"Daming langgam," sabi niya. Ginising niya ako habang tila malikot siya sa aking tabi. Kasalukuyan pa ring tumatakbo ang bus noon at madilim na rin sa labas.
"Sweet daw kasi tayo," sagot ko naman na tila inaantok pa.
"Gago ka! Haha. Seryoso...tingnan mo."
Tiningnan ko ang pader at ang kanto ng salamin na bintana. Doon ay nakikita ko ang mga kulay pulang langgam na nakalinya.
"May tumapon na pagkain. Sa atin ba 'yan?" tanong ko. Umiling lang siya.
Tiningnan ko ang kumpol ng aming mga bag na nakasandal sa bakanteng upuan sa kanyang tabi. Hindi nga doon tumutuloy ang mga langgam na iyon. Lumiyad ako nang kaunti at halos sandalan na siya. Hindi naman siya kumibo. Sumabay lang siya sa pagtagilid ng katawan ko at tila nahiya sa aking ginagawa. Sinisilip ko ang magkabilang dulo ng bintana at sa likod ay nakita ko ang isang butil ng biskwit.
"Ay nako naman," bulong ko. Inis akong tumayo at tumalikod.
"Uhmm. Hi po, puwede pong pakitapon yung biskwit? Nilalanggam kasi eh," sabi ko. Ngumiti naman na parang nakangiwi ang lalaki na aking sinabihan. Katabi niyang natutulog ang kanyang kasama na lalaki din. Nakasandal pa ang lalaking iyon sa kanyang balikat at nagulat na lang ako nang makita kong sila'y magkahawak kamay. Nanlaki na lang ang mga mata ko nang umupo akong muli sa aking puwesto at tuwid na tumingin sa kawalan.
"Bakit?" bulong ni Charmaine. Tinuro ko nang palihim ang aking likod at bumulong din.
"Ang sweet nga..." sabi ko.
"Really? Lovers?" nakangiting tanong ni Charmaine. Tumango lang ako at ngumiti din. Nawala ang antok ko dahil sa aking nakita.
"My gosh, hayaan mo na nga. Uso naman 'yan ngayon," sabi niya.
"Hindi ako makikiuso sa kanila, 'no," bulong ko. Natawa na lang siya at pinalo ang aking braso habang nagtatakip ng bibig.
"Nasaan na ba tayo?" tanong ko.
"Hindi ko alam," sagot niya.
"Kanina ka pa gising?" tanong ko.
"Nagising lang ako kasi may mga gumagapang sa paa ko."
Kinuha ko ang aking bag, tumagilid na naman ako sa direksyon niya at tila naipit siya nang kaunti nang kunin ko ang alcohol. Bumalik ako sa dati kong posisyon at tila binaril ng watergun ang kanto ng bintana upang hindi na gapangan pa ng mga langgam.
"Uhmm. Ibabalik mo ba?" tanong niya.
"Alin?"
"'Yang alcohol?"
Tumango lang ako at ngumiti. Sumandal naman siya at itinaas nang bahagya ang kanyang mga kamay para makaiwas sa akin. Tila nailang naman ako sa ginawa niya at dahil na rin sa ganda ng hubog ng kanyang katawan at puti ng kanyang balat ay lalo akong hindi nakapag-isip ng tama.
"Kanina ko pa ginagawa 'to, 'di ba?" natatawa kong tanong. Tumango siya at tinapik ang likod ko.
"Sige na, okay lang," sabi niya. Lumiyad ulit ako sa direksyon niya at ipinasok sa aking bag ang dala kong alcohol.
"Teka punasan ko lang," sambit ko nang kunin ang isang putol ng tissue at pinunasan ang kanto ng bintana.
"Okay na, puwede mo na ulit itaas ang paa mo," sabi ko pero bago pa man ako maupo nang diretso ay niyakap niya at sinandalan ang likod ko.
"U-Uhm...okay ka lang?" tanong ko. Umupo ako nang diretso at tumingin sa kanya. Ngumiti lang siya at hinaplos ang pisngi at leeg ko.
"Huy..." sambit ko.
BINABASA MO ANG
The Runaway Groom
RomanceLumuhod siya sa kanyang harapan, inilabas ang isang maliit at pulang kahon. Naroon ako, ngiting aso. Napaiwas na lang ako ng tingin sa kanilang dalawa. Maraming tao ang nanood, mga taong naghihintay at tila sabik na sabik sa susunod na mangyayari. K...