viii. w i l l i a r d

890 39 75
                                    

A/N: Ang kabanatang ito ay dedicated kay @jairahjam2418 . . a silent reader.  Thank you  for appreciating my works.  ❤

S h a t t e r e d   M e m o r i e s
Kyrian18

W I L L I A R D

ISANG LINGGO NA ang nakalipas at tila ba'y parang panaginip na lamang ang nangyari sa pagitan nilang dalawa. Naghihintay si Elliott ng magandang pagkakataon na makausap niya si Xinderia, na umabot na nang isang linggo at wala pa ring usad.

Ni isang beses ay hindi man lamang siya nito nilapitan. Idagdag pa ang nobyo nito na bantay-sarado ang dalaga. Akala ni Elliott ay mas mapapadali ang kaniyang misyon pagkatapos nang paggamit ng mahika sa panaginip nito, pero mukhang kabaliktaran yata ang nangyayari.

"Natakot na siguro sa 'yo, mahal na Prinsipe!" Nabasa yata ni Xenia ang takbo ng kaniyang utak.

Pitong araw na rin niyang binabantayan ang bahay ni Xinderia mula sa labas.  Puyat sa gabi kaya minabuti niyang magpahinga sa umaga at hindi na papasok sa unibersidad. Sa ilang araw na iyon, mas lalo niyang nakikilala ang buhay nito bilang si Marianne.

Hindi ito palakaibigan, taliwas sa imahe nito sa maraming tao. Lagi itong nagkukulong sa kuwarto, at madaling araw na kung matulog. Palagi rin niyang naabutan na buhay pa ang ilaw sa silid,  na para bang hirap itong makatulog sa gabi. Bukod pa kay Williard, wala ng ibang tao ang bumibisita kay Xinderia.

"Pwede mo namang pindutin iyang doorbell na sinasabi nila." turan na naman ang kaniyang hikaw, na hindi niya namalayan na nasa harapan na siya ng tarangkahan. "Hindi ba doorbell ang tawag ng mga tao riyan sa maliit na pipindutin sa tarangkahan? Kakaiba talaga ang teknolohiya ng mga tao."

Nakatitig lamang si Elliott sa tarangkahan. Sinulyapan pa niya ang magarang kotse sa may bandang garahe. Iniiisip niya na may mga magulang din ito rito, na taliwas sa kanilang mundo.

"Pindutin mo na..." Pagpupumilit sa kaniya ni Xenia.

Nagmistula siyang bato na nakatingin lamang sa bilog na buton na nasa kaniyang harapan. Kapag pipindutin niya iyon, ano na naman ang sasabihin niya kay Xinderia?

"Elliott?" Isang boses ang kaniyang nadinig mula sa kaniyang likuran. "May kailangan ka sa akin?"

Ang puso niyang kalmado ay biglang sunod-sunod ang pagtibok nang madinig ang malumanay na boses na iyon, na hinding-hindi niya pagsasawaan.

Si Xinderia.

Kahit Marianne na ang pangalan ay mananatili pa rin itong si Xinderia para sa kaniya.

Naririnig pa niya ang mga mumunti nitong yapak na papalapit sa kaniyang gawi. Pinipilit ni Elliott na maging blanko ang kaniyang ekspresiyon nang magtama ang kanilang mga mata. Pinipilit niyang huwag matunaw sa mga mata nitong kaakit-akit pa ring tingnan.

"Bumili ako ng icecream," pangiti sambit ni Xinderia, at saka niya napansin ang dala-dala nitong maliit na supot sa kaliwang kamay. "Hindi ako mahilig sa matamis, pero paminsan-minsan, hinahanap ng aking panlasa."

Nanatiling tahimik si Elliott. Araw ng Sabado kaya wala silang pasok. Nakasuot ito ng simpleng bestida na abot hanggang tuhod. Nakalugay ang buhok nitong lampas balikat. Nakangiti. Maaliwalas ang mukha. Sa tuwing nagtatama ang kanilang mga mata ay parang ang bagal ng oras, naglalaho ang lahat sa paligid,  at nakapokus lamang sa babaeng kaharap niya ngayon.

"Nandito ka ba para humiram ng notes? Dalawang araw ka nang absent." Si Xinderia na ang nagbasag ng katahimikan nilang dalawa. Nagbawi na rin ito ng tingin. "May pagsusulit pa naman tayo bukas. Halika. Tuloy ka sa bahay."

ADK VI: Shattered Memories ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon