17.

277 14 1
                                    

"Kaya ba hindi ka na nagmahal ulit?" tanong ko kay Jen nang mapatigil ako sa pagkukwento. Napatingin lamang siya sa akin at nagtaka.

"Dahil sa mga ganoong scenario?" dagdag ko. Napangiti siya nang kaunti at napatingin muli sa malayo.

"Hindi. Simula noong umalis ako sa mundo ng ibang tao na sinusubukan akong mahalin, naging magaan lahat. Napakarami pa diyan. Bakit ako? Bakit hindi na lang sila?" sagot niya. Yumuko siya at napatingin sa akin.

"O, siguro hindi ko pa siya nakikita. Baka noon, siguro nilagpasan ko lang," dagdag niya.

"Baka nalagpasan mo lang..." sambit ko habang nakangiti.

"Baka," sagot niya.

"Worth it ba akong mahalin nang kagaya niya, Jen?" matamlay kong tanong. Sumulyap ako sa mga mata niya. Ngumiti siya at tumango.

__________________________

"Nakapag-empake ka na pala," matamlay na sambit ni Charmaine nang makita niya ang ilang maleta at bag na nakaayos sa ibaba ng aking mesa. Nagulat ako sa sinabi niya. Napatigil ako habang isinasara ang pinto ng aking kwarto.

"Ahh...oo," ang tangi kong nasambit.

"Pa-Singapore?" Mas lalo kong ikinagulat ang sunod niyang sinabi.

"A-alam mo pala."

"Alam ko Ian. Nasa Bicol pa lang tayo alam ko na. Nakita ko sa bag mo...tinago mo rin yung invitation noong unang punta ko dito. I didn't mind. Matagal ka nang nasabit sa buhay ko...puro ako lang, this time ikaw naman," wika niya.

"It's not like that..."

"Alam ko, hindi ka driver ng buhay ko. Importante ka sa'kin...importante rin ang pangarap mo."

Umupo siya sa kama nang nakatalikod sa akin. Napayuko na lamang ako. Hindi ko alam na alam na pala niya ang tungkol sa pagsali ko sa contest na iyon. O baka ako lang itong manhid para hindi pansinin ang lahat. Baka pareho lang kami.

"Sorry..." bulong ko. Umupo rin ako sa kama at patalikod sa kanya, pareho kaming nakayuko, tila ninanamnam ang katahimikan at kalungkutan.

"Sorry kung hindi ko sinabi, wala naman akong balak. Iniisip ko kasi ikaw. Ayokong iwan ka," sambit ko.

"You don't have to, you have every reason to leave."

"At ikaw lang ang lahat ng dahilan para hindi ako umalis," sagot ko. Naririnig ko na naman ang kanyang pag-iyak. Huminga siya nang malalim, tila pinipigilan ang kanyang sarili na muling mabasag.

"Hooo...hehe. Ayoko namang magtapos na lang sa ganito," sambit niya bago tumayo, pinilit na ngumiti at pinaypayan ang kanyang mga mata gamit ang kanyang mga kamay. Kinuha niya ang DSLR camera sa aking mesa at inabot iyon sa akin.

"Sige nga magpractice ka nga. Ako ang model mo, sige na," wika niya habang pinipilit na ipahawak sa akin ang aking camera. Binuksan niya iyon na tila ba aligaga, nakita ko ang kanyang mukha, lumuluha pa rin siya ngunit pinipilit niyang tumawa.

"Sige na, ngayon lang 'to, ah?" Pinatayo niya ako sa paraang patulak.

Tumayo ako mula sa kama at tiningnan siya. Siya naman ay tumalikod at nagpose. Napabuntong hininga na lamang ako habang nakatitig sa kanya. Tila mas lalong kinurot ang aking dibdib sa kanyang inaasta. Dahan-dahan na lamang akong naglakad patungo sa bintana, mapait ang guhit sa mukha habang ibinababa ang puting tabing ng kurtina. Kinuha ang flash sa mesa at ikinabit sa tripod. Napatingin pa ako kay Charmaine, umiwas siya ng tingin sa akin habang hawak ang kanyang pisngi. Alam ko na sa pagkakataong iyon ay lumuluha pa rin siya.

"Ahh, haha grabe, ah. Nangangawit na ako, matagal pa 'yan?" Iyak tawa, pinilit niyang ibulalas ang mga salitang iyon kahit nababasag na ang kanyang tinig.

The Runaway GroomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon