e p i l o g o

199 10 5
                                    

S h a t t e r e d   M e m o r i e s
Kyrian18

E P I L O G O

HULING PAGKAKATAON, sinamahan si Marianne ni Elliott sa mundo ng mga tao. Maaaring ito na ang huling tapak niya sa kaniyang nakagisnan niyang mundo. Isang taon na rin ang nagdaan.

"Ano ba iyong regalo ni Kupido?" sabik niyang tanong sa kaniyang asawa.

Suot-suot niya ang babasagin niyang sapatos na ginawan ni Elliott ng kapareha.

Ang sabi ng diyos ng Pag-ibig ay bibigyan siya ng dalawang regalo, ngunit wala namang binanggit ang kaniyang amang taga-Langit.

Kung tutuusin, hindi pa rin siya sanay at komportable sa kaniyang bagong buhay pero kailangan.

Nagkibit-balikat lamang sa kaniya ang kaniyang asawa habang nakangiti.

Magtatanong pa sana si Marianne kung bakit nasa labas lamang sila ng bahay na hindi pamilyar sa kaniya nang kusa siyang napahinto at napatitig sa matandang lalaking napupuno na ng uban ang buhok.

"P-Papa . . . "

Hindi siya makapaniwala na makikita pa niya ito. Napatakip siya ng bibig. Ang puso niya'y natutuwa at mga matang naluluha sa saya nang masilayan ang taong nagsilbing ama niya sa mundo ng mga tao.

Katabi ng kaniyang ama ay ang kaniyang ina. Parehong buhay at malusog. Malaya nilang natatanaw ang matandang mag-asawa na itinuring na niyang mga magulang.

Masaya ang mga itong nag-uusap sa labas ng 'di kalakihang bahay.

"Lalapitan mo ba sila, mahal na Reyna?" tanong ni Xenia sa kaniya.

Pagkatapos nang pag-iisang dibdib nila ni Elliott ay kaya na niyang makita ang hangin nitong kapangyarihan.

Napangiting umiiling-iling si Marianne sa batang hangin. "Hindi na siguro."

"Bakit naman, Kamahalan? Ayaw mo bang mahagkan at mayakap ang iyong ama't ina?" pagtatakang tanong nito.

Gustong-gusto.

Sino bang anak ang ayaw makasama ang mga magulang?

Subalit nagpipigil lamang si Marianne. Mas maigi nang huwag na niya itong lalapitan sapagkat magkaiba na sila ng mundo ginagalawan ngayon. Tanggap na niya at mas ligtas na hindi malalaman ng mga ito na buhay pa rin siya.

"Gusto mo bang malaman kung ano pa ang isa pang regalo ng diyos ng Pag-ibig?" tanong ni Elliott habang inaakbayan siya sa lilim ng punongkahoy.

Tumango siya.

Nag-anyong hangin silang tatlo habang nakalutang sa ere. Sa malawak na sementeryo ng kabilang siyudad ay nakikita nila si Williard na may bitbit pang isang kumpol na rosas. Inilagay niya ito sa isang puntod na pininturahan ng puti at napapalibutan ng mga bulaklak.

Nanlaki pa ang mga mata ni Marianne nang mapagtantong nakaukit doon ang kaniyang pangalan.

Humagikhik si Elliott dahil sa mukha niyang salubong ang mga kilay. "Ito ang regalo ng ama ko sa Langit? Ang malaman na pinatay na niya ako rito?"

Hindi niya malaman kung matutuwa ba siya o magkaroon ng sama ng loob.

Nagulantang si Marianne.

Napahalumikikip siya sa hangin habang natatawa na ang kaniyang asawa.

Akma na sana niyang babatukan si Elliott nang mapansin ang isang magandang babae na naglalakad papunta sa gawi ni Williard. Matangkad ito. Sopistikada. At halatang yayamanin.

Bagay silang dalawa.

"Iyan ang asawa ni Williard." Si Elliott na ang sumagot sa kaniyang katanungan na hindi pa niya nabibigkas.

"Kailan pa iyan ikinasal?" pagtataka niyang tanong.

Kamakailan lamang ay patay na patay ito sa kaniya.

"Ang sabi ng iyong ama ay nakasama ang pangalan ni Williard sa listahan ng mga nilalang na magkakaroon ng pagkakataong makilala ang itinadhanang mortal na mamahalin."

Kung gayun, ang dalawang iniregalo sa kaniya ni Kupido ay ang mga bagay na matagal na niyang ibinabagabag nang husto habang naninirahan siya sa Isidur.

"P'wede na akong mamuhay sa Isidur nang walang inaalala pa sa mundo ng mga tao," aniya.

Tumango sa kaniya si Elliott at kinintilan siya ng halik sa noo. 

"Umuwi na tayo," bulong pa nito.

Binuksan ng kaniyang asawa ang lagusan papunta sa kabilang mundo. Unang lumapit doon si Elliott. Nasa gilid niya si Xenia. Inilahad ng kaniyang asawa ang kanang kamay nito. Nakangiti at napupuno ng pagmamahal ang mga tingin nitong laan lamang para sa kaniya.

Hindi na nagdalawang-isip pa at kaagad na lumapit si Marianne sa tabi ni Elliott. Mabilis niyang kinuha ang kamay nito at sabay nang pumasok sa lumiliwanag na lagusan.

Tunay na tadhana ang magdidekta ng kapalaran nang karamihan.

Hindi kailangang sumang-ayon na lamang ang lahat sa kagustuhan ng mga diyos.

Masasabi pa ring may magandang wakas ang isang bagay na matagal nang nakaplano, basta kaya itong ipaglaban.

Kayang panindigan.

At kayang magmahal ng wagas . . .



W A K A S
Kyrian18

ADK VI: Shattered Memories ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon