Aliana Arceta
Hawak ko ang payong dahil tuloy-tuloy ang pagbuhos ng ulan. Nandito ako sa harapan ng shop, kakasara lang nito at nag-uwian na ang mga staff ko. Usapan namin ni Wise na ibabalik niya sa akin si Clover ng 7PM And it's already seven in the evening.
May pag-aalala sa damdamin ko, pero may tiwala akong tutupad ng usapan si Wise. Naghintay pa rin ako dito sa harapan ng shop at lumipas ang labing limang minuto may humintong sasakyan dito sa tapat ko, si Wise. Nakapayong siyang lumabas sa driver side ng kotse. Naging kampante na ang pakiramdam ko dahil nandito na siya.
"I'm sorry for making you wait, Aliana." Lumapit siya sa akin at lalo namang lumakas ang ulan. Sumilong siya dito sa harapan ng shop, tumabi siya sa akin.
"Si Clover kasama mo?" Nilakasan ko ang boses ko dahil halos walang marinig kundi ang malakas na buhos ng ulan at may kasama pa itong kulog.
"Yeah, nasa backseat siya. Sumakay ka na, ihahatid ko na kayo baka kasi magkasakit siya kapag naulanan."
May point naman siya kaya hindi na ako nagdalawang isip pa. Nakabukas ang payong niya, sinamahan niya ako para hindi ako mabasa. Nang buksan niya ang pinto sa backseat agad akong sumakay.
Nandito si Clover, tulog siya habang nakaupo, nakasuot sa kanya ang seatbelt at may nakaalalay na neck-pillow sa leeg niya. Tinabihan ko siya saka ko siya binuhat para kandungin. Nagising siya nang alisin ko yong neck-pillow niya pero agad din siyang nakatulog. Mukhang antok na antok ang baby ko.
"Ituro mo sa akin kung saan ang way papuntang bahay niyo."
"Kakanan ka sa pangatlong kanto, deretso lang hanggang sa makarating tayo sa K-Fuel gasoline station. Malapit na doon ang bahay namin."
"Okay." Nagmaneho na siya.
Niyakap ko si Clover at hinalikan ang noo niya. Mukhang napagod ang baby ko habang magkasama sila ng dada niya. Hinaplos ko ang pisngi niya, halos buong araw ko siyang hindi nakasama kaya miss na miss ko siya.
"Isinama ko siya sa mall kanina, ibinili ko siya ng damit at sapatos. Tapos naglaro kami sa arcade, kaya siguro siya nakatulog dahil napagod sa paglalaro." saad ni Wise. Sinulyapan niya ako sa rearview mirror, nagtama roon ang mga tingin namin. Ngumiti siya bago niya ibinalik ang atensyon sa daan.
"Thank you, Wise. Inalagaan mo siya habang wala ako."
"Walang ano man, Aliana. Sana maulit yon, natutuwa akong makasama ang anak natin."
Hindi ako nagreact sa sinabi niya, nang makarating kami rito sa gasoline station itinuro ko sa kanya kung saang daan kami papasok.
"Wise, sa may gate na iyan."
itinuro ko ang itim na gate. Bumagal ang takbo ng sasakyan. Nakaabang na ang kasambahay na magbubukas ng gate. Sinabihan ko siyang ipasok ang sasakyan sa garahe para hindi mabasa si Clover. Sinunod niya ang sinabi ko, huminto ang sasakyan at mabilis siyang bumaba. Binuksan niya ang pinto dito sa backseat at kinuha niya sa akin si Clover para makababa ako.
Pumasok kami dito sa sala. "Akin na si Clover."
"Saan ba ang kwarto niyo? Ako na magdala sa kanya doon."
"Sa taas."
Nasa likuran niya ako, pinagmamasdan ko siya habang umaakyat kami dito sa hagdan. Masarap pa rin ang tulog ng anak namin, nakasubsob ito sa balikat niya. Nang marating namin ang second floor nauna akong naglakad at binuksan ang pinto ng kwarto.
Pumasok siya at pinahiga si Clover dito sa kama. Hinalikan niya ang pisngi nito saka siya lumabas ng pinto na para bang may kinakatakutan, pero nanatili siya roon.