S h a t t e r e d M e m o r i e s
Kyrian18M A R K A D O
NAKAKABINGI ANG KATAHIMIKAN sa loob ng tahanan ni Xinderia. Kakatapos lamang ikutin ni Elliott ang kabuuan ng bahay na pinalilibutan ng mahahabang pader at malaking tarangkahan. Malawak din ang bakuran na tinaniman ng iba't ibang halaman at bulaklak. Unang beses pa lamang na nakapasok si Elliott sa pamamahay nito ngunit hindi niya maitatanggi na talagang naninibago siya.
Kahit na ganito kaligtas ang istruktura ng bahay, batid niyang walang magagawa ito laban sa kanilang kauri. Matutunton at matutunton ng mga Isidurian ang lokasyon ni Xinderia.
Binuhat niya ang natutulog na dalaga hanggang sa ikalawang palapag, kung saan ay naroon ang silid nito. Patuloy pa rin itong nananaginip kagaya ng kaniyang plano.
Naglalakad siya papunta sa balkunahe na nasa ikalawang palapag at nakadungaw siya roon. Nagpapahangin. Nag-iisip.
Mapayapa pa naman ang paligid. Maaliwalas. Kapansin-pansin din ang tatlong puno ng mga prutas sa ibabang bahagi-- ang mangga na kakamulaklak pa lamang, ang santol na bagong tanim, at balimbing na hitik sa mga bunga.
"Sigurado ka ba sa ginagawa mo, Kamahalan?" tanong sa kaniya ni Xenia. Hinayaan muna niya itong mag-anyong bata pansamantala.
Nakaupo ito sa balkunahe, pinatid-patid ang mga paa nito sa hangin na parang nililibang ang sarili.
Sinulyapan ni Elliott ang maamong mukha ng babaeng na may bahid pang pag-aalala. Muli niyang hinakbang ang kaniyang mga paa papasok ng silid at nilapitan si Xinderia na nakahiga sa malambot na kama. Hindi kalakihan ang higaan nito. Bulaklakin ang disenyo ng mga punda ng unan at pati na rin ang mga kumot.
Pinunasan niya kanina ang mga paa nitong napupuno ng putik, pati na rin ang mukha at mga kamay nito.
Tinitigan niya nang mabuti si Xinderia roon. Hindi man lamang nagbago ang anyo nito. Ganoon at ganoon pa rin mula ulo hanggang paa, maliban sa mga alalala na hindi na nakabalik.
Naglaho . . . kasama ang kaniyang pagkakilanlan . . .
Ilang oras na bang tulog si Xinderia?
Tantiya niya ay limang oras na. Gano'n na katagal. Sa ilang daang taon na pangungulila niya sa babaeng ito, limang oras pa lamang niya itong nakakasama. Parang ang iksi ng oras na kapiling niya ito. Mas matagal pa ang pagkawalay nilang dalawa at pangungulila niya kay Xinderia. Mas matagal ang sakit na namumuo sa kaniyang puso. Mas matagal siyang nag-iisa.
Pakiramdam ni Elliott ay mababaliw siya sa nangyayaring trahedya sa pagitan nilang dalawa, na kapag pipilitin niyang makalapit ay mas lalong maglalayo ang kanilang mundo, mas lalo siyang ilalayo sa buhay nito.
Bahagyang napapikit si Elliott sa labis na kalungkutan. Hindi niya ginusto ang mga nangyayari, lalo na ang biglaang pagkatapon ng kaluluwa ni Xinderia sa ibang dimensiyon -- sa mundo ng mga tao.
Kasalanan niya ang lahat.
Habang nakatitig si Elliott nang limang oras kay Xinderia, gusto niyang itanong ang kaniyang sarili kung may pinaglalaban pa ba siya. Baka naman ay nakakulong lamang siya sa mga watak-watak na alaala, ngunit matagal nang naglaho ang anumang namamagitan sa kanilang dalawa.
"At isa pa, magbabago ba ang kasaysayan gamit lamang ang panaginip?" hindi na namalayan pa ni Elliott na nakaupo na si Xenia sa tabi ng higaan.
Malalim ang kaniyang pagbuntong-hinga.
"Hindi magbabago ang kasaysayan," aniya na hindi lumilingon pa. "Kahit ano'ng gagawin niya roon sa panaginip ay walang mababago sa nangyari na. Binigyan ko lamang si Xinderia ng iilang piraso ng mga alaala sa kung saan siya nanggaling at kung ano ang kaniyang pagkatao, bago pa man siya napadpad sa mundong ito."
BINABASA MO ANG
ADK VI: Shattered Memories ✔️
FantasíaGustong ipagsigawan ni Eliliott na mali ang nakasaad sa mga libro, patungkol sa istorya ng magandang binibining pumunta sa palasyo, suot-suot ang babasaging nitong sapatos. Nais niyang sabihing hindi ang prinsipeng iyon ang siyang pinuntahan ng dal...