S h a t t e r e d M e m o r i e s
Kyrian18B A S T A R D O
WALA NA YATANG maihihiling pa si Marianne sa mga oras na ito. Sa unang pagkakataon ay nakadama siya ng kapanatagan sa kaniyang sarili. Sa piling ni Elliott, pakiwari niya'y kayang maglaho ng kaniyang agam-agam at kalungkutan sa iisang iglap lamang.
Napabalikwas si Marianne sa kaniyang pagkakahiga. Hindi niya nababatid kung ilang oras na ba siyang nakahimbing subalit dali-dali siyang umalis sa higaan at itinapak ang kaniyang mga paa sa malamig ng mamahaling marmol na sahig. Nais niyang masulyapan ang mukha ni Elliott, ang lalaking hinahanap-hanap ng puso niya.
Palinga-linga siyang naglalakad palabas ng silid. Hindi ito ang kuwarto ni Elliott. Kung gayon ay binuhat siya nito papunta sa kaniyang pansamantalang silid. Bahagyang namula ang kaniyang pisngi nang maalala ang matamis na halik na iyon.
Napakagat siya ng labi. Hinihimas-himas ang kaniyang dibdib nang madama ang kakaibang pagpintig ng kaniyang puso.
Kakatukin na sana niya ang kabilang silid ngunit minabuti niyang sumilip na lamang muna sa maliit na awang na naroon. Bumigat ang kaniyang puso nang mapansing wala sa loob ang taong kaniyang hinahanap.
Nagpatuloy siya sa paglalakad sa malawak na bahay. Nadaanan niya ang kamangha-manghang sala na direktang nakikita ang pusod ng lawa buhat sa itaas. Sa kanang bahagi ay pinuntahan niya rin ang isa pang silid. Bumungad kay Marianne ang isang silid-aklatan na napupuno ng mga libro, ngunit ni anino ni Eliott ay wala siyang maaninag.
"Eliott!" hiyaw niya. "Nasaan ka? Nandito ka ba?"
Nanunuot ang lamig sa kaniyang mga paa subalit hindi siya tumitigil. Pakiramdam niya'y mas lumawak ang kabuuan ng tahanan nito sa kaniyang pag-iisa.
Maya-maya pa'y napagitla si Marianne nang maramdaman ang dalawang kamay na pumupulupot sa kaniyang katawan na nagmumula sa kaniyang likuran. Napasandal siya sa malapad nitong dibdib. Napasinghap sa pabango nitong nakakabaliw amoy-amuyin.
"Hinahanap mo ba ako?" ani Elliott, habang nakapatong pa ang baba nito sa kaniyang kanang balikat.
Hindi na naman niya maintindihan kung bakit lumulundag ang kaniyang puso sa sobrang galak.
"Hindi kita makita," aniya.
"Hinahanda ko lamang ang ating makakain," pabulong nitong sagot na para bang sinasadya pang ilapit ang mga labi nito sa kaniyang tainga. "Gutom ka na ba?"
Mas lalong napasinghap si Marianne sa sensasyon na iyon.
Matagal silang magnobyo ni Williard ngunit ni minsan ay hindi man lamang iyon nagtangkang halikan siya o lambingin siya ng kagaya nang ginagawa ni Elliott ngayon. Kung sabagay, isa iyon sa kanilang naging kasunduan nang maging nobya siya nito. Hanggang hindi sila ikakasal ay wala munang magaganap na kahit ano -- kahit pa ang isang simpleng halik sa labi.
Marahan siyang tumango. Kumalas si Elliott at dahan-dahang siyang inikot upang sila'y magkaharap.
Pareho silang napatigil doon.
"Iyong mga sugat mo, magaling na ba? Bakit wala ka sa kuwarto mo?" pag-aalala niyang banat. "Hindi ka na dapat umalis doon. Hindi ka pa magaling."
"Nag-aalala ka ba sa akin?"
Napapayuko. Hindi niya kayang tingnan ang mga mata nito. Parang matutunaw si Marianne sa malalagkit nitong titig.
"S-Sino ba ang hindi?" pautal-utal niyang turan niya nang hindi makatingin ng direkta. "Halos mamatay ka na kahapon sa daming dugo na nawala sa 'yo."
BINABASA MO ANG
ADK VI: Shattered Memories ✔️
ФэнтезиGustong ipagsigawan ni Eliliott na mali ang nakasaad sa mga libro, patungkol sa istorya ng magandang binibining pumunta sa palasyo, suot-suot ang babasaging nitong sapatos. Nais niyang sabihing hindi ang prinsipeng iyon ang siyang pinuntahan ng dal...