20.

1.2K 41 38
                                    

"Masokista ka talaga," sambit ni Jen na tila natatawa habang nagpupunas ng natitirang luha. Natatawa naman ako habang nakatitig sa kawalan, nagkibit balikat at tumingin sa kanya.

"Tang inang buhay 'to," wika ko habang napapangisi.

"Haha, oo. Tang ina talaga," sagot ni Jen.

Saglit kaming nanahimik, inunat ko ang aking mga braso at ipinangtukod sa aking likuran. Tinanggal naman ni Jen ang aking coat na inilagay ko sa kanyang likod at ipinatong iyon sa kanyang mga hita.

"Tinanong ako ni boss...kung pupunta nga ba talaga ako. Natawa na lang ako, parang baliw. Sabi niya okay lang naman daw kung hindi ako pupunta, kung sasaktan ko lang ang sarili ko sa mga makikita ko. Sila na lang daw ang bahalang mag-cover. Pero umiling ako at ngumiti, maipakita ko lang sa kanila na ayos lang. Inisip ko kasi kung hindi ako pupunta, iisipin ni Charmaine na hindi ko tanggap ang mga nangyari," pagpapatuloy ko. Lumingon sa akin si Jen. Nakatitig lang siya sa akin at tila napatulala.

"Baka kung hindi niya ako makita doon...hindi niya matanggap. Umalis siya, tumakbo, maduwag. Iisipin niya na hanggang ngayon apektado pa ako," sambit ko. Inunat ko ang aking mga binti upang makapagpahinga.

"Nagulat nga ako eh...tinanggap mo," matamlay na sambit ni Jen. Tumango-tango ako habang napapapikit.

_____________________________

"Iba talaga ang tama mo, 'no?" sabi ni Greg habang minamaneho ang bagong van ng studio.

Ako naman ay nakatingin lamang sa labas habang pinagmamasdan ang aming dinaraanan. Nakaupo ako noon sa kanyang likuran, si boss naman ang nasa passenger's seat. Katabi ko si Marco, napapailing na lamang habang nangingisi.

"Napapayag ka pa talaga," sabat ni Marco.

Umiling na lang ako habang napapangiti ngunit sa loob-loob ko ay parang may mabigat akong nararamdaman.

Maayos ang porma nila, longsleeves na itim, ang uniporme namin. Ang sa akin lang ang naiiba. Nakasuot ako ng abuhing necktie, puting longsleeves at nakapatong sa aking hita ang gray na coat.

"Ano ba kayo. Intindihin niyo na lang. Tapos na rin naman eh, 'di ba Christian?" wika ni boss Ronald. Tumingin na lamang ako sa kanya at ngumiti.

"Sa Tagaytay pa talaga, kung saan kayo unang nagkakilala. Takte!" mariing sagot ni Marco.

"Wala eh...kapag mahal mo talaga, magiging tanga ka," salo ni Greg. Napangisi naman ako at napatingin muli sa labas.

"Eh mahal mo pa ba talaga?" mapanghamong tanong ni Marco. Hindi ako nakasagot, napatulala lamang ako habang unti-unting humuhulas sa aking labi ang ngiti.

________________________

"Ay! Manong! Manong! Na'ndito na yung mga videographer at photographer. Please! Paki-guide naman sila sa rooms! Kukunin ko pa kasi yung ibang damit sa sasakyan," sagot ng isang babaeng naka-dress na kulay pula. Marahil ay isa sa mga abay.

Bitbit ko ang isang bag ng camera, ngumingiti na lamang nang pilit habang nakatingin sa kanya. Nang makita niya ako ay napayuko siya nang kaunti bago tuluyang lumabas ng hotel.

"Sige ma'am. Dito po, sir, sa 3rd floor po," sagot ng gwardiya habang tinuturo ang kinaroroonan ng elevator.

Bitbit namin ang mga de gulong na maleta, lumapit kami sa elevator. Naghintay at tumingin-tingin sa paligid. Tinapik ako ni boss nang marahan sa balikat nang bumukas na ang pinto. Pumasok kami sa loob at naghintay. Binasag na lamang ni boss ang katahimikan sa kanyang sinabi.

"Kapag sinabi ng pari na kung may tumututol ba sa kasalang ito. Alam mo na ang gagawin mo, ah?"

Napaisip ako sa kanyang sinabi pero sa totoo lang, iyon na yata ang pinakagago at pinakamagandang ideya na naisip ni boss. Mula sa kakaunting ngisi ay napunta iyon sa halakhakan. Halos magtulakan pa kami palabas ng elevator habang nagtatawanan. Napatigil na lamang kami nang makasalubong namin ang isang ginang na posturang-postura sa kanyang suot na gold and white dress. Napatigil ako nang makita siya, ang mommy ni Charmaine.

The Runaway GroomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon