"Akala ko hindi kayo makakapunta, eh. Mabuti umabot pa kayo," natawa si Anya na naglakad kasabay nila. "Nagtanong kanina si Jakob kay Ares kung nasaan ba kayo, eh."
Nagsalubong ang kilay ni Ice na. "Puwede ba 'yon na hindi ako makakarating sa first birthday ng favorite Trevor ko? Nasaan na ba 'yong baby na 'yon at nang ma-kidnap na."
Itinuro ni Anya kung nasaan si Jakob at Trevor kaya naman nagmadali itong tumakbo papalapit sa mag-ama. Naiwan naman si Lexus kasama si Anya na inaya siyang magpunta sa kainan. Maraming tao at mayroong barbeque dahilan para kumalam ang sikmura niya.
"Saan pala kayo galing ni Ice ngayon?" Inabot ni Anya ang pinggan. "Kumain ka nang marami. Marami namang inihanda para sa birthday ni Trevor."
"Oo nga, eh," sagot ni Lexus na kumuha ng isaw. "Halos paikot-ikot lang kami nitong mga nakaraan, eh. Parang kung saan kami datnan ng gabi, roon kami hihinto. Pero ngayong araw, galing kami sa Tagaytay. Gusto lang magpalamig ni Ice, pero ayaw na niya sa Baguio."
Tumango si Anya at kaagad nitong naintindihan ang ibig niyang sabihin. Nabanggit na rin kasi ni Ice sa mag-asawa kung ano ang nangyari sa Baguio dahilan para mapagsabihan silang huwag basta-basta aalis. Totoo rin naman, delikado.
"Medyo marami kaming nakitan grupo ni Ice sa ilang buwan. Hirap talaga ang iba. Naging mailap na rin daw kasi 'yong mga hayop ngayon kaya mahirap nang maghuli. Karamihan sa kanila, naghahanap na lang ng mga punong puwedeng makain," salaysay ni Lexus. "Kayo rito sa Escarra, marami bang na-rescue?"
"Maraming nakita sila Kuya Austin at Nicholas, pero 'yong iba, ayaw sumama para dito tumira. Mas gusto nila sa sarili nilang grupo at naintindhan naman namin 'yon," mapait na ngumiti si Anya. "Nagkaroon na lang ng agreement na kung sakaling mayroon silang kailangan, bukas ang Escarra para sa kanila."
Inilibot ni Lexus ang tingin sa lugar. "Sa main Escarra, hindi na talaga kayo nagpapapasok?"
Napansin niya ang pagsalubong ng kilay ni Anya bago umiling. "Ayaw na ni Jakob, eh. Nalungkot din ako na nawalan na siya ng tiwala sa ibang tao. Ako rin naman, pero nalungkot ako na parang nalimitahan 'yong pagtulong dahil sa nangyari."
Natawa siya sa sinabi ni Anya. "Huwag mo silang isipin. Valid naman na wala na kayong tiwala, e. Pagkatapos ng nangyari sa 'yo, kung ako rin naman si Jakob, ganito ang gagawin ko lalo na't may anak na kayo."
Muling kumagat si Lexus ng karne mula sa stick na hawak nang makitang nakatitig sa kaniya si Anya at naniningkit pa ang mga mata nito. Mayroong munting ngiti sa labi at parang mayroong gustong sabihin.
"How about you?" Anya asked out of nowhere and smiled. "Do you have plans? Like, do have your own child?"
Lexus shook his head. "Sa hirap ng buhay ngayon, mag-aanak pa ba 'ko? Jusko siguro kung maayos ng mundo kahit sampu pa, pero ngayon? Hindi. Ang hirap kaya. Iyong pagbubuntis pa lang ng mga babae rito delikado na. Paano pa kung may baby?"
Tumango-tango si Anya at iniba na ang usapan na ipinagpasalamat ni Lexus. May lungkot sa parte niyang ganoon na ang mindset niya dahil kung nasa normal na mundo nga, mag-aanak talaga siya kahit ilan pa. Kung puwede siyang bumuo ng basketball team, gagawin niya, eh.
Nagpaalam si Anya sa kaniya para puntahan ang ilang batang naglalaro. Mga rescue ang mga ito sabi ni Ares na nakitang naglalakad sa siyudad galing sa kalapit na probinsya para magbaka sakaling may mapupuntahang grupo o lugar na mayroong sapat na pagkain.
Kung tutuusin, maraming grupo, pero hindi lahat tumatanggap. Nagkaroon ng pagkakabahabahagi ang mundo at naging makasarili. Tama rin naman ang iba. Para sa kanila, kulang na ang pagkain, hindi na kayang magbigay sa iba.