Kabanata 27 - A

148 3 0
                                    

                                                                                                ***

Maliksing bumangon at sinipa ni Richard ang babae ngunit hindi ito natinag. Isa pang malakas na tadyak ang kaniyang pinakawalan ngunit muli, siya ay nabigo dahil patuloy ito sa pagsakal sa kaniyang matalik na kaibigan. Pumuwesto siya sa likuran ng babae at kaniya itong hinawakan sa buhok at hinila palayo sa kaibigan ngunit sadyang malakas ito, kaya naman ang leeg nito ang kaniyang pinuntirya,muli nabigo si Richard. Malapit ng malagutan ng hininga si Monroy. Hawak ang mukha ng babae, kinapa ni Richard ang kinalalagyan ng mga mata nito. Inilubog niya ang mga daliri at saka dinukot ang mga mata ng babae.

"Ahhhhhh,ang mga mata ko!" panaghoy ng babae habang umaagos ang sariwang dugo mula sa dalawang butas na minsang kinalalagyan ng mga mata. Kusa nitong binitawan ang leeg ni Monroy at sumalampak sa sahig. Mistula itong baliw sa pagtangis at pagsigaw.

Napabalikwas si Monroy at gumapang palayo sa babae habang si Richard ay tulalang nakatayo, hawak sa mga kamay nito ang dinukot na mga mata ng kaaway. Tinawag ni Monroy ang kaibiganngunit hindi ito tumugon. Napukol ang kaniyang atensyon sa pagtindig ng babae mula sa sahig.

"Papatayin ko kayo!" Iwinasiwas nito ang mga kamay na may matatalim na kuko. Nawala ang paningin ngunit ang bangis ay sumidhi. Mabagsik nitong inaatake ang kawalan. Nadampot nito ang maliit na lamesa at ibinato sa direksyon ni Monroy. Nakaiwas naman ang binata. Nanatiling walang tugon si Richard sa mga tawag ni Monroy samantalang lahat ng bagay na madampot ng babae ay tumitilapon sa kung saanman. Yumayanig ang Tree House. Ang kaniyang kaibigang si Richard naman ang nasa peligro kapag nalapitan ito ng nagngangalit na babae. Kailangan niyang mailayo sa panganib ang kaibigan na mistulang nasa lagay ng pagkasindak. Pinagmasdan niya ang nagwawalang babae at nagisip ng paraan. Nang mapadako ito sa bintana ay nakakita si Monroy ng pagkakataon. Siya ay tumindig at nilusob ang babae, at saka ubod lakas itong itinulak sa direkson ng bintana. Tumilapon ito palabas at bumulusok paibaba mula sa Tree House.

Hilakbot na tinakbo ni Monroy si Richard at niyakap.

"Salamat, Chad." hagulgol ni Monroy. Muli, hindi siya tinugon ng kaibigan dahil tulala pa din ito. Hinawakan niya ang mga pisngi nito tinapik ng marahan. Nagtama ang kanilang mga mata at saka ito ngumiti kaya naman muli niya itong niyakap ng mahigpit.

"Akala ko, katapusan ko na." sabi niya ni Monroy sa kaibigan. "Mabuti, hindi ka niya nalapitan, kundi ay napaano ka. Tara na sa loob at ng makatawag sa police station."

Hindi siya tinugon ng kaibigan kaya naman muli niyang hinawakan ang mga pisngi nito. Tulala ito ngunit may ngiti sa labi. Marahan niyang niyugyog ang mga balikat nito.

"Mukhang shocked ka yata, par." dito ka lang at tatawag na din ako ng duktor." Hinanap ni Monroy ang kaniyang telepono na tumilapon kanina lang dahil sa kaguluhan. Natanaw niya itong nasa sahig sa bandang pintuan ng Tree House. Tinungo niya ang kinalalagyan ng telepono at saka ito dinampot. Paglingon sa kinatatayuan ni Richard ay nakita niyang gumagalaw ang bibig nito. Wari niya ay may nginunguya ang kaibigan. Kaniyang pinihit ang numero ng pinakamalapit na ospital. Lumapit siya sa kaibigan habang nasa tenga ang kaniyang telepono.

"Par, may kinakain ka ba?" hindi ito sumagot at patuloy sa pag nguya. Nakita niyang tumigil ito sa pag nguya at tahimik na lumunok at saka ngumiti ng ubod ng tamis.

"Ang sarap pala." sabi ni Richard.

"Huh, ng ano?" naguguluhang tugon ni Monroy sa kaibigan.

"Gusto mo? May isa pa." Inilahad ng kaibigan ang isa nitong kamay sa kaniyang harapan. Ngumiti ito at saka binuksan ang mga kamay. Napasigaw si Monroy ng makita ang nasa palad ng kaibigan. Ito ang mata ng babae na dinukot nito. Napaatras siya at natimbuwang sa sahig.

Mga Hiwaga ng Kasaysayan:                               Unang BaulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon