3
Sa bahay, masiglang nagha-hapunan si Monroy ng ginisang kalabasa, steamed okra, at calamansi juice. Ang lahat ng ito ay galing sa kaniyang vegetable garden. Tumikim din naman siya ng kapirasong tocino dahil na din sa hiling ni Tita Blanca.
"Hindi mo ba talaga gagalawin iyang tocino?" tanong ni Tita Blanca.
Isang ngiti lang ang itinuran ni Monroy sa kaniyang Tita. Bagamat makikita na sa mukha nito ang mga gatla ay napakalakas pa rin ng kaniyang Tita Blanca sa edad na 51. Napakabilis din nitong kumilos. Hindi niya kaanu-ano ang kasambahay ngunit dahil na din sa sampung taong paninilbihan nito ay itinuring na nila itong kamag-anak. Ganun din ang trato ng kaniyang ina dito. Sa katunayan nga ay kasabay nila ito sa tuwing kakain. Dumating ang kaniyang Tita Blanca sa kanilang buhay noong siya ay anim na taong gulang pa lamang.
DING DONG...DING DONG
"Tumikim ka pa." wika ni Tita Blanca. Nilagyan nito ng maliit na tocino ang plato ni Monroy at saka tumayo upang buksan ang gate. "Malamang ay si Ricardo na ito."
"Tol, musta enrollment?" masayang bati ni Richard, ang kaniyang matalik na kaibigan. Kasunod nito si Tita Blanca.
"Umupo ka na at tulungan mo akong ubusin ang tocino." utos ni Tita Blanca kay Ricardo. Iniabot nito ang kanin sa bagong dating.
"Okay naman! Official student na ako ng Eskuwela Konkordiya!" masayang tugon ni Monroy sa kaibigan. Matagal na niyang kaibigan si Ricardo. Nakilala niya ang best friend sa paaralang sekundarya ng Fairview. Noon kasi ay suki siya ng nilupak na itinitinda ni Aling Angel, ang ina ni Ricardo. Maliban sa weekend, walang araw na hindi siya bumibili ng nilupak na talaga namang napakalinamnam. Minsan, nagulat siya ng bumisita si Ricardo sa kanilang bahay na may dalang nilupak. Dito nagsimula ang kanilang pagkakaibigan.
"Sige lang ang kain,Ricardo. Tutal ay ayaw naman ni Monroy niyang karne." wika ni Tita Blanca.
"Walang problema, Tita. Uubusin natin ito." sagot ni Ricardo habang ngumunguya.
"Kaya tuloy pang-tatay na katawan mo sa lakas mong kumain ng karne.Hahaha!" tuya ni Monroy kay Ricardo.
Ang tinutukoy ni Monroy ay ang pagiging maskulado ni Richard. Sa taas na 5'11' ay talaga namang matipuno ang pangangatawan ni Richard. Ito ay dahil sa isan-daang push-ups na ginagawa nito pagkagising sa umaga at bago matulog sa gabi. Maganda naman ang ibinunga ng gawaing ito kay Richard dahil naipasa niya ang physical exam at natanggap siya sa kursong criminology. Katulad ni Monroy ay isa na siyang freshman sa Criminology Academy of the Philippines.
"Masel yan!" giit ni Ricardo. "Palibahasa pisngi mo lang ang malaki sayo."
"Babyface kasi ako. Ikaw nga, kung anong laki mo, siyang liit ng mata mo." sambit ni Monroy. "Hahaha!"
"Par, kung di dahil sa gorgeous body ko ay hindi ako makakapasa sa physical fitness exam. Tanggap na ako sa CAP."
"Criminology Academy of the Philippines ba kamo? Mag-iingat ka, Ricardo. Huwag kang sasali sa mga fraternities." pakli ni Tita Blanca. Naglagay ito ng catsup sa platito at iniabot ito kay Richard.
"Tita, sabihin niyo po yan kay Monroy dahil kakayanin ko naman ang kahit anong hazing." pabirong sagot ni Ricardo.
"Ayoko ng ganyang biro. Matutulog ba kayo sa Tree House?." tanong ni Tita Blanca.
"Yes, Tita!" sabay na tugon ng magkaibigan.
Pasado alas otso na ng natapos maghapunan ang tatlo. Nakawalong pirasong okra at dalawang baso ng calamansi juice si Monroy. Naubos naman ni Ricardo at Tita Blanca ang isang platong tocino. Sinaid ni Richard ang catsup. Mabilis na nailigpit ng matanda ang pinagkainan. Pagkatapos magsipilyo ng magkaibigan ay nagpunta ang mga ito sa hardin kung nasaan ang Tree House. Ito ang isang bahay na may dalawang palapag. Ginawa ito ng magkaibigan noong sila ay 3rd year high school pa lamang. Ito ay yari sa kahoy at nasa itaas ng napakalaking punong mangga. Sa 1st floor ay mayroong isang lampara at apat na lumang unan na nagsisilbing upuan. May isang maliit na tokador na isa ding lamesita. Paborito ito ni Ricardo dahil palaging puno ng snacks. Ang ikalawang palapag ay ang kwarto. Nandito ang isang lampara na mas maliit kaysa sa nasa ibaba, dalawang unan at kumot. Mayroon ding kulambo at bentilador na hindi nagagamit dahil wala namang lamok at presko sa loob ng Tree House. Sa ikalawang palapag din nagsisimula ang isang tulay na konektado sa puno ng bayabas na siya namang diretso sa kwarto ni Monroy. Ang tulay ay natatakpan ng malalaking sanga at malalagong dahon ng mga puno kaya naman makikita lamang ito kung ikaw ay nasa Tree House.
Mistulang isang gubat ang likod-bahay ng Pamilya Siphayo. Maituturing itong gubat sa Siyudad ng Quezon. Sa buong subdivision ay natatangi ang kanilang hardin dahil hindi lang halaman at bulaklak kundi pati mga puno ay matutunghayan dito.Bukod sa dalawang puno ng niyog sa labas, sa hardin ay may isang puno ng santol, mangga, avocado at balete, dalawang puno ng bayabas at langka, at apat na puno ng mahogany. Dahil dito ay walang araw na hindi nakakakain ng prutas si Monroy. May tatlong suma ng mga duyan na nakasabit sa mga puno. Sa puno ng mangga nakakanlong ang tree house ni Monroy at Richard. Maraming ibon at insekto ang nananahan sa makukulay na bulaklak. Tatlong pusa din ang permanenteng residente ng hardin. Isang pamilya ng paniki ang nakikituloy sa puno ng bayabas. Malaya din ang isang colony ng mga kuneho. Gaya ng nakagawian, isa-isang nilapitan at kinamusta ni Monroy ang bawat puno. Si Richard naman ay umakyat na sa Tree House. Ang puno ng santol ang pinaka-huling nilapitan ni Monroy.
"Kamusta ka santol? Malapit ka ng magkabunga. Damihan mo ha at paborito kita." masiglang sabi ni Monroy sa punong santol.
"Par, tulog na tayo!" sigaw ni Richard mula sa bintana ng bahay-bahayan.
"Nagpaalam ka ba bago umakyat?" tanong ni Monroy.
"Oo!Pumayag si pareng mangga!" sagot ni Richard.
Nang makausap ang puno ng santol ay tinungo na ni Monroy ang punong Mangga. Bago umakyat gamit ang tulay na gawa sa tali, niyakap muna niya ito. Mas matanda pa ang malaking punong ito kaysa sa kaniya at sa sobrang laki ay tatlong tao ang kakailanganin upang mayakap ito ng buo. Sa loob ng Tree House, pinagpag ni Monroy ang kanyang unan at kumot. Nang matapos ay pinatay niya ang lampara at saka humiga.
"Alam mo, asar ka. Nasipa mo yung bahay nung gagamba sa ibaba." sabi ni Monroy.
"Hindi ko naman nakita.Sorry, Par." sabi ni Richard.
"Magaslaw ka kasi.Mabuti na lang hindi mo natapakan."
"Sorry po ulit. Sige tulog na tayo."
"Goodnight." sabi ni Monroy.
"Goodnight din, Par." sagot ni Richard.
"Itong punong mangga ang sinabihan ko ng goodnight at hindi ikaw." sabi ni Monroy.
Ilang sandali lang at nakatulog na ang dalawang binata. Hindi nila napansin ang pagdating ni Angela, ang nanay ni Monroy.
Sabado ang pinaka-okupadong araw ni Angela. Isa siyang volunteer clerk sa Free Philippines, isang non-government organization na tumutulong sa mga mararalita at kapus-palad. Dinadayo ng grupo ang malalayong lugar upang organisahin ang mga naninirahin dito na makabuo ng maliit na industriya na may kinalaman sa pagbebenta ng produktong lokal. Kagagaling lang niya sa isang bayan sa Bulacan. Tuwing weekends naman ay abala siya sa pag-aasikaso sa kaniyang establisyimento sa Araneta, Cubao. Tahimik siyang umakyat sa Tree House at maingat na binuksan ang lampara. Napangiti siya ng makita ang nahihimbing na magkaibigan. Matapos ayusin ang buhok ni Ricardo ay hinaplos niya ang pisngi ni Monroy. Inayos niya ang unan ng anak at saka hinawakan ang ulo nito. Nanamlay ang mukha ni Angela. Ilang minuto din ang lumipas at binitiwan niya ang bumbunan ng anak. Humalik siya pisngi ni Monroy at maingat na nilisan ang hardin.
BINABASA MO ANG
Mga Hiwaga ng Kasaysayan: Unang Baul
HorreurAng kasaysayan ay kwento ng sankatauhan.Paano kung ang mga salaysay na nakalimbag sa aklat at inaakala mong tama ay huwad at hindi ganap? Ano ang nakapangingilabot na lihim nito? Isang napakasamang kabuktutan na gigimbal sa mga Pilipino!