xix. k a s a y s a y a n

67 7 4
                                    

S h a t t e r e d   M e m o r i e s
Kyrian18

K A S A Y S A Y A N

"PAGKUKULANG ng kalangitan,
Pagmamahal na ipinagkait.
Kalayaang 'di pinagbigyan,
Sa dalawang mundong iwinaglit.

Marka ng pagkakilanlan,
Imortalidad ay natatangi.
Tagapagmana ng mga diyos,
Sa bagong mundo'y maghahari.

Tatlong beses na binasa nang paulit-ulit ni Marianne ang tula na tila ba'y bugtong sa labis na lalim.

Tahimik siyang nakaupo sa isang sulok ng silid-aklatan, na tanging sila lamang ni Yino ang naroroon. Masakit ang ulo niya sa sobrang pag-iisip habang hawak-hawak ang itim na libro. Kasaysayan daw iyon ng kanilang mundo. Ano naman ang koneksiyon niya sa mundong ito kung isa lamang siyang hamak na naliligaw?

Malalim ang kaniyang pagbuntong-hininga, kaparehong lalim ng kaniyang pagkalunod at pangamba na hindi ganoon kadaling makauwi.

"Itago mo ang librong iyan, Binibining Marianne. Regalo ko na sa iyo." Umupo si Yino sa bakanteng upuan na katapat niya.

Isinarado ni Marianne ang maliit na libro at inilapag sa harapan na mesa.

"Hindi ito ang kailangan ko, Prinsipe Yino," seryoso niyang wika. "Hindi ko kailangan ang kasaysayan ng mundo niyo. Mas mahalaga sa akin na makauwi sa amin, na makabalik ako. Mas importante sa akin na makakuha ng mga detalye na makakatulong sa akin ngayon."

Matamlay ang mga ngiting nasisilayan ni Marianne ngayon sa mga labi ng prinsipe.

"Ganiyan pala ang epekto ng pagkawala ng alaala mo, Binibining Marianne."

Kumunot ang mga kilay niya habang naguguluhan. "Ipagpaumahin, pero hindi naman nawawala ang mga alaala ko. Simula pagkabata, mga kaibigan ko, mga magulang ko, si Will --" Napahinto siya nang mabanggit ang pangalan ng kaniyang nobyo. "Lahat ng mga importanteng tao sa buhay ko ay hindi ko nalilimutan. Kaya paano mo nasasabi sa akin ngayon na nawalan ako ng alaala?"

"Ngunit, hindi mo naalala sina Rufino at Elliott," wika nito habang nakapangalumbaba na sa mesa. "Hindi mo nga natatandaan ang lahat."

Sasabog na yata ang kaniyang ulo sa sobrang sakit. Tumayo ang prinsipe at sinundan niya pa ng tingin. May inabot ito ng kung ano roon sa lagayan ng mga libro.

Bumalik ito at naglakad papalapit sa kaniya habang may hawak-hawak na isang malaking papel na nakarolyo pa.

Inilapag niya ang nakarolyong papel sa mesa at binubuksan sa kaniyang harapan ang ibabang bahagi nito.

"Wala man akong kakayanan upang manumbalik ang iyong alaala, ngunit gamit ang kasaysayan ng mga kaharian ay makakatulong sana sa iyo kahit papaano."

Tiningnan niya ang mukha ni Yino. Sa bilis nang pagpintig ng kaniyang puso, natatakot siyang tingnan ang nakalapag na papel. Natatakot si Marianne na hindi niya malaman kung bakit.

Reyna ng ISIDUR
X i n d e r i a

Ito ang unang bumungad ng mga letra sa kaniyang harapan. Xinderia, ang babaeng nabubuhay sa kaniyang panaginip, ay hindi pala produkto ng kaniyang pag-iisip.

"Si Binibining Xinderia ang nakatakdang maging reyna ng Isidur. Hindi siya ipinganak na maharlika, katulad ko. Subalit taglay niya ang marka na sumisimbolo ng kaharian."

Tuluyan nang binuklat ni Yino ang kabuuan ng papel. Naninikip ang dibdib ni Marianne sa sobrang pagkagulantang. Hindi siya makahuma. Nanlaki ang kaniyang mga mata habang nakatitig sa larawan na naroon.

Larawan ng isang magandang dilag na kaparehong-kapareho ng kaniyang panaginip.  Pati ang kasuotan nito sa piging ng Isidur ay kuhang-kuha. At higit sa lahat, na siyang ikinagimbal niya nang husto, ang mukha ni Xinderia at ang kaniya ay iisa.

"Hindi ka naliligaw. Nasa tamang lugar ka at pagkakataon. Nasa tamang mundo ka na -- ang tunay mong mundo. Ikaw ay nakauwi na, Binibining Xinderia."

Napatayo si Marianne sa kaniyang kinauupuan. Pailing-iling. Ayaw niyang maniwala.

"Hindi ako si Xinderia. Hindi ako ang babaeng iyan," malakas niyang pagtutol.

Gusto niyang makahinga. Palakad-lakad si Marianne. Atras-abante sa mesa. Ayaw niya nang pagmasdan ang larawan ni Xinderia. Nahihirapan siyang paniwalaan ang mga ito.

Hindi siya ang reyna ng Isidur.

"Ikaw ay itinakdang ikasal kay Prinsipe Rufino, subalit naglaho ka lamang bigla sa mundong ito. Ikaw ay napadpad sa mundo ng mga tao. Ipinanganak muli bilang tao. At namuhay bilang si Marianne, ang bago mong pangalan."

"Hindi! Hindi totoo iyan!" depensa niya habang halu-halo na ang kaniyang emosyon. "Ang gusto ko lamang ay makauwi sa amin."

Si Prinsipe Yino naman ang napailing-iling. "Kung iyan ay ang iyong kagustuhan, Binibini. Subalit makakauwi ka lamang sa inyong mundo kapag ika'y magiging reyna ng Isidur. Kung nais mong malaman ang buo mong pagkatao, pumasok ka sa silid-aklatan ng palasyo ng Isidur. Ang lahat ng iyong nais malaman ay nakasulat doon."

"Tama na iyan, Yino."

Napalingon silang dalawa ni Marianne sa pinagmulan ng boses.

Sa labas ng bintana ay unti-unting nagpakita si Eliott na nakalutang sa ere.

"Hindi siya pupunta sa kaharian ng Isidur, " dagdag pa nito.

Lumusot ito sa malaking bintana at tumabi kay Marianne na mangiyak-ngiyak na habang sinisilayan ang nag-aalala nitong mukha sa kaniya

Pakiramdam niya, tumibok na lang nang mabilis ang kaniyang puso.

"Ayos ka lamang ba?" tanong pa nito.

"E-Elliott -- " Iyon lamang ang kaya niyang sambitin dahil sa nangyari.

Maluha-luha na ang kaniyang mga mata. Nanginginig na siya sa pinaghalong pangamba at pagkayamot. Gusto niyang yakapin ang bagong dating, ngunit nagpipigil lamang siya.

Subalit, laking gulat na lamang ni Marianne nang hapitin siya ni Elliot sa kaniyang beywang upang sila ay magkalapit pa nang husto. Naaamoy na niya ang pabango nitong hindi masakit sa ilong. At ang init ng katawan nito ay siyang nagbigay sa kaniya ng kapanatagan ng loob.

Nahagip din sa kaniyang paningin ang pagkadisgusto nito sa larawan ni Xinderia na nakalapag sa mesa.

"Shhhh, huwag ka nang matakot," bulong nito sa kaniyang tainga. "Nandito na ako."

Mas lalong bumibilis ang pagtibok ng kaniyang puso nang kinintilan siya nito ng halik sa noo.

Dinaig pa ang mga palabas sa sine nang pakiwari niya'y bumagal ang lahat -- kasama na ang pagkagulat ni Yino sa ginawa ni Elliott -- at ang pagkahagip sa pamumula ng pisngi ng taong nagkintil sa kaniya ng halik.

"Huwag mong ipagpipilitan ang kasaysayan na huwad at mapaglinlang, Yino."


ADK VI: Shattered Memories ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon