"Ang hirap niyo talagang intindihin, ano?" sambit ko. Napansin ko naman ang pagkunot ng noo ni Jen nang tumingin sa akin.
"Wow naman! As if understandable kayong mga lalaki," ganti niya. Natawa na lamang ako.
"I mean, magulo kayo mag-isip. Yung mood niyo minsan talagang hindi maintindihan. Mga desisyon na pabago-bago. Ewan ko ba."
"Dahil lang sa iisang babae...nilalahat mo na kami? Ganyan kayo, eh," sabi niya habang napapangiti nang kaunti.
"But seriously. Hindi ko maintindihan, o baka nga siya lang. Minahal niya nga ba talaga ako?" sambit ko habang nakatingin sa kanya. Napayuko na lamang siyang muli at tila nainis.
"She loved you..." matamlay niyang sagot.
"That I'm sure," dagdag niya.
Muli siyang tumingin sa aking mga mata upang ipakita ang sinseridad ng mga salita na kanyang binitawan. Ngumiti na lamang ako, hinimas ang aking braso nang madiin at saka napailing.
"Buong araw ulit, wala siyang text noon. Hanggang sa makauwi na lang kami. Sa pagod, hindi ko na pinag-aksayahan pa ang pagkalikot sa cellphone ko. Pagdating ng studio, lapag ng mga gamit, ayos nang kaunti...kain nang kaunti, pahinga, sabay uwi. Halos hindi na nga kami nag-uusap no'n. Magngingitian na lang at mapapailing. Walang ibang bilin si boss kundi 'ingat sa pag-uwi," kwento kong muli. Muli na naman akong nagkibit balikat, napatingin sa akin si Jen, nagpapahiwatig na ipagpatuloy ko ang aking kwento.
"Buong araw siguro akong natulog kinabukasan? Ni wala man lang akong narinig na ring sa cellphone ko. Kahit pag-vibrate wala rin. Noong nagising ako ng hapon, isang text lang ang nakuha ko."
'How are you?'
"Medyo badtrip. Hindi na nakakatuwa ang inaasta niya. Kung may problema naman kasi noon, sana sinabi niya na lang," pagpapatuloy ko.
"Ikaw din naman, eh. Hindi mo rin naman sinabi sa kanya yung plano mo," seryosong tugon ni Jen. Napangisi na lamang ako at tumango.
"Ang hirap, eh. Hindi ko alam, natatakot ako na baka hindi niya maintindihan. Na baka isipin niya na iiwan ko siya. Nang minsan nga na may mga shooting kaming gano'n, nakakalimot na siya, eh. Sumunod-sunod din 'yon. Halos hindi kami nag-uusap. Ilang araw din kaming hindi nagkita. Hanggang sa nakikita ko na lang sa mga post niya na nagsimula na pala kayong magpractice para sa play. Hindi pa nga niya sinasabi sa akin noon kung ano yung role niya...kung original ba yung pyesa...kung kailan ipapalabas," kwento ko. Napailing na lamang ako ng ilang beses nang muli kong hayaan ang katahimikan na pumalibot sa amin.
______________________________________
"May gusto sana akong sabihin sa 'yo, eh."
Mahina ang boses ko nang sabihin ko iyon, kinakanaw ko pa ang natutunaw nang fruitshake sa aking kanang kamay, siya naman ay nakasandal lang sa aking balikat habang hinihigop ang kanya. Malayo ang tingin, nilalaro ang mga paa at tila tinititigan ang bawat bituin na nakapako sa kalangitan.
"Ako rin nga eh," sambit niya.
Ngumiti ako ng kaunti, mapait, nag-aalangan. Hindi ko talaga alam kung paano ko sasabihin sa kanya ang gagawin kong pagsali sa photo contest na iyon. Paano nga ba?
"Hmm. Sige, una ka," sabi ko. Umupo siya nang tuwid at tumingin sa aking mga mata.
"May play kami next month! I got the main role!"
"T-talaga? Wow nice! Congrats!" sabi ko sabay ngiti nang pilit.
Agad din nya yatang napansin ang kakaibang ngiti na aking ginawa. Humigop na lang ako ng natunaw na shake na aking hawak at tumingin nang diretso sa kawalan.
"O? Bakit parang hindi ka masaya?"
"Huh? Hindi ah?! Masaya nga ako eh. Iniisip ko lang kasi kung kailan mo ako isasama sa mga praktis nyo." Nakalusot, kunwaring nalukot ang mukha at muling tumingin sa kanya. Ngunit totoo naman, nagagawa niya ngang magpost sa facebook ng mga practice nila nang hindi man lang niya sinasabi sa akin. Tapos ngayon na magkasama na ulit kami, hindi niya pa rin sasabihin?
