ix. l a l i m

91 10 6
                                    

S h a t t e r e d  M e m o r i e s
Kyrian18

L A L I M

BALAT-KAYONG BUHAY, maganda lang pala sa panlabas,  ngunit nadudurog na sa loob. Ang buhay ni Xinderia bilang si Marianne ay mistulang kumikinang na hiyas ngunit isa pala itong huwad. Wala itong sariling buhay o pagkakilanlan, na taliwas sa nalalaman ng lahat. Parang anino na laging bumubuntot kay Williard, parang kadenang ayaw kumawala, hanggang kailan magpapanggap ang babaeng ito na masaya ang buhay niya?

"Marianne .  . . " halos pabulong na lamang ang kaniyang pagtawag. Kababa lamang ni Elliott ng hagdanan nang mapansin na tuluyan nang nakaalis si Williard sa bahay.

Gusto niyang abutin ang kamay nitong nanginginig, subalit mas ginusto ni Elliott na dumistansiya muna.

Lalapitan o hindi, nanaig pa rin sa utak ni Elliott na sa mundong ito, hindi sila magkakilala, na isa lamang siyang hamak na estudyanteng napadpad sa kanilang silid-aralan. Wala itong lalim. Walang batayan ng malakas na ugnayan sa pagitan nilang dalawa. Naglaho ang mga ito, katulad ngayon, na naglalaho na namang muli.

Humakbang papalayo sa may hagdanan si Xinderia. Bagsak ang mga balikat nitong umupo sa malambot na sofa, na para bang lantay gulay na ang katawa't isipan. Tiyak na nanlulumo ito sa pinag-usapan ng nobyo.

"Pakiusap, kung anuman ang nakita at narinig mo kanina,  mananatiling lihim sana sa pagitan nating dalawa."

Halata kay Xinderia na nagtitimpi lamang siya sa eksena kanina. Takot ang namayani sa babaeng ito, imbes na matuwa siya sapagkat may nobyong handang pakasalan siya at protektahan. Kaso, iba. May mali sa pinapakita nitong kilos.

"Ayokong magalit si Will.  Ayokong masira ako kay Will."

Mabilis ang pagpunas ng mga luha sa pisngi ng dalaga na para bang sanay na sanay na ito sa ganitong eksena. At sa huli, ang kapakanan pa rin ni Williard ang inuuna ni Xinderia.

"Ayaw mo bang makasal sa nobyo mo,  Marianne?" Napahugot siya ng lakas sa kung saan maan, para lamang itanong iyan.

Hindi ito nagugustuhan ni Elliott. Hindi dapat sunod-sunuran ang katulad nitong may malaking papel sa mundo nila.

Nasaan na iyong Xinderia na sobrang tapang, kagaya noong pagtakas nito sa kanilang bahay? Iyong kayang harapin ang lahat ng pagsubok kahit na ikakapahamak pa sa dulo? Wala na ba ang babaeng iyon? Hindi niya maramdaman ang katapangan ng puso nito. Mismong si Elliott ay nakadama na rin ng pagkalungkot sa mga nangyayari.

"Kung may pagkakataon bang makatakas ka kay Williard,  tatakas ka ba?" seryoso niyang tanong, umupo na rin sa sofa na katapat nito.

Nag-angat ng mukha si Xinderia.  Nangingilid na naman ang mga luha sa mga mata nito na pinipilit niyang hindi babagsak.

"Kahibangan naman iyan, Elliott. Kung madali lang tumakas eh 'di sana wala na ako rito." Tumayo ang kaniyang kaharap.  Hindi mapakali. Naglakad ito papalapit sa bintana. "Hindi basta-basta si Williard. At isa pa, mabait siya sa akin.  Siya na lang ang mayro'n ako sa buhay ko.  Siya na lang ang natirang may malasakit sa tulad ko. Kaya bakit pa ba ako tatakas? Bakit pa ba ako susugal sa mga bagay na walang kasiguraduhan? Hibang lang ang sumusugal ng gano'n. At hindi ako gano'ng klaseng tao, Elliott. Kung ang pagmamahal ni Williard ang magiging susi ko upang mabuhay, aalagaan ko ang puso niya hanggang gusto niya."

Hindi malaman ni Elliott kung siya ba ay naaaliw sa haba ng sinagot nito. Nagpakawala pa rin siya ng hangin. Ang pangit ng mga sagot nito. Nagiging praktikal si Xinderia nang wala sa lugar.

Kahit papaano ay masaya siya. Nagbukas pa rin sa kaniya si Xinderia ng saloobin. 

"Kahit para kang preso? Kahit halata naman sa pag-iyak mo ngayon na ayaw mo sa desisyon ng nobyo mo?" Hindi ito sumagot, kagaya ng kaniyang inaasahan.

ADK VI: Shattered Memories ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon