Ice's heart skipped a beat after entering the old, abandoned plane. Surprisingly, the smell was the smell. She used to travel a lot. Kasama niya noon ang pamilya niya, kaibigan, si Ares, o kung sinong puwede. Kahit kailan niya gusto, puwede.
Sapat naman ang kaunting liwanag na nanggagaling sa mga bintana para lumiwanag ang loob ng eroplano. Hindi naman magulo sa loob. Nakabukas ang ilang compartment, pero walang laman. Nakaayos din ang mga upuan tulad noon. Tahimik siyang naglakad sa aisle at isa-isang tiningnan ang bawat row ng mga upuan.
Mula sa likuran, nararamdaman at naririnig niya ang yabag ni Lexus. Tahimik lang din ito tulad niya at dahil kulob sa loob, kaunting kaluskos at hakbang, dinig nilang dalawa. Ipinagpasalamat niyang sa pagkakataon iyon, tahimik si Lexus.
Tumigil si Ice sa gitna ng eroplano at pumikit. Tulad ng ginagawa niya noon, malalim siyang huminga at pilit inalala ang ingay ng eroplanong nakasanayan niya. Sigawan ng mga pasaherong tinatawag ang kasama nila sa upuan, iyakan ng mga bata, chattering ng ibang magkakasama, mga paalala ng stewardess, tunog ng seatbelt, lahat ng puwede niyang maalala mula sa nakaaran.
Ice wanted to feel what it was like to be normal again even though it was all a lie. Hindi na maibabalik ang nakaraan. Hindi na maibabalik ang mga magulang niya. Hindi na rin maibabalik ang sila ni Ares. Hindi na maibabalik ang mga dati niyang kaibigang hindi niya alam kung nasaan na.
Humakbang si Ice, kasabay niyon ang pagdilat ng mga mata niya. Nagpatuloy siya sa paglakad hanggang sa makarating sila ni Lexus sa dulo. Nandoon ang ibang cart na walang laman at mayroong mga bagaheng nakabukas at nakakalat, pero walang pakinabang.
"Gusto mong pumunta sa ilalim? Wala namang ganap doon kundi mga bagahe," sabi ni Lexus. "Wala na ring mga pagkain doon. Noong unang pasok ko rito, sobrang dami. First years, dito ako kumukuha ng pagkain."
Patagilid na nilingon ni Ice si Lexus na nakasandal sa isang upuan. Nakatingin ito sa kaniya na naghihintay ng sagot.
"Ayaw kong bumaba," diretsong sagot ni Ice.
Tumango si Lexus at sinabing sumunod siya na ginawa rin naman niya. Isa-isa ulit niyang nilingon ang bawat upuan. Malalim siyang huminga dahil naalala niya ang tawanan nila ng mga kaibigan niya noon o kaya kapag umaalis silang pamilya, sila ng kuya niya.
Dumiretso lang sila ni Lexus hanggang sa pasukin nila ang parte ng eroplanong mayroong makapal na kurtina. It was the business and first class. Itinuro ni Lexus ang dating bar at may nakalolokong ngiti sa labi nito.
"Isa 'yan sa dahilan kung bakit ko inangkin 'tong eroplanong 'to," pagmamalaki ni Lexus na nakaturo sa mga mamahaling alak na dating sine-serve. "Kapag bored ako 'tapos wala akong magawa, nandito ako, umiinom."
Nagsalubong ang kilay ni Ice. "Buti walang nagtatangkang angkinin 'tong eroplano mo lalo kung hindi ka naman talaga nakatira dito. Paano?"
Tumaas ang dalawang balikat ni Lexus. "Hindi pa tayo close para ikuwento ko sa 'yo," sabi nito na malapad na ngumiti. "Ay, putangina. Girlfriend na pala kita, 'di ba? Pero hindi pa rin kita pinagkakatiwalaan kaya hindi ko pa rin sasabihin sa 'yo."
"Edi 'wag. Nagtanong ako, pero hindi na ako interesado," sagot ni Ice na nilagpasan ang bar.
Nandoon ang mga upuan na puwedeng gawing higaan. Walang kalat o kahit na ano. Isa rin sa napansin niya na malinis ang buong eroplano. Hindi siya sigurado kung dahil ba sarado ito at halos hindi napapasukan ng alikabok o talagang nililinisan ni Lexus. Kung ganoon man, edi wow.
"Nandito lang ako 'pag trip ko. Meron akong sariling lugar na sa 'kin talaga, mas madalas ako roon," sabi ni Lexus habang naglalakad sa kabilang aisle. "Dinala lang talaga kita rito."