VANESSA
AKO si Vanessa, half-Filipino, half-Chinese, full time Banana raw pauso nung maliit na babaeng kinaiinggitan ko.
Sabi nila isa raw akong "good catch": maganda, mala-anghel na mukha, matangkad, maputi, matalino. Pero hindi nila alam, may isang wala sa akin. 'Yun ay ang pagmamahal.
Lumaki akong kapos sa pagmamahal.
Nang mawala ang Mommy kong Pinay, nawala na rin ang nakagisnan kong pagmamahal. Namulat ako sa pagiging makasarili ng Daddy ko na half-half din. Pero mas nangingibabaw sa kanya ang pagiging Chinese. Kahit kailan hindi niya ipinaramdam sa'king mahal niya ko kahit noong nabubuhay pa ang Mommy ko.
Bakit?
Dahil babae ako.
Para sa kanya, walang silbi ang mga anak na babae. Walang maitutulong sa pamilya ang mga babae. Ang tanging iniisip lang niya ay ang negosyo. Kaya nag-asawa siya ng iba at nagkaron sila ng anak na lalaki. Kaya simula noon, lalo lang akong naitsapwera.
Pero nagbago ang lahat ng may isang lalaki ang dumating sa buhay ko.
Siya ang first love ko, ang first boyfriend ko. Ang lalaking nagbalik ng kulay sa black and white kong mundo.
Ang lalaking nagbalik ng tamis sa mapait kong kapalaran.
Ang lalaking naging dahilan ng muling pagsilay ng ngiti sa labi ko.
Sa kanya na umikot ang buhay ko simula noon. Siya ang dahilan kung bakit mas pinili kong mabuhay sa kabila ng malungkot kong buhay.
Siya ang dahilan kung bakit muli akong nagmahal.
Sa Baguio ko siya nakilala. Baguio ang probinsiya ng stepmom ko pero sa Manila kami nakatira. Napagpasyahang pumunta nina Daddy sa Baguio at napilitan silang isama ako.
Kaya lang sana hindi na lang nila ko isinama. Nagmukha lang naman akong alila eh, ako palagi ang inuutusan. 13 years old lang ako noon at ang kapatid kong lalaki ay 7 years old kaya wala pa siyang muwang sa mundo.
Pinagpasiyahan kong umalis muna sa tinutuluyan namin sa Baguio. Namasyal ako mag-isa hanggang sa nakarating ako sa Police Station. Ang ganda ng view kaya lang walang maupuan.
Naglibot ako doon nang may napansin akong isang lalaki na nakatayo lang sa may likod ng malaking puno. At siya na nga ang lalaking tinutukoy ko.
Si Rod Maynard Martinez.
Hinayaan ko na lang siya at muling naglakad pero na-curious talaga ko dahil hindi siya umaalis sa kinakatayuan niya, kung kulay brown ang suot niya baka pagkamalan ko na rin siyang puno noon. Para nga siyang nagtatago.
Pinagmasdan ko siya at napansin kong parang may pinagmamasdan din siya. Tinignan ko kung sino ang tinitignan niya at nakita ko ang isang babaeng nakatayo 'di kalayuan sa may police station. Malapit din lang ang pwesto niya sa'min kaya nakikita ko ang mukha niya.
Hindi naman kagandahan 'yung babae at mukhang mga ka-edad ko lang o baka mas matanda ako ng isang taon. Pero matangkad ako kaya lang siya maliit. Nakatayo din lang 'yung babae at tinatangay ng hangin ang buhok niya. Napansin ko rin na ang baduy niyang manamit.
Bumalik ang tingin ko kay Rod at na-realize ko na gwapo siya, matikas, at maputi. Nakakapagtaka naman kung magkagusto siya du'n sa babaeng hindi naman kagandahan
Lumapit ako sa lalaki at kinausap siya. Napakabait niya at may pagka-isip bata rin. Noong nag-uusap kami, iba na ang pakiramdam ko sa kanya. Sobrang gaan na ng loob ko sa kanya. Kaya lang halatang nandun sa babae ang atensyon niya. Mabuti na lang at sinundo na ng nanay niya 'yung babae kaya napunta rin sa'kin ang atensyon ni Rod.
Madami kaming napagkwentuhan, miski ang buhay niya ay nalaman ko na. Kung sino ba 'yung babaeng pinagmamasdan niya. Kwinento ko rin sa kanya ang buhay ko. Nalaman rin namin na magkalapit lang ang school namin sa Manila.
Simula ng araw na 'yun, nagbago ang ikot ng mundo ko. Madalas na kaming magkasama, hindi na kami mapaghiwalay hanggang sa official nang naging kami. Ang relasyon namin ay naging hayag sa pamilya niya pero hindi sa pamilya ko.
Palagi akong tumatakas kay Daddy at nagdadahilan. Kapag may out of town palagi kong sinasabi na overnight sa kaklase. Kapag may date kami sasabihin ko may groupings.
Pero isang araw, nabago ang lahat.
Nagdesisyon mag-isa si Daddy, gusto niya kong maging madre tutal naman daw wala akong silbi. Si Mommy daw ang dahilan kung bakit siya nagpaconvert ng relihiyon kaya kailangan ko raw pagbayaran.
Wala akong magawa noon kundi ang sundin siya kahit ayoko naman.
Napagpasyahan kong makipaghiwalay kay Rod. Dinahilan ko na may mahal na kong iba at sinabi ko rin sa kanya na ituloy na lang niya ang paghahanap sa babae sa Baguio. Hindi namin alam parehas ang pangalan niya pero ipinayo ko sa kanya na 'wag siyang tumigil sa paghahanap.
Hