iii. i s i d u r

128 11 4
                                    

S h a t t e r e d   M e m o r i e s
Kyrian18

I S I D U R

INIWANAN NI ELLIOTT ang hawak-hawak niyang supot na may lamang pagkain sa itaas ng sanga. Hindi niya bukod akalain na sa loob ng isang oras ay magkakaroon kaagad ng problema ang babaeng kakaligtas lamang niya kanina.

"Walang dala ang babaeng iyan, kundi kamalasan!" pagmamaktol ni Xinea sa kaniyang tainga. "Kanina, nadisgrasya sa karuwahe. Ngayon, napag-initan ng mga bandido. Ano na naman kaya ang kasunod nito?"

Naririndi na si Elliott sa bawat pagrereklamo nito at hindi rin niya masisisi si Xenia. Matagal na itong nasanay na wala siyang kinakausap -- matagal nang nasanay na mag-isa.

"Tulungan muna natin si Binibining Xinderia," kalmado niyang turan, kahit na kumukulo na ang kaniyang dugo sa nagaganap na eksena magmula pa kanina. "Mag-anyo kang latigo hanggang matapos ang lahat ng ito, Xinea."

Nakatayo siya sa pagitan nina Xinderia at ng dalawang mandirigmang binayaran upang kitlan ang buhay nito. Nakaramdam si Elliott ng pagkahabag sa buhay ng dalagang ito. May mas nakakaawa pa palang nilalang, kumpara sa kaniya.

"Nakakayamot naman, Kamahalan! Nag-aaksaya tayo ng panahon. Malapit ka na nilang matutunton. Paparating na ang mga kawal ng Isidur!" babala sa kaniya ni Xinea, na siya lamang ang nakakadinig. "Hayaan mo na ang babaeng ito, mahal na Prinsipe. Mas mahalaga ang buhay mo kaysa sa buhay niya."

Hindi nagustuhan ni Elliott ang huling winika nito.

Ang bawat buhay ay mahalaga -- maharlika man o simpleng mamamayan lamang, may kapangyarihan man o wala. Hindi dapat sinusukat ang buhay sapagkat pantay-pantay lamang ang lahat ng uri ng nilalang. Walang ipinagkakaiba ang halaga-- isang bagay na hinding-hindi maiintindihan ng kagaya ni Xinea na hindi tao.

Hindi na nakasagot pa si Elliott nang sumugod ang isa sa mga ito na may purong peklat ang mukha at tumalon na lamang bigla sa kaniyang gawi. Kapwa sila ay bumagsak sa lupa, subalit kaagad siyang bumalikwas at gumulong upang kaagad na makatayo. At saka niya ito sinipa nang buong pwersa sa sikmura, bago niya ito ginamitan ng latigo sa leeg. Mabuti na lamang at hindi siya nakakaramdam ng bigat dahil sa tulong ng hangin, kaya mas mabilis din ang kaniyang paggalaw.

Sumugod na rin ang kasama nito. Isinalampak niya ang pangalawa at sinuntok sa bandang dibdib. Nawalan ito ng balanse at bumagsak sa lupa. Mabilis din ang pangyayari nang mahiwa ng kalaban ang kaniyang kaliwang braso, gamit ang bitbit nitong maliit na punyal.  Hindi ito ganoon kalalim, ngunit sapat na iyon upang mas lalo siyang mainis.

Paikot siyang gumalaw at nahuli ni Elliott ang leeg ng lalaking sinugatan siya, gamit ang kaniyang latigo. Pangalawang beses na niya itong nahuli sa leeg. At bago man niya ito tuluyang mapabagsak ay malakas ang pagkakasipa ng isa mula sa kaniyang likuran.

Napalingon si Elliott at humarap sa lalaking may disenyong bungo sa braso. Hindi sila makakatakas sa lugar na ito kung hindi niya siseryusohin ang laban.

"Xinderia, mag-anyong hangin ka," utos niya sa kaniyang kapangyarihan, na agaran din siyang sinunod. 

Nauubos na ang kaniyang oras -- idagdag pa ang pasensiya,  pinagmasdan na lamang niya ang lahat na nakatingin sa naliliwanag niyang latigo.

Mula sa pagiging latigo ay unti-unti itong naglaho sa kaniyang mga kamay, hanggang nag-anyo na naman itong batang babae na nakalutang sa hangin. Si Elliott na lamang ang nakakakita kay Xinea sa ganitong anyong ito.

Lumipad si Xinea papunta sa gawi ng mga kalaban -- nakalutang,  may kinukumpas at nakangisi. Pinalakas nito ang ikot ng hangin na mistulang maliliit na mga ipu-ipo. Nasa loob ng ipu-ipo na iyon ang dalawa, at ikinukulong. Nagliparan ang mga tuyong dahon sa buong paligod at iilang patay na sanga na nasa lupa. Sumasayaw sa lakas ng hangin ang kanilang buhok at kasuotan. At doon ay nakatayo lamang si Elliott sa harapan ng mga ito at nagmamasid sa napipintong wakas.

ADK VI: Shattered Memories ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon