One night became one week, and it was hard for Lexus and Ice to leave the beach. Wala naman sa planong magtatagal sila, pero hindi nila magawang umalis. Nasiguro naman ni Lexus na maayos ang lugar para sa kanila.
Literal na silang dalawa lang at solo nila ang dagat.
Naisipan din muna nilang mag-ikot sa kalapit na probinsya. Titigil sila sa lugar na tingin nila ay ligtas naman para sa kanila. Simula Baguio, dalawang linggo silang wala sa siyudad. Ice was ecstatic that she finally got to do this one thing she was begging everyone for.
Gusto sanang subukan ni Ice na mag-drive, pero hindi pumayag si Lexus. Napag-usapan din nila na didiretso muna sila sa Olympus—ang lugar ni Ares—para mapatingnan si Tom Cruise. Maayos naman ang lagay nito, pero gusto nilang masigurong hindi magkakasakit at walang parasite. Ito ang uunahin nila.
Hindi gaanong mabilis ang takbo ng camper van. Suwabe lang ang eksakto dahil wala naman silang hinahabol na oras. Halos tanghali na rin silang umalis kaya naman nagsisimula nang dumilim ang daan, pero nakikita na nila ang siyudad. Mula sa malayo, nakatatakot.
Ice could never get used to the dark vibe. Nilingon niya si Lexus na nakapatong ang siko sa bintanang nakabukas at ipinaglalandas ang hintuturo sa ibabang labi. Alam niyang pagod at inaantok na rin ito dahil wala naman talaga silang matinong pahinga, lalo si Lexus na alerto sa bawat lugar na pupuntahan nila.
Nang makarating sa olympus, nasa tapat sila ng malaking itim na gate nang harangin sila ng tauhan ni Ares. Siniguro niya kay Lexus na siya na ang bahala. Bitbit ng lalaki ang malaking shotgun. Sigurado rin siyang maraming nakatutok na baril sa kanila ngayon kung sakali mang mayroong mangyari.
"Ice." Sumaludo ang bantay sa gate. "Ano'ng ginagawa n'yo rito?" Tumingin ito kay Lexus.
"Ay, bawal na ba 'ko? Kasama ko siya. Puwede ba kaming pumasok o bawal na talaga ako?" Tumaas ang kilay niya. Nakita niya ang panic sa mukha nito dahilan para ikatawa niya. "Chill. Si Ares?"
Ipinagtaka ni Ice ang pagsasalubong ng kilay nito.
"H-Hindi mo ba alam?" tanong nito sa mababang boses.
Naramdaman ni Ice ang kabog ng dibdib niya dahil sa pagkakatanong ng tauhan ni Ares. "Ang alin?"
"Nasa Escarra si Ares ngayon. Maraming tauhan dito ang nasa Escarra ngayon. Ang alam ko pati si Boss Tristan, nandoon." Tumingin ito kay Lexus bago ibinalik ang tingin sa kaniya. "Meron kasing k-um-idnap sa asawa ni Boss Jakob. Hindi mo ba alam?"
Ice exhaled and fisted. "Kailan pa?" she asked.
"Ang alam ko, parang dalawang linggo na? Kasi nag-panic ang lahat, e. Ang daming ipinadala sa Escarra at maraming lumabas dito para mag-ikot na nagbabaka sakaling nasa area lang, pero wala," salaysay nito. "Sa totoo lang, wala rin kaming alam dito, pero hindi pa umuuwi si Ares dito. Mas okay siguro kung pupuntahan mo ang kuya mo para mas makita mo ang nangyayari."
Mabagal na tumango si Ice at sinabihan si Lexus na umatras. "Kung gusto mo nang umuwi sa lungga mo, d-dalhin mo muna ako sa grupo ko. Kukuha ako ng sasakyan doon papunta sa kuya—"
"Ituro mo ang daan, dadalhin kita roon," ani Lexus. "Hindi ka makakapag-drive na ganiyan ka."
Hindi na tumanggi si Ice at itinuro kay Lexus ang daan. Hindi siya makapag-isip nang maayos. Katatapos lang ng trahedya sa buhay niya nitong nakaraan kaya pinili muna niyang magsaya, pero ganito ang daratnan niya.
Samantalang patagilid na tiningnan ni Lexus si Ice. Nakita niya ang panginginig ng kamay nito habang hinahaplos ang katawan ni Tom Cruise na mahimbing na natutulog. Itinuro nito ang daan, pero hindi na muling nagsalita. Malalim din ang bawat paghinga.