"Hmm. Tampo naman 'to. 'Wag kang mag-alala, bukas o sa makalawa isasama kita. Papakilala kita sa mga friends ko," tugon niya. Muli siyang sumandal sa aking balikat at muling ninamnam ang sarap ng kanyang iniinom habang kami ay nakaupo sa ilalim ng mga bituin.
"Teka, may sasabihin ka 'di ba?"
Tumingin siya sa akin, napakunot nang sandali ang aking noo ngunit ngumiti na lang ako ulit.
"W-wala 'yon," ang tangi kong nasabi. Muli siyang bumalik sa kanyang pwesto. Huminga na lamang ako nang malalim, dismayado. Bakit nga ba hindi ko masabi?
Maya-maya pa ay dahan-dahan na siyang umuupo, nakatingala pa rin ngunit pansin ko sa kanyang mga mata ang pagkadismaya. May mali ba siyang naramdaman? Marahil ay alam niyang mayroon akong hindi masabi. Baka isipin niyang ayokong sabihin, pero bakit nga ba? Unti-unti ay nababalot ng takot ang aking isipan habang tinititigan ko ang nangungulila niyang mga mata.
"Ayos ka lang?" basag ko sa katahimikan.
"Uhm..." ngumiti siya ng matipid at saglit lamang habang tumatango.
Napatulala na lamang ako, inilagay ang wala nang lamang baso sa likuran at inilapat ang aking mga kamay sa damuhan. Isang bagsak ulit ng paghinga nang malalim ang aking ginawa, saka siya yumuko at napatulala.
"Ayos ka lang talaga?" tanong kong muli. Ngumiti siya at muling tumango at saka tumayo.
"Tara na?"
Hindi niya ako tinitingnan sa aking mga mata. Para bang may bago, hindi niya sinasabi? O baka ako lang din naman kasi ang naglilihim. Ilang segundo rin akong napatulala bago tuluyang tumayo. Inabot niya pa ang aking kamay bago ako hilahin para tuluyan nang makatindig mula sa pagkakaupo. Hinawakan ko ang kanyang kaliwang kamay, dahan-dahan hanggang sa unti-unti kong isinasara ang aking mga daliri.
_______________________________
Nakasandal lang siya sa salamin ng windshield sa kanyang kanan habang ako naman ay patuloy na nagmamaneho ng kotse niya pauwi. Nakapikit siya, marahil ay napagod at nakatulog. Hindi ko na lamang siya ginising hanggang sa makarating kami sa parking lot ng condo building na kanyang tinitirahan.
"Charmaine? Na'ndito na tayo," bulong ko habang ihinaharap ang kanyang ulo sa akin. Umungol naman siya nang kaunti ngunit nakapikit pa rin. Hinawakan ko nang malumanay ang kanyang pisngi, hinawi ang kanyang maikli ngunit malambot na buhok at saka muling nagsalita.
"Charmaine? Hey." Nilapit ko ang aking mukha sa kanya. Dinikit ang aking noo at ninamnam ang init ng kanyang balat. May kung anong kumurot sa aking dibdib nang mga panahong iyon. Napailing na lamang ako habang nakatingin sa kanya.
"Hangga't kaya kong pasayahin ka, gagawin ko. Makalimutan mo lang ang sakit. Maging masaya ka lang ulit," bulong ko.
Hindi siya gumising ngunit isang halik ang aking ibinigay sa kanyang labi. Nang tumingin ako sa kanyang mga mata ay gising na siya. Ngumiti ako, yumakap naman siya ng mahigpit, hinalikan ang aking pisngi at nagwika:
"Please stay."
Basag ang tinig, ang mga salitang iyon ay tumunaw sa aking kabuuan, para bang may mas malalim na dahilan kung bakit niya iyon nasabi. Yumakap din ako nang mahigpit at bumulong:
"I will."
Walang kasiguraduhan kung hanggang kailan, pero naramdaman ko sa pagkakataong iyon...na may hangganan din ang lahat.

BINABASA MO ANG
The Runaway Groom
عاطفيةLumuhod siya sa kanyang harapan, inilabas ang isang maliit at pulang kahon. Naroon ako, ngiting aso. Napaiwas na lang ako ng tingin sa kanilang dalawa. Maraming tao ang nanood, mga taong naghihintay at tila sabik na sabik sa susunod na mangyayari. K...