S H A T T E R E D M E M O R I E S
K y r i a n 18B A N G U N G O T
NAALIMPUNGATAN si Marianne sa kaniyang mahimbing na pagkakatulog. At habang paunti-unti nang lumilinaw ang kaniyang paningin, nararamdaman ni Marianne ang init sa kaniyang katawan. Ang huling alaala niya ay nasa labas siya ng bahay at kasama niya si Elliott.
Si Elliott.
Dahan-dahan siyang bumalikwas sa kaniyang pagkakahiga. Doon lamang niya napansin ang matinding kirot na namumuo sa kaniyang tuhod.
Saka lamang niya napagtantong kasama nga niya kagabi si Elliott.Tama, nadapa siya. At hindi lamang iyon isang panaginip na binuhat siya ng isang lalaki. Gusto tuloy niyang mamula habang titig na titig ang kaniyang mga mata, sa kulay puti niyang bedsheets. Kaagad niyang kinuha ang kumot sa kaniyang katawan at tumambad sa kaniya ang mga tuhod niyang ginamot na. Iba na rin ang kaniyang suot na damit, at hindi niya maiwasang hindi mamula habang iniisip kung sino ang nagbihis sa kaniya habang nawalan siya ng malay.
Palinga-linga pa si Marianne at tinatanto pa kung nasa bahay nga ba siya. Nandoon naman ang larawan nila ni Williard na naka-frame pa, at nakasabit sa may pader. Sa larawan, pareho silang nakaupo at magkaakbay. Nakunan ito, bago pa man niya iyon naging boypren. Katabi nito ang isang hugis-bilog na orasan na may disenyo ng ulo ng daga. Kaharap pa rin niya ang napakalaking salamin na mas lalong nagbibigay ng espasyo sa buong silid. Nasa tagiliran niya ang teddy bear na unang regalo ni Will sa kaniya noong nakaraang tatlong buwan.
Tama, kuwarto niya ito. Hindi niya alam kung ano man ang nangyayari, pero isa lang ang masisiguro niya -- hindi siya nag-iisa.
Naamoy niya ang halimuyak ng kape na para bang kakasalin lang sa tasa. Dinig na dinig din niya ang musikang nanggagaling sa labas ng kaniyang kuwarto. Pakiramdam niya, may ganito ng eksena noon. Ngunit, kahit anong pilit niyang sa kaniyang sarili na alalahanin ang mga iyon, nananatili lamang itong blanko sa kaniyang isipan.
"E-Elliott?" tanong niya, nang madinig niya ang yapak na papalapit sa kaniyang kwarto. Huminto ito ro'n, pero kitang-kita naman ni Marianne ang anino nito sa may ibabang bahagi ng pinto.
"Ikaw ba 'yan, Elliott?" Walang sumagot sa kabila.
Narinig pa ni Marianne ang tatlong mahihinang katok, bago niya tuluyang napansin ang paunti-unting pagbukas ng pinto.
Kabaliktaran ng kaniyang inaasahan, hindi si Elliott ang bumungad sa kaniyang harapan.
"Williard?" pagtatakang tanong niya.
Paano nakarating dito si Williard? Nasaan si Elliott? Iniwan ba siya ni Elliott? Tinawagan ba niya si Williard?
"Sino 'yong tinatawag mo? Hindi ko kasi halos nadinig," pangiti nitong sabi habang bitbit pa niya ang isang tray ng pagkain, na may isang tangkay pa ng rosas. "Alam kong mahihirapan kang maglakad, kaya ipinagluto na kita ng paborito mong pagkain at kape."
"Ah...e wala," pagsisinungaling niya sa kaniyang nobyo. "Kailan ka pa dumating?"
"Hindi naman ako umalis." Ngumiti pa si Will sa kaniya habang inilapag ang mga pagkain sa kaniyang harapan. Sa loob ng tray, mayro'n itong dalawang hotdog, paborito niyang tuyo, at sinangag. "Kain ka muna. Mamaya na tayo mag-usap pagkatapos mong kumain."
Kinuha ni Williard ang kutsara't tinidor at nagsimulang paghaluin ang hotdog at sinangag.
"Marami kang dapat ipaliwanag sa 'kin, mahal ko." Kapansin-pansin ang pagkalamig ng boses ni Williard sa kaniya. "Kumain ka na."
BINABASA MO ANG
ADK VI: Shattered Memories ✔️
FantasyGustong ipagsigawan ni Eliliott na mali ang nakasaad sa mga libro, patungkol sa istorya ng magandang binibining pumunta sa palasyo, suot-suot ang babasaging nitong sapatos. Nais niyang sabihing hindi ang prinsipeng iyon ang siyang pinuntahan ng dal...