S H A T T E R E D M E M O R I E S
K y r i a n 18M A R I A N N E
TATLONG ARAW. Hindi makapaniwala si Elliott na tatlong araw na siyang nagsasayang ng oras. At hanggang ngayon, hindi pa niya nasisimulan ang napipintong plano upang magawa ang kaniyang misyon, sa mundo ng mga tao.
Masuwerte pa rin si Elliott at nauna pa rin niyang natunton si Xinderia. Kailangan niyang iligtas ang babaeng iyon, bago pa man siya mauunahan ng kaniyang kapatid.
Ilang taon na ba ang nakalipas? Hindi na niya mabilang. Mabuti na lamang at mas mabagal ang pag-ikot ng kanilang mundo kaysa sa mundo ng mga tao.
Bahagyang nagsisisi si Elliott sa una nilang pagtatagpo. Kung hindi sana niya ito pinapunta sa palasyo noon, iba sana ang naging takbo ng tadhana ng buhay ni Xinderia ngayon.
"Sabihin mo na lang sa kaniya ang katotohanan," sambit ng kaniyang nagsasalitang hikaw, na nakasabit sa kaniyang kaliwang tainga. Maliit lang iyon, na hugis basag na luha. "Papaano niya malalaman na hindi siya tagarito kung ayaw mong sabihin? Tandaan mo, ang babaeng iyan ay kailangan mong iligtas."
Hindi naman niya iyon nakakalimutan. Hindi lamang talaga alam ni Elliott kung paano niya sisimulan ang lahat. Kung tutuusin, nangangapa pa rin siya sa mundong ito. Hindi niya alam kung paano makisalamuha nang tama.
Nakaupo siya sa pinakatuktok na sanga sa malaking puno ng mangga. Kanina pa siya ro'n nakaupo at pinagmamasdan din ang buwan. Nakakubli ang buo niyang katawan sa puno, na para bang kaisa ito sa mga dahong nababalot sa dilim -- kagaya ng kulay ng kaniyang kasuotan, kagaya ng kaniyang nararamdaman.
"Ayon siya!" sigaw ng kaniyang hikaw na tanging si Elliott lang ang nakakarinig. "Lapitan mo na. Ilayo mo na siya sa mundong 'to."
Mag-isang naglalakad si Xinderia sa kalsada. Nakalugay ang kaniyang buhok habang nakasuot pa ito ng damit pantulog. Madumi na ang laylayan ng pajama nito sa putik. At wala man lang itong pakialam habang naglalakad nang nakayapak lamang. At higit sa lahat, hindi alam ni Elliott kung bakit mag-isa ito sa dis-oras nang gabi.
Maya-maya pa, dalawang lalaki naman ang nakapansin kay Xinderia na para bang wala pa rin sa wisyo. Nakatayo lamang ito sa kalagitnaan ng kalye habang nakatingala sa langit, at pinagmamasdan ang gandang taglay ng buwan.
"Panganib, Elliott! Panganib!"
Hindi na kailangan pang ipagsigawan iyon. Halata naman sa dalawan ang masamang binabalak nila kay Xinderia. Nakabungingis pa ang isa, na hindi nalalayo sa tangkad niyang 5'10. At isa naman ay may dinukot sa maong nitong jacket. Ito'y patalim na siya namang ikinataranta ni Elliott nang husto.
Kahit sa mundong ito ay hindi pa rin siya ligtas.
Napabuga na lang si Elliott ng hangin habang nag-aalala sa babaeng wala man lang alam sa mga nangyayari sa kaniyang paligid.
Ramdam pa niya ang lamig ng hangin na yumayakap sa kaniyang balat, bago niya naisipang lumutang sa ere at ibaba ang kaniyang sarili sa lupa. Inayos pa niya ang kaniyang sumbrero na kamuntik nang liparin at tinakluban ang mukha.
Isang kanto pa ang layo niya sa mga iyon, hindi ganoon kalayo.
Napansin ni Elliott ang isang maliit na dahon na nakapatong sa kaniyang balikat. Kinuha niya 'yon at mabilis na inihagis papunta sa gawi ng dalawang lalaki. Hindi lamang iyon ordinaryong dahon, bagkus ay kasingtalas na iyon ng kutsilyo -- o baka mas higit pa -- sapagkat, nilagyan niya iyon ng kaunting mahika.
BINABASA MO ANG
ADK VI: Shattered Memories ✔️
FantasíaGustong ipagsigawan ni Eliliott na mali ang nakasaad sa mga libro, patungkol sa istorya ng magandang binibining pumunta sa palasyo, suot-suot ang babasaging nitong sapatos. Nais niyang sabihing hindi ang prinsipeng iyon ang siyang pinuntahan ng dal...