina! Yun!" Tumayo si Marco at tinapik ako sa likod. Halos alugin niya pa ang aking balikat matapos noon.
"Nako boss! Ito na 'yon! Tsk tsk! Pagkatapos nitong lahat, gallery na 'to p're! Makikita na pangalan nito 'Christian Palado: Beautiful Photographies!' bulyaw naman ni Greg habang itinataas pa ang mga kamay na para bang ini-imagine ang pangalan ko na nakapaskil sa isang malaking poster.
"Tang ina, Beautiful Photography ka diyan? Sagwa ampota! Dapat Christian Palado: A journey to begin!" sawsaw ni boss. Napakamot na lamang ng ulo si Greg.
"Para namang debut 'yon, boss," sabat ko.
"Langya ka kokontra ka pa! Mamaya ka na kumontra! I-Email ko sa 'yo tong form! I-print mo! Sagutan mo na, ah?!"
"Yes boss," matipid kong sagot habang ako naman ay pinagti-tripan ng dalawa at ginugulo ang buhok ko.
"Nga pala...nasabi mo na ba sa kanya?" pahabol na tanong ni boss Ronald. Saka naman nanahimik ang dalawa at napatingin sa akin. Bumagsak naman ang aking balikat at napahinga nang malalim bago umiling.
"Eh...kailan mo sasabihin?"
Isang tanong na hindi ko alam kung bakit hindi ko masagot. Napatingin na lamang akong muli sa ine-edit kong album habang patuloy na binabagabag ng mas dumarami pang tanong.
Bakit ba kailangang pigilan ako ng sarili ko? Bakit ba hindi ko puwedeng pagsabayin ang dapat na takbo ng buhay ko at ang bagay na nakakapagbigay ng buhay sa akin? Saan na nga ba ako lulugar? Sumasakay na nga lang ba talaga ako sa alon ng buhay ng ibang tao para lang maging masaya? Masaya nga ba ako? Masaya ba siyang talaga? 'Yon lang naman ang importante sa akin. Ang maging masaya siya.
___________________________
"Nakapagpasya rin ako sa wakas na sabihin ang tungkol sa international contest na 'yon. Inisip ko na magiging maayos din ang lahat. Think positive kumbaga. At kahit na luma na ang estilo, bumili ako ng bulaklak at tsokolate. Nag-taxi papunta sa pinagpa-practice-an niya, nagpagwapo sa salamin. Kinausap nang kaunti ng driver:
'Oh mukhang magtatapat ka na, ah. Ready ka na ba?' tanong niya. Napangiti lang ako habang inaabot ang bayad sa kanya.'Nako manong, kami na po. May importante lang akong sasabihin sa kanya.' Sinuklian niya ako, sinabayan ng isa pang tanong. Magpo-propose ka na?' Natawa na lang ako. Pero aaminin ko. Napaisip na rin ako noon," kuwento ko kay Jen. Nakikinig lamang siya habang ang hawak kong bato kanina ay nasa kanyang mga kamay na.
"Bumaba ako sa taxi. Alam kong medyo nahuli na ako ng dating at hinihintay niya ako, gabi na rin noon at iilang mga ilaw na lang ang nakabukas sa paligid ng building. Nakita ko ang kotse ni Charmaine na nakapark sa gilid katabi ang isa pang itim na kotse. Nakangiti, nagmamadali, pinipilit na sabihin sa isipan ko na magandang balita ang sasabihin ko sa kanya bilang isang sorpresa. Sumilip ako, naghintay ng kaunti, at saka sumilip ulit," may kung anong bumara sa aking lalamunan. Isang mapait na katotohanan na pilit kong itinutulak pababa. Muli akong ngumiti at tumingin kay Jen. Nginitian niya rin ako ngunit sa kanyang mga mata ay nakikita kong alam niya na ang mga susunod na nangyari.
BINABASA MO ANG
The Runaway Groom
Любовные романыLumuhod siya sa kanyang harapan, inilabas ang isang maliit at pulang kahon. Naroon ako, ngiting aso. Napaiwas na lang ako ng tingin sa kanilang dalawa. Maraming tao ang nanood, mga taong naghihintay at tila sabik na sabik sa susunod na mangyayari. K...