S h a t t e r e d M e m o r i e s
Kyrian18K W E N T O N G - A DA
WALA NANG ATRASAN pa, buo na ang loob ni Marianne na kitain ang kaisa-isang kapatid ni Elliott, ang prinsipeng naging mitsa ng lahat ng ito.Nakatayo siya sa kaparehong hagdanan na pinagdausan ng piging noon. Ang pagkakaiba lamang ay wala na ang mga bulaklak at pailaw sa nakapalibot papunta sa malaking tarangkahan. Wala na ang masayang atmospera at napalitan ng purong panlalamig na nanunoot sa kaniyang balat.
Hindi na rin siya nagsuot ng magandang bestida, katulad noong una niyang pagtapak sa palasyo ng Isidur. Kupas na pantalon at maluwag na T-shirt, hinuha ni Marianne ay mas maigi na ang ganito. Wala na rin iyong babasaging sapatos na suot sa kaniyang mga paa, kung 'di ordinaryong tsinelas na lamang.
Naglaho na ang mapaglinlang na mahika ni Elliott noon na ginawa siyang prinsesa upang makapasok sa palasyo.
Wala ng Elliott ngayon.
Malalim ang kaniyang pagbuntong-hinga habang iniisip niya si Elliott na walang kamalay-malay sa kaniyang naging desisyon. Marahil ay nakauwi na ito ng bahay. Marahil ay nagagalit na ito sa kaniya.
Nagsimula na si Marianne sa pagtapak sa mahabang hagdanan. Buo na ang kaniyang desisyon na tulungan si Elliott kahit ano pa ang mangyayari. Isa pa, kailangan din niyang malaman ang lihim ng kaniyang pagkatao.
Kung nandito ang lahat ng kasagutan, ibig sabihin ay hindi kahangalan ang kaniyang ginagawa sa mga oras na ito.
Ang bawat paghakbang niya papalapit sa tarangkahan ay mistulang papalapit siya sa panibago niyang kulungan, at papalayo sa taong nais niyang makasama.
Hindi katulad ni Williard na masyado na niyang kilala ang takbo ng bawat kilos nito, ibang-iba si Prinsipe Rufino.
Magpapakita siya bilang si Marianne na namuhay bilang tao na walang maalala at hindi bilang si Xinderia na kinahuhumalingan ni Prinsipe Rufino nang husto noong unang panahon.
"Maligayang pagbabalik, mahal ko." Bungad ni Prinsipe Rufino sa kaniya nang pinagbuksan na siya ng tarangkahan.
Sumilay ang ngiti ng prinsipe nang masilayan ang kaniyang mukha. Magkasingtangkad ito kay Yino na nakatayo sa may gitna ng daanan. Maiksi ang buhok nito na kulay itim, hindi katulad nina Elliott at Yino. Mas malapad ang dibdib at mas matipuno ang pangangatawan ni Prinsipe Rufino kumpara sa kapatid nito at tila ba'y babad sa araw-araw na pag-ehersisyo.
Nagsisimula nang maghabulan ang pintig ng kaniyang dibdib habang nagtama ang kanilang mga mata. Pinipilit niyang pakalmahin ang kaniyang sarili -- marahil sa takot -- o baka mas higit pa.
"Huwag mo akong masabihan ng 'mahal ko'. Hindi kita kilala!" wika niya. "Hindi tayo magkaanu-ano. At hindi kita nobyo!"
Nag-alis siya ng tingin. Ibinaling ni Marianne ang kaniyang atensiyon sa dalawa pa nitong kasamang tagasilbi na nakayuko sa kaniyang harapan bilang pagrespeto.
"Manunumbalik din ang iyong alaala," marahan nitong sambit. Ni wala man lamang bakas ng galit ang guwapo nitong mukha. "Kasama na kung anuman ang mayroon sa ating dalawa."
Mas pinili ni Marianne na manahimik. Sasaya ba siya kapag naalala na niya ang lahat o mas lalo lamang siyang malulugmok?
Nagsimula na silang maglakad sa loob ng palasyo. Nanliliit siya habang nakamasid sa malapad nitong likod. Walang imik ding nakasunod ang dalawang tagasilbi sa kaniyang likuran. Dire-diretso lamang ang kanilang paglalakad.
BINABASA MO ANG
ADK VI: Shattered Memories ✔️
FantasyGustong ipagsigawan ni Eliliott na mali ang nakasaad sa mga libro, patungkol sa istorya ng magandang binibining pumunta sa palasyo, suot-suot ang babasaging nitong sapatos. Nais niyang sabihing hindi ang prinsipeng iyon ang siyang pinuntahan ng dal...