21
Maaliwalas ang lagay ng panahon sa bundok di tulad sa buwan ng Abril na masyadong maiinit. Nawiwili ang bawat isa sa pagmamasid. Parang may parada ng matatayog at mayayabong na puno, makukulay na insekto, kakaibang halaman at bulaklak na hindi makikita sa lungsod. Ang ingay ng mga ibon at kuliglig ay mistulang musika sa pandinig ni Monroy. Pansamantalang nakapagpahinga ang kaniyang mga tenga sa ingay ng mga sasakyan sa kalye ng Maynila. Nawala ang nararamdaman niyang lagnat. Tulad ng dati, tanging galak at sigla ang kaniyang nadarama sa tuwing napalilibutan ng mga halaman. Malaking kaginhawaan na nagdudulot sa kaniya ng hindi maipaliwanag na kasiyahan. Napansin niya ang katangian na ito noong siya ay bata pa. Lumaki siya sa kabahayan na maraming halaman at hayup kaya normal lang na maging mapagmahal siya sa kalikasan.
"Ang sarap ng hangin, presko!" sabi ni Lily.
"Good idea din na August tayo umakyat. Tuwing April kasi ay parang palengke dito." sabi ni Lanie.
"Ang gaganda ng mga halaman! Pwede bang mag-uwi? Joke lang!" sabi ni Monroy.
"Take nothing, but pictures." sabay na wika ni Richard at Williard. "Hahaha!"
"Mga pictures na nga lang ang kukunin ko." sabi ni Monroy.
"Monroy, mas marami pang magagandang halaman sa itaas! Marami ding mga myna dun!" sabi ni Lily.
"Masuwerte tayo at mahinahon ang bundok." sabi ni Kim. "Monroy, huwag mong kalimutang magpaalam sa mga tagapangalaga bago kumuha ng pictures."
"Opo,Nanay." sabat ni Richard. "Kung alam mo lang, Kim, may lahing engkanto yang kaibigan ko."
Ilang minuto ang lumipas at nadaanan ng grupo ang Talon ng Cristalino. Nagtampisaw ang ilang mountaineers. Matapos magpahinga at kumuha ng ilang larawan ay ipinagpatuloy nila ang pag-akyat. Habang tumataas ay kumakapal ang kagubatan. Ilang matitinik na halaman ang humahagip sa kanilang balat at kasuotan.Humihirap na din ang pagbagtas ng trail na parang gustong patunayan ng Banahaw na siya ang Hari ng Timog Katagalugan. Halata ang pagiging sanay ni Jay sa pag-akyat ng bundok dahil tahimik lang ito.Katwiran niya ay sayang ang enerhiya na nauubos sa pagsasalita. Tahimik din si Kim sa kadahilanang ayaw nitong magalit ang mga elemento ng bundok. Si Nico naman ay panay ang inom ng tubig. Wala pa sila sa itaas ay malapit ng maubos ang tubig ng binata. Si Monroy at Richard ay abala sa pagkuha ng litrato. Si Williard ay tahimik na nagmamasid sa kapaligiran. Paminsan-minsan ay kumukuha din ito ng litrato. Si Lanie naman ay parang walang kapaguran sa pagkukuwento tungkol sa huling akyat ng grupo at kung gaano kasarap ang lambanog na iinumin sa itaas. Ang pagkasabik naman ni Jeff ay unti-unting napapalitan ng pagod at pagkairita. Humiling ito ng break.
"Malayo pa ba?" tanong ni Jeff kay Lily.
"Oo,malayo pa. Malapit na tayo sa Kweba ng Dios Ama." sagot ni Lily.
"Sino ba yang tini-text mo?" tanong ni Jeff.
"Nanay ko. Ito lang ang request niya sa akin tuwing aakyat ng bundok, ang mag-text sa kanya tuwing may pagkakataon." sagot ni Lily.
Dumaan ang limang minutong pahinga at muling kumilos ang grupo. Narating nila ang pamosong Kweba ng Dios Ama. Si Jeff ay hindi na pumasok at nagpahinga na lamang sa tabi ng isang bato. Gustuhin man ay hindi ginamit ni Monroy ang kaniyang camera sa loob ng kweba dahil sa pananaway ni Kim. Tahimik ang lahat. May kung anong hindi maipaliwanag sa loob ng kweba. Maging si Lanie ay natameme. Hindi maitago ni Kim ang galak ng marating ang lugar. Ito talaga ang pakay niya sa pag-akyat ng Banahaw. Kinuha niya sa bulsa ang kaniyang La Cruz at saka lumuhod. Inilahad niya ang kaniyang mga palad na waring nag-aalay. Hindi niya alintana ang putik sa loob ng kweba. Pagkatapos itago ang La Cruz ay inilapag niya ang isang rosaryo at nagpaalam.
Tahimik na iniwan ng mga mountaineers ang kweba at ipinagpatuloy ang pag-akyat. Mahirap na ang daanan. Isang bahagi ng trail ay matarik. Mabuti na lang at may nakahandang tali upang tumulong sa mga umaakyat. May bahagi din na maputik at kailangang mag-ingat upang hindi madulas. Nang sumapit ang ala-una ay nagpatawag ng lunchbreak si Jay. Naglabas ng packed lunch ang bawat isa at sinimulan ang pagkain.
"Huminga ka naman,Chad!" sigaw ni Monroy sa kaibigan.
"Gutom na talaga ako,pare!" sabi ni Richard.
"Sino ba naman ang hindi magugutom dito.Wala bang mabibilhan ng Coke?" sabi naman ni Williard. Nakasilong ito sa kumpol ng puno at mataas na halaman. Nakasuot din ito ng napakalaking shades.
"Kung Holy Week sana ay may tindang Coke sa itaas.Hahaha!" sabi ni Lanie. "Pati nga Piatos at iba pang chichirya meron din."
Pagkatapos kumain ng tanghalian ay namigay ng cloud nine si Lily.
"Ito ang desert. Ang mga kalat natin ay ibababa natin. Ibulsa niyo muna yang balat ng cloud nine.Tandaan "Leave nothing, but footprints". paalala ni Lily.
BINABASA MO ANG
Mga Hiwaga ng Kasaysayan: Unang Baul
HorrorAng kasaysayan ay kwento ng sankatauhan.Paano kung ang mga salaysay na nakalimbag sa aklat at inaakala mong tama ay huwad at hindi ganap? Ano ang nakapangingilabot na lihim nito? Isang napakasamang kabuktutan na gigimbal sa mga Pilipino!