4.

390 18 10
                                    

"Magbilang ka," sabi ko.

Ngumiti lang si Charmaine at gumawa ng ekspresyon na tila nang-aasar. Nakadapa siya noon sa kama ng room na aming nirentahan sa resort. Ako naman ay nakasalampak sa sahig habang hinahalungkat ang aking DSLR camera.

"Para saan?" tanong niya.

"Magbilang ka na dali," sabi ko. Nilapag ko ang aking camera. Tinaas naman niya ang kanyang kanang kilay at tila ako'y iniirapan.

"Aba! Taray nito," sabi ko.

"Sabihin mo muna kung para saan."

"Magbilang ka. Kapag sinabi kong tigil, ibig sabihin sa bilang ng buwan na 'yon, simula ngayon...doon ka makakamove on," sabi ko sa kanya. Ngumiti naman siya at inaliw ang sarili sa pamamagitan ng pagwagayway ng dalawa niyang mga paa.

"Game?" tanong ko.

"Game!" sagot niya.

"One! Two! Three! Four Five! Six!..."

Binilisan niya ang pagbibilang. Pinandilatan ko na lang siya ng mata at natawa. Tumawa siya at gumulong sa kama.

"Gagong 'to. Ayaw mo talagang mag-move on 'no?" tanong ko. Tawa lang siya nang tawa habang tumatango at gumugulong sa kama. Kinuha ko na lang ang isang unan at binato siya. Lalo lamang siyang tumawa.

"Ay nako, ewan ko sa 'yo..." sabi ko sabay tayo. Pupunta sana ako sa kusina para asikasuhin ang hapunan namin pero kinuha niyang muli ang atensyon ko.

"Huy, joke lang haha! Matampuhin 'to!"

"Sira! Hindi ako nagtatampo. Aayusin ko lang kakainin natin," sabi ko.

"Magbibilang na ako dali. Yung maayos na," sabi niya.

Nakaharap na siya ulit sa akin ngunit nakadapa pa rin sa kama. Ayoko namang maniwala dahil parang nang-iinis pa rin ang kanyang mukha.

"Ayoko na..."

"Huy! Seryoso na," sabi niya. Tumalikod lang ako at binuksan ang supot ng lechong manok na aming binili.

"Eh, di sige, bilang na," sabi ko habang nakatalikod.

"One!"

Naghintay ako ng susunod na bilang, ilang segundo na ang lumipas pero wala pa rin kaya't muli akong tumingin sa kanya. Ngumiti lang siya at itinaas ang kanyang hintuturo na pasayaw-sayaw pa. Muli na lang akong tumalikod at ngumiti.

_____________________________

Nagyaya siya noon na kumain sa labas ng kwarto na nirentahan namin. Gusto niya ang ambiance sa labas. May mga tao rin kasi na kumakain kaya't nakigaya rin siya. Maririnig ang pagsipol ng hangin, ang paghampas ng malumanay na dagat sa buhangin sa 'di kalayuan, nagsasayaw ang mga puno ng buko sa likod ng mga kwarto. Marami ring ilaw sa paligid dahil sa disenyo ng resort na iyon. Isang munting paraiso kasama ang isang dyosa, isang dyosang gustong mawala at gustong maging malaya.

"Seryoso ka? One lang?" binasag ko ang katahimikan. Patapos na akong kumain at lalagukin na lang ang aking tubig matapos kong magtanong.

Tumango lang siya habang kumakain na para bang wala nang bukas. Kung ako ang tatanungin, hindi siya mukhang mayaman nang gabing iyon. Kung kumain siya, akala mo dukha. Wala siyang pakialam kung may dumi pa siya sa labi o wala. Nakataas pa ang kaliwa niyang paa habang kinakamay ang manok.

"Bakit?" tanong ko.

Tiningnan niya lang ako habang nguminguya. Tinanggal ko naman ang piraso ng kanin sa kanyang labi. Ngumiti lang siya at sunod ay natawa. Tinakpan niya ang kanyang bibig gamit ang kanyang kamay. Naibagsak pa niya ang plato bago tumalikod at nagpipigil ng tawa.

The Runaway GroomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon