24.

4 1 0
                                    

Aligaga siya habang pinapanood akong maglakad palabas ng malaking bulwagang iyon. Ni hindi niya magawang makatingin nang diretso kay Jerick. Muli namang nagwika ang pari para sa kasal na iyon.

"Charmaine? Do you take this man to be your husband, to live together in holy matrimony, to love him, to honor him, to comfort him, and to keep him in sickness and in health, forsaking all others, for as long as you both shall live?" Nakatulala lamang siya. Tila nagising lamang siya nang hindi niya na makita ang aking anino sa loob ng bulwagang iyon. Humakbang siya nang kaunti at akmang hahabol ngunit kinapitan naman siya ni Jerick sa braso.

"Hey...it's okay," wika ni Jerick. Sa kanyang mga mata ay mababanaag ang labis na kalungkutan ngunit naroon pa rin ang positibong pananaw at determinasyon.

"I..." wika ni Charmaine. Napatingin naman ang mga dumalo sa kasal na iyon at ang tahimik na bulwagan ay nabahiran ng mga bulong-bulungan. Tumingin si Charmaine sa kanyang ina. Hindi rin maipinta ang kanyang mukha.

"Anong nangyayari?"

"Is she okay?"

"May problema ba si Maine?"

"Yung isang photographer? Talaga?"

"Yung best man?"

Mahihina ang mga bulong-bulungan na iyon ngunit unti-unti iyong lumalakas habang ang mga tao ay nakatingin sa dalawang ikakasal. Napansin naman ni Jen ang lahat, ang aking pag-alis, ang tanging dahilan kung bakit nagbago ng ganoon ang kanyang reaksyon. Agad siyang tumayo at sinubukan akong hanapin. Ang mga kasamahan ko naman sa studio ay gulat na gulat. Itinigil nila ang pagkuha ng mga video at litrato. Si boss Ronald naman ay pumwesto sa gilid at kinuha ang isang baso na naglalaman ng champagne.

"Ayan na," sambit pa niya at pagkatapos ay uminom ng kaunting likido mula sa hawak niyang baso.

"I need a break. Sorry. Medyo sumakit lang ang ulo ko," sambit ni Charmaine. Yumuko siya at dahan-dahang naglakad sa gitna ng lahat...palayo sa tila entablado at telon sa harapan, palayo sa kinang ng mga ilaw, palayo sa magarbong palamuti ng kasal, palayo sa mga taong nanonood. Tila hindi niya kinaya ang ipagpatuloy pa ang palabas na iyon. Hindi niya masikmura ang maikling palabas na nais mapanood ng mga tao. Hindi iyon isang play sa teatro, iyon ang realidad na kailangan niyang harapin.

Naglakad siya. Hanggang sa ang mga maliliit na hakbang na iyon ay unti-unting bumibilis. Patakbo siyang lumabas ng bulwagan at naiwan ang mga taong nagbibigay ng haka-haka sa kanyang pag-alis. Nagpatuloy ang mga bulong, nagtayuan ang iba pa.

"Charmaine? Charmaine?!" wika ng kanyang ina. Agad siyang tumayo at sinundan ang kanyang anak.

"Charmaine what is wrong with you?" wika ng kanyang ina. Patuloy lamang na patakbong naglakad si Charmaine sa labas ng hall.

"I just need some time, ma," wika niya.

"Pero ngayon pa talaga?! Sa araw ng kasal? You had your time! A lot of it!" bulyaw ng kanyang ina.

"Ma, I just need some space!"

Hindi na napigilan ni Charmaine ang kanyang sarili. Sumigaw siya at humarap sa kanyang ina. Nakita naman ng kanyang ina ang kumalat nang eye liner at eye shadow sa paligid ng mga mata ni Charmaine dahil sa pagluha. hindi naman nakapagsalita ang kanyang ina.

Nagpatuloy sa pagtakbo si Charmaine paakyat ng hagdan. Napaiwas naman ang ilang waiter na kasalukuyan namang maghahanda sana para sa reception.

"Jusko, ano ba 'tong nangyayari?" wika ng kanyang ina na sa pagkakataong iyon ay problemado na. Hinawakan niya ang kanyang ulo, tumingin sa dulo ng hall sa pintuan kung san makikita ang mga bisita na nakasilip lamang sa kanila.

The Runaway GroomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon