p r o l o g o

1.9K 67 13
                                    

S h a t t e r e d   M e m o r i e s
Kyrian18

P R O L O G O

TADHANA NGA BA ang magdidekta ng kapalaran nang karamihan? Kailangan bang sumang-ayon na lamang ang lahat sa kagustuhan ng mga diyos? Masasabi bang may magandang wakas ang isang bagay na matagal nang nakaplano? Masasabi pa bang masaya ito kung malayo naman ito sa katotohanan?

Parang mga hayop na sunod-sunuran sa kung anuman ang magiging kapalaran ng isang nilalang, wala man lamang kaalam-alam ang mga ito sa kung anuman ang totoong naganap.

Napabuntong-hininga si Elliott sa kaniyang malalim na pag-iisip, habang palihim na pinagmamasdan si Xinderia -- ang dahilan kung bakit siya nakarating sa mundo ng mga tao. Wala itong kamalay-malay na nakaupo sa may bakanteng silya, na hindi kalayuan sa kaniyang puwesto. Rumehistro sa maamo mukha ni Xinderia ang saya na dulot nang pagbabasa ng libro. Napansin din ni Elliott ang isang baso punong-puno ng likidong kulay kahel at tinapay na mayroon ng kagat, na hindi niya mawari kung ano ang palaman. Mukhang nahihirapang ubusin nito ang pagkain.

Ilang taon din ang naging paglalakbay niya sa iba't ibang dimensiyon upang matunton lamang ang kaluluwa ng babaeng kaniyang iniibig.  Tatlong araw na siya sa mundong ito at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na muli niyang masisilayan ang mukha ni Xinderia.

Salamat sa kaniyang mahika,  hindi na ganoon kahirap magpanggap na naiiba siya.

"Ang suwerte ni Marianne, ano? May Will na siya," biglang bigkas ng kaklase nilang babae.

Marianne, ang bagong pangalan ng kaniyang mahal.

Doon lamang napansin ni Elliott ang paparating na si Williard,  ang nobyo ni Xinderia. Nagsalubong ang dalawa niyang kilay,  pinipilit na ikubli ang kaniyang panibugho sa mortal.  Bakit hanggang sa mundong ito ay maryoon pa rin siyang karibal?

At habang pinagmamasdan ni Elliott ang mga ngiti ni Xinderia sa lalaking katabi niya, hindi na niya halos mawari kung ano ba ang dapat niyang isipin o maramdaman -- susugurin ba niya si Williard, o lalayuan na ba niya ang babaeng ito nang tuluyan?

Mas malalim ang ikalawang pagbuntong-hininga ni Elliott.  Doon siya sa wala sa nabanggit -- ang iligtas niya si Xinderia sa panganib, sa lalong madaling panahon.

"Balita ko, pinakilala na si Marianne sa mga magulang ni Will at wala raw pagtututol na nagaganap. Ang suwerte talaga ng babaeng 'yan," dagdag pa nito.  Napalingon si Elliott sa nagsalita.  May nunal ito sa kanang pisngi. Hindi katangkaran.  Tsismosa. 

Napakunot pa ang kaniyang noo nang hinawakan ni Will ang kanang kamay ng dalaga. Kaya niyang magkunwari na isa siya sa mga kaklase ni Xinderia,  maliban sa emosyon niyang hindi niya kayang itago sa sarili. Naninikip ang kaniyang dibdib. May kung anong kirot na namumuo sa kaniyang puso. Walang dudang nagseselos si Elliott.

May mga bagay na kahit gugustuhin pa niyang mangyari ay parang wala ng pag-asa. Na kahit ano pa mang ipaglaban ang gagawin niya, marahil, hindi nga sila nakatakda para sa isa't-isa. Hibang na lamang ang umasang mayro'n pa, ngunit matagal na nga pala siyang nahihibang sa pag-ibig-- matagal na matagal na -- sa sobrang tagal, nasasanay na sa pamamanhid ang puso ni Elliott.

Gusto sana ni Eliott na sabihin niya kay Xinderia ang tunay nitong pagkatao, subalit ano'ng papel pa ba ang mayro'n siya sa buhay nito?

Wala ng aalala pa si Xinderia sa pagitan nilang dalawa. Isa na lamang siyang kapiraso ng panaginip na madali nang kalimutan. Kahit na ang magkalapit na sila ngayon, pakiramdam ni Elliott ay kay layo pa rin. Hindi niya mahawakan. Nahihirapan siyang lapitan.

Hindi na niya kayang tiisin pa at makita ang mga bagay na ayaw niyang makita. Tumalikod si Elliott at naglakad papunta sa pinto ng silid, papalayo sa kanilang lahat.

"Saan ka pupunta, El? Hoy! Dadating na si Sir! Mag-cu-cutting ka na naman!" bulyaw ng kaklase niyang hindi na nilingon pa. Dire-diretso siyang lumabas ng pintuan at naglalakad sa tahimik na pasilyo habang nakakuyom ang kaniyang mga kamao sa bulsa.

Masakit makitang masaya si Xinderia sa bago nitong buhay. Mahirap magkunwaring manhid kung totoo naman ay nadudurog na siya.

Ang kusang pagtibok ng puso at pagpili ng tadhanang tatahakin ay walang gano'ng nangyayari sa reyalidad. Pakana ng mga diyos na gawing laruan ang buhay ng bawat nilalang. At si Elliot ay ang isa marahil sa mas nakakaalam patungkol dito. Nabubuhay siya sa isang katotohanang matagal nang ibinaon sa limot.

Magkaiba na ang kanilang mundo, at kahit sa simpleng pagtibok ng kanilang mga puso ay magkaiba na rin. Hindi tuloy alam ni Elliott kung saan nga ba siya lulugar, o mas magandang itanong kung may lugar pa ba siya sa buhay ng babaeng ipinaglalaban niya ngayon sa tadhana.

Mukhang wala na.
Walang-wala na.

👠👑👠

Authors Note:

Hello,  pasensiya na at naka-unpublish ang lahat ng kabanata nito.  Inaayos ko kasi ang plot.  Ni-re-revise na rin. Sana ay matapos ko na ang istoryang ito. Salamat sa walang sawang paghihintay at pagbabasa.

Dedicated to: SsenTorres

ADK VI: Shattered Memories ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon