28.

55 1 2
                                    

Gaano ba katagal bago makamove-on ang isang pusong pagod na? Minsan nagtataka rin ako sa tibay ng puso ko. Kung kelan sugat-sugat na dahil sa iisang tao na patuloy niyang itinitibok, hindi pa rin nadala. Nagdaan na ang ilang mga buwan pero siya pa rin. Napakalakas ng tama na nagawa ko pang makasakit ng ibang tao na alam kong hindi karapat-dapat saktan. Napakatigas ng ulo, sobrang basag ang puso...pero heto ako, mag-isa kong idinidikit ang bawat butil at piraso.

Halos dalawang buwan na rin ang nakakaraan simula nang maghiwalay kami ni Jen. Hindi ko na siya makita sa facebook maging sa iba pang social media. Malamang naka-block na ako. Hindi ko naman magawang kontakin si Charmaine na ngayon ay nakikita ko pa rin ang profile. Tinititigan ko lang ang aking phone habang naghihintay sa wala sa loob ng gallery. Walang ibang ipinapahiwatig ang profile niya sa facebook kundi ang kalungkutan at pangungulila. Kasabay noon ay tila ang pagtanggap niya sa katotohanan...maaari nga tayong masaktan, pero may pagkakataon pa rin tayong ayusin ang ating sarili. Bagay na lalo ko ring natututunan...na kapag basag ka pa at galing ka sa masakit na pangyayari, mas mainam na tumigil muna, magpahinga at hayaang maghilom ang mga sugat...bago subukan muling magmahal.

"Wala na doon sa loob?" tanong ni boss Ronald. Sinasamsam na nila ang mga picture frame at mga litrato ko. Hindi na namin pagma-may-ari ang lugar na ito. Nakaupo lang ako sa bakal na kaha na aming dadalhin. Hindi mapawi ang lungkot sa aking mga mata. Sa paligid naman ay may ilang mga vloggers at photographer ang kinukunan ang aming ginagawang pagliligpit. May ilang hindi rin maipinta ang mukha, nalulungkot dahil sa pagsasara ng aming gallery na minsan rin nilang kinagiliwan at kinamanghaan.

"Ito na lahat, boss," sagot naman ni Marco. Bitbit niya ang isa pang kaha na inilagay na lamang sa trolley. Itinulak niya iyon palabas. Nilapitan naman ako ni papa. Batid niya ang matinding kalungkutan na aking nadarama ngayon. Tinapik niya ang aking balikat at dinaganan iyon nang bahagya. Ngumiti siya nang marahan at pabiro.

"Tara na..." matipid niyang sagot. Tumayo naman ako mula sa aking kinauupuan. Nakatingin lang sila sa akin. Malungkot ang kanilang mga mukha habang ako ay pinagmamasdan.

Pumasok ako sa loob ng gallery, pinagmasdan sa huling pagkakataon ang ganda ng disenyo ng loob. Nagpunta sa gitna, naglakad patungo sa pader kung saan dating nakapaskil ang mga litrato ni Charmaine. Kinapa ko pa ang mga parihabang dumi na tila bumakat na sa pader ng gallery. Iyon ang hulma ng mga picture frame kung saan nakalagay ang mga litrato ni Charmaine. Siguro nga, gaya ng iang sugat...ang mga masasakit at masasayang mga ala-ala, hindi maiiwasan na magkaroon ng peklat. Sa huling pagkakataon ay hinaplos ko ang mga peklat na iyon, umaasa na balang-araw, maghihilom din ang lahat. Huminga muna ako nang malalim bago maglakad palabas. Kinapa ko ang switch ngunit bago patayin ang ilaw ay tumalikod muna ako. Isang mainit na luha ang pumatak sa aking mata na agad ko namang pinahid. Tila ba nakikita ko sa aking isipan ang imahe ni Charmaine na nakatayo sa gitna ng gallery na iyon at nakatalikod. Pinagmamasdan niya pa rin ang kanyang mga litrato. Imahe na hindi ko rin maalis sa isipan ko simula noong malaman kong ikakasal na siya. Pumikit na lamang ako, muling tumingin sa labas at pinatay na ang ilaw ng gallery.

"And...ayun na nga po mga ka-tambayers. Nasaksihan natin ngayon yung pagsara ng Galeria Palado. Napakaraming memories sa atin ng gallery na ito..."

"We are really sad to hear about this closure. Kung mas nasuportahan lang natin ang art sa ating bansa...in any forms, sana nae-enjoy pa natin ngayon ang lugar na ito."

"This is a sad moment to us artists....what we only wish is for the photos of sir Ian to be placed in another gallery. We will miss his works."

Sa aking paglabas ay napansin ko ang pagluha ng ilang mga vloggers at mga suki naming bisita. Hindi mapigilan ang kalungkutan sa paligid. Hindi na sila lumapit sa akin. Marahil halata na rin sa akin ang sobrang stress, kalungkutan at panghihinayang sa lahat. Hinayaan na lamang nila akong maglakad palay habang itinutulak ang mga trolley na naglalaman ng mga kahon at ilan pang kagamitan.

The Runaway GroomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon