S h a t t e r e d M e m o r i e s
Kyrian18P I G I N G
"KAILANGAN MONG hanapin ang hari bago pa umabot nang alas-dose." May kung ano'ng bumubulong sa tainga ni Marianne. Boses ito ng isang lalaki. "Magpokus ka sa iyong misyon dahil ang lahat ng ito'y pansamantala lamang, Xinderia."
Nagpalinga-linga pa siya ngunit wala naman siyang katabi. Hindi rin niya batid kung ano ang ibig nitong sabihin, kung kanino ang naririnig niyang boses, at higit sa lahat kung bakit Xinderia ang pangalan na sinambit. Pamilyar, ngunit kahit ano'ng isip niya ay wala siyang maalala sa pagmamay-ari ng boritonong boses na 'yon.
Wala siyang ideya kung bakit kailangan niyang hanapin ang hari. At isa pa, bakit may hari?
Nakatayo si Marianne sa kalagitnaan ng napakahabang hagdanan. Sa bawat gilid nito ay napupuno ng naggagandahang mga rosas, na may iba't-ibang kulay. Pinalibutan din ang buong lugar ng mga samo't saring ilaw -- sinadyang pinalambitin sa itaas, nilagyan ang bawat gilid ng mga rosas, at patungo sa pinakatuktok ng hagdanan ang magarbong disenyo na ito. Pakiramdam niya ay ang gumagaan ang kaniyang kalooban sa liwanag na taglay nito sa dilim. Ngayon lamang siya nakasaksi ng ganito kagandang lugar.
Sa tuktok ay matatagpuan ang dalawang kawal na nakatayo at nagmamatyag sa labas ng malaking tarangkahan. Wala na yata siya sa Pilipinas -- malayo sa buhay na kinalakihan niya. Walang naglalakihang mga gusali. Walang mga bus at dyip sa kalsada. At mas lalong walang ganito sa Alabang.
Para siyang namamalikmata. Nasaan na nga ba siya? Isa naman ba itong panaginip?
Ito ba ang sinasabi ni . . .
Muli siyang napaisip sa kung sino nga ba ang nagbigkas sa kaniya ng magandang panaginip. Hindi niya maalala. Nakapagtataka.
Bago niya iyon masagot, biglang napatigil si Marianne sa paghakbang sa paitaas na baitang ng hagdanan. Napayuko. Nanlaki ang kaniyang mga mata. Nagulantang siya nang tiningnan ang kaniyang kanang paa na nakasuot ng babasaging sapatos. Mabilis niyang hinawi ang laylayan ng kaniyang mahabang palda upang masilayan ang kaparehas nito. Hindi ito mabigat at hindi rin masakit sa paa.
Idagdag pa niya ang kaniyang mamahaling bestida na pinaghalong kulay puti at asul, na tila ba'y mas lalong kumikinang kapag nadadapuan ng liwanag.
Parang ayaw niyang maniwala sa nangyayari. Pakiramdam niya ay nakapasok siya sa kuwentong pambata patungkol sa naiwan nitong babasagin na sapatos, sa prinsipe, at mahika ng enkantadang ninang.
Imposible.
"Ayaw mo bang pumasok, magandang Binibini?" Napalingon si Marianne sa kaniyang likuran, ang pinagmulan ng boses.
Katulad din ni Marianne nakasuot ang lalaki ng mamahaling kasuotan. Maganda ang tindig nito na nakatayo lamang, limang baitang ang layo sa kaniya.
Maamo ang mukha ng lalaking nakangiti sa kaniyang gawi. Kita ang dalawang biloy nito sa pisngi at pantay-pantay na mga ngipin. Mahaba ang kulay itim nitong buhok na pasimpleng sumasayaw sa hangin. Tantiya ni Marianne ay nasa 5'11 ang taas.
Humakbang ito ng apat na baitang papalapit sa kaniya at huminto. Nanliliit ang taas niyang 5'2 sa tangkad ng isang ito. May kahawig ang lalaking ito ngunit hindi niya maalala kung sino. Hindi niya mawari kung bakit bigla na lamang niyang hindi maalala ang iba pang mukha ng kilala niyang mga lalaki.
Dahil ba ito sa epekto ng panaginip?
"Bisita ka ba ng prinsipe?" tanong nito, habang tinitingnan siya nang makahulugan.
BINABASA MO ANG
ADK VI: Shattered Memories ✔️
خيال (فانتازيا)Gustong ipagsigawan ni Eliliott na mali ang nakasaad sa mga libro, patungkol sa istorya ng magandang binibining pumunta sa palasyo, suot-suot ang babasaging nitong sapatos. Nais niyang sabihing hindi ang prinsipeng iyon ang siyang pinuntahan ng dal...