xv. k a g u b a t a n

95 8 0
                                    

S h a t t e r e d  M e m o r i e s
K y r i a n  18

K A G U B A T A N

SA IBANG DIMENSIYON, marahil nasa iba ng mundo, ayaw nang tumigil ng mga luha ni Marianne na dumaloy sa kaniyang mga pisngi. Nag-uunahan pa rin itong pumatak habang iiniisip niya kung nasaan na nga ba siya ngayon.

Parang kanina lamang, kasama niya si Elliott na namamasyal sa Bayanan. Parang kanina lamang, nagkaroon pa ng alitan sina Williard at Elliott nang dahil sa kaniya.

Napailing-iling si Marianne habang nakatingin sa labas ng kalesang walang kabayo sa harapan, kung 'di ay may kung anong mahika na nababalot sa kanilang sinasakyan at kusa itong lumulutang sa himpapawid.

Wala siyang maaninag sa labas dahil sa labis na kadilimang yumayakap sa buong kapaligiran. Tantiya niya, malapit nang maghatinggabi.

Tahimik lamang siyang nakayuko ang ulo. Walang magawa si Marianne kung 'di hawakan ang laylayan ng kaniyang shorts. Nanginginig pa rin ang kaniyang mga tuhod.

Halos isang oras na silang naglalakbay sa kawalan. Kung panaginip man ito, gusto na niyang magising.

Hindi na nakakatuwa pa ang mga nangyayari. Kahit na nais niyang lisanin si Williard ay hindi sa ganitong pamamaraan. Wala sa kaniyang plano na iiwanan niya ito ng duguan at nakahandusay ang kawawa nitong katawan sa daan.

Napapikit si Marianne habang nahihirapan siyang makahinga.

Napupuno ang kaniyang sarili ng pagkabahala habang naguguluhan ang kaniyang isipan. Nababalot ng takot ang kaniyang puso habang tinatangay siya ng dalawang lalaking hindi niya namumukhaan.

Nasa Pilipinas pa ba siya? Nasa mundo ng mga tao? O talagang wala na?

Isa rin ba itong panaginip?

"Saan niyo ko dadalhin?" tanong ni Marianne sa dalawa niyang kasama.

"Huwag ka nang magtanong pa, Binibining Xinderia. Iuuwi ka na namin sa mahal na Prinsipe. Kay tagal ka na niyang hinahanap. Kay tagal mo nang nawala sa palasyo."

Imbes na maliwanagan ang kaniyang isipan ay mas lalo lamang siyang nagugulumihanan.

"H-Hindi. Marianne ang pangalan ko. Hindi Xinderia," pagtatama niya. "Nagkakamali ho kayo. At ano ba 'yang sinasabi ninyo na prinsipe? Wala namang prinsipe sa Pilipinas."

Sumasakit na nga ang kaniyang ulo subalit pinagtatawanan pa siya ng mga ito.

"Makinig kayo sa 'kin. Seryoso ako. Ang pangalan ko ay Marianne." Mas madiin at mas malakas ang kaniyang pagkakabigkas ng kaniyang mga salita. "Maniwala naman kayo. Ibang tao ang nadampot niyo!"

Walang saysay ang kaniyang pagpapaliwanag. Hindi naman nakikinig ang mga ito.

Pakiwari niya'y nagsasayang lamang si Marianne ng laway.

"Ano'ng mayro'n sa'yo?" tanong ng kawal na katapat niya sa upuan.

"Hindi ko kayo maintindihan."

"Dalawang prinsipe ang naglalaban sa isang karapatang mapasakanila ang iyong pagmamahal. Hindi ka naman gano'n kagandahan, upang pag-agawan. Kung tutuusin, hindi hamak na mas maganda kumpara sa iyo ang reyna ng Yuteria."

Hindi lamang siya tinangay ng mga ito,  harap-harapan ding minamaliit.

"Hindi ko kayo maintindihan. Sino ba iyang sinasabi mong prinsipe? Wala akong kilalang prinsipe--"

Napatigil si Marianne nang bigla na lamang nitong hiwakan ang kaniyang panga at masakit na ibinaon ang mga daliri nito sa kaniyang mga pisngi.

"Huwag mo kaming gawing hangal, Binibining Xinderia. Kasama mo si Prinsipe Elliott, kaya paano mo nasasabi ngayon na wala kang kilalang prinsipe?"

Patuloy pa rin ang lalaki sa pagpisil ng kaniyang dalawang pisngi. Nanlaki naman ang kaniyang mga mata. Sa labis na diin, pakiramdam niya ay natatamaan na nito ang bungo niya.

Masakit iyon, subalit mas pinili niyang magpakatatag at umiling-iling pa rin.

"Binitiwan mo na siya, kung 'di malalagot tayo sa prinsipe," wika ng isa pang kawal.

Nagtitigan muna ang dalawang kawal, saka siya nito iniwan at bumalik sa upuan.

"Masuwerte ka. Kung hindi ka lamang ang hihiranging asawa ni Prinsipe Rufino ay kanina ka pa namin pinaglalaruan."

Sumilay pa ang ngising demonyo nito saka niya ibinaling ang kaniyang paningin sa labas ng karuwahe.

Nakahinga nang maluwag nang binitiwan na siya nito. Mahapdi pa rin ang kaniyang pisngi na hindi lamamg niya inaalintana na.

Ngayon lamang niya nalaman na prinsipe pala ang bago niyang kaibigan. Nakakagulantang ang katotohanan na may kinalaman si Elliott sa mundong ito.

Kahit ano'ng pagmumulit niyang hindi siya 'yon, alam ni Marianne na wala na rin siyang magagawa. Buo na ang isipan ng mga ito, na hindi sila nagkakamali sa pagtangay sa kaniya.

"Saan niyo ko dadalhin?" tanong ni Marianne sa kawal na nagligtas sa kaniya kanina. Mayro'n itong maskara na kalahati lamang ang natatakpan sa maamong mukha nito.

"Sa palasyo ng Isidur."

Mas lalong nagulantang si Marianne sa narinig.

Isidur.

Kung gano'n, iisa lamang lugar na ito sa pupuntahan dapat nila ni Elliott.

Bagsak ang kaniyang balikat. Nanlulumo. May kung ano'ng nagsabi sa kaniya na hindi rin puwedeng pagkatiwalaan ang bagong kaibigan.

Mas lalong nananaig sa kaniyang isipan na kailangan niyang makatakas. At kung sinuman ang sinasabi ng mga ito na Prinsipe Rufino ay wala na rin siyang balak na aalamin pa.

Napadungaw siya sa karuwahe. At sa pagkakataong 'to, napansin niya kaagad ang damuhan sa ibaba. At kahit na alam niyang masasaktan lamang siya, walang atubiling tumayo si Marianne sa kaniyang kinauupuan at walang takot na lumundag palabas.

Halos mawalan siya ng hininga sa sobrang kaba, at hindi niya kayang dumilat kung papaano siya nahuhulog pababa.

Una, nasalo siya ng pinakatuktok na mga dahon sa isang malaking punongkahoy. Pangalawa, tuloy-tuloy ang kaniyang pagkalaglag paibaba at napunta sa kakaibang halaman na may naglalakihang mga dahon. Doon siya nagpadausdos. At pang huli, tuluyan na siyang bumagsak sa masukal na kagubatan, kahit na kailan ay hindi siya nangarap na mapuntahan.

Mas inuna ni Marianne ang sariling kaligtasan kaysa mataranta at matakot. Hinahayaan niya ang kaniyang sarili na magtago pa lalo sa kadiliman habang napapansin ang ilaw ng kalesang papalapit nang papalapit sa kaniyang gawi.

Tuluyan na niyang ikinukubli ang kaniyang sarili sa ilalim ng punongkahoy na may butas, at pinipilit na huwag gumawa pa ng panibagong ingay. Napakagat siya ng labi. Tinakpan niya ang sarili niyang bibig sa kaniyang mga palad. Kaagad na tumulo ang likido sa kaniyang mga mata habang iniinda niya ang sakit ng kaniyang pagkabagsak.

Ito na nga ba ang kaniyang katapusan?

Hindi niya alam.

Ilang minuto rin siyang nagtatago sa lilim ng mga naglalakihan at nagkakapalang mga dahon. Nagdadasal siya nang paulit-ulit upang huwag nang mahuli. Nanginginig ang kaniyang katawan habang iniisip pa niya kung paano siya makakabalik sa tunay niyang mundo.

Nagdaan pa ang ilang oras. Nababatid ni Marianne na hahanapin pa rin siya ng mga iyon. Alam niyang hindi permanente ang pag-iisa niya sa kagubatan. At isa pa, hindi rin niya mawari kung ligtas pa ba siyang makakaalis sa lugar na ito, o may pag-asa pa ba siyang makakatakas pa sa gusot na mayroon siya ngayon.

Tahimik niyang ipinahid ang kaniyang mga luha gamit ang sariling niyang mga palad. Kung anuman ang kaniyang kapalaran sa mundong ito, kung totoo ba ang lahat o produkto lamang ng kaniyang panaginip, iisa lamang ang kaniyang hiling -- siya ay makakauwi pa rin.

Nakaramdam ng masidhing pagod at antok si Marianne, at unti-unti nang bumabagsak ang kaniyang mga mata. Nanlalabo. Dumidilim.

ADK VI: Shattered Memories ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon