Kabanata 27 - B

102 3 2
                                    

Bigo kaming makakita ng buhay sa kutang ito. Pati ang sinadya kong kaibigan ay hindi ko nasumpungan. Kahit pagod at gutom, aming nilikom ang mga bangkay ng mga nasawi upang ilibing ang mga ito. Sa aming bilang, may tatlumpu't tatlong kataong nasawi.

Kasama nilang namatay ang aming adhikain-ang ipaglaban ang kalayaan ng bayan.

Isang malaking palaisipan sa amin kung paano natukoy ng mga mananakop ang liblib na pook na ito sa masukal na looban ng kakahuyan. Kami ng aking mga kapatid ay halos malagutan na din ng hininga marating lang ang kasukalan nito. Anong kinabukasan ang naghihintay sa amin kung hindi na namin maaring maging kanlungan ang kutang ito? Paano kung ang mga kanluraning mananakop ang may gawa ng mga ito? Walang katiyakan ang aming kaligtasan dito. Hindi kami dapat na maging mahinahon sa ngayon.

Hanggang sa isang panaghoy ang aming narinig na dahilan upang kami ay pumasok at magtago sa isang kubo. Nagmula sa isang lalaki ang tinig na hindi naming maintindihan. Ganoon pa pan, ito ay mistulang nagsusumamo at mahihinuha mo dito ang hilakbot. Kami ay nagmatyag sa estranghero mula sa siwang ng kubo. Kakaiba ang pisikal na anyo ng ginoo-mataas, kulay mais na buhok, at ang mukha ay hawig sa mga Kastila. Nagtataglay ito ng kulay porselanang kutis sa kabila ng mga duming nasa balat at kasuotan nito. Tama! Kamukha niya ang mga mananakop! Sino siya at ano ang ginagawa niya dito sa kagubatan? Paano niya natunton ang kuta at may mga kasama pa ba siya? Napayakap si Gabriela kay Simeon."

"Par, lalong nagiging sala-salabat ang kwento ni Papa Isyo." wika ni Monroy.

"Edi ayos! Mas exciting, mas maganda, Par!" tugon ni Richard sa kaibigan. "Sige lang, tapusin mo yang pagbabasa, tapos salain natin mga vital information. May kilala akong makakatulong sa atin sa Samar, yung mga kamag anak namin doon. Taga- Samar ang nanay ko. Tapos si Ama, tubong Panay naman ang kaniyang mga magulang at buhay pa hanggang ngayon. Iyong panganay nila, obsessed sa mga anting-anting at traditional medicines. Dahil doon, lahat sila ay lumipat sa Samar. Naiwan doon ang aking tiyo at sila lolo at lola. Kaya sigurado akong may alam sila dyan kay Isyo na yan. Kukuha lang ako ng makakain natin sa loob."

"Salamat, Par." nakangiting wika ni Monroy sa kaibigan at saka muling itinuon ang atensyon sa diary.

"Panay ang sigaw ng lalaki gamit ang wikang banyaga. Hindi naming mawari ang kaniyang wika ngunit mistula siyang takot at sa aming hinuha ay kailangan niya ng tulong. Minsan kong narinig mula sa kaniya ang salitang "tulong" ngunit hindi malinaw ang pagbigkas niya. Pumasok ito sa ika-apat na kubo mula sa aming pinagtataguan. Sino kaya ang lalaking iyon? Bakit kakaiba ang kaniyang itsura sa amin at sa mga mamayan ng kuta? Isa ba siya sa mga mananakop? Kung ganoon ay bakit siya takot at nasaan ang kaniyang mga kasama? Sila ba ang may gawa ng kahila-hilakbot na bagay na ito sa tribu? Nasa malalim akong pag iisip ng biglang may sumulpot na dalawang batang babae mula sa kawalan. Hubad at naliligo ang mga ito sa dugo. Ang mga pulang mata ay nanlilisik at bakas sa kanilang mukha ang galit. Isang batang lalaki pa ang iniluwal ng kagubatan at higit na mas mabangis ang itsura nito. Puno ng galit ang kanilang mukha. Sa hinuha namin ng aking mga kasama ay tinutugis ng mga bata ang banyaga. Sa kabilang banda, kami ng aking mga kasama ay nakaramdam ng kasiyahan dahil aming nalaman na may mga buhay pa sa Tribu. May pag-asang malaman namin ang kinahinatnan ng pangkat dahil sa mga bata. Napaluha si Gabriela sa nakita. Ninais niyang lumabas upang tulungan ang mga bata ngunit nagpasya kami ni Simeon na magmasid muna sa dahilang hindi pa naming alam ang nangyayari. Isang batang lalaki pa ang dumating. Ito ang pinakamabalasik sa kanila. Maraming dugo ang umaagos mula sa bibig nito. Tahimik kaming nagmasid mula sa kubo, nakita namin ang pagsasaliksik ng mga bata sa kubo. Galit na binubuwag at iniiwang wasak ang kubo. Nang malapit na ang mga ito sa kubong pinagtataguan ng banyaga ay nagkatinginan kaming magkakasama. Walang may nais na magsalita sa amin ni Simeon habang si Gabriela ay sapu ang bibig at pinipigil ang pagtangis. Bigla na lang siyang lumabas ng aming kubo at ubod ng lakas na sumigaw upang tawagin ang atensyon ng tatlong bata. Nang marinig namin ang kaniyang sigaw ay dali-dali kaming lumabas ng kubo ni Simeon. Nakita ko ang mga bata na napatigil sa kanilang ginagawa at nilingon ang aming kinaroroonan. Nag-iba ang itsura ng mga ito. Ang bagsik ay nawala at napalitan ng pagkamusmos at nagsimulang tumulo ang mga luha mula sa mga mata nila. Ang isang batang babae ay lumakad patungo sa amin ngunit pinigilan ito ng dalawa. Ang mga bata ay nakatingin lang sa amin at hindi nagsasalita. Ilang sandali pa ang lumipas at biglang pumalahaw ng iyak ang mga ito at saka tumakbo palayo. Sila ay mabilis na nilamon ng kakahuyan. Pinigilan ni Simeon si Gabriela na humabol kahit nagpupumilit ito. Kumirot ang sinapupunan niya kaya naman napaupo ito sa isang malaking bato at saka humagulgol. Inalo ni Simeon ang kabiyak na siya namang tumahan. Dito lumabas ang banyaga mula sa kubong pinagtataguan nito. Humangos ito sa aming direksyon at niyakap kami ng mahigpit. Muli, hindi namin maintindihan ang kaniyang sinasabi ngunit sa aming hinuha ay nagpapasalamat ito nasumupungan niya kami sa kuta. Paulit-ulit nitong winika ang mga salitang tulong, salamat, kaibigan"

Mga Hiwaga ng Kasaysayan:                               Unang BaulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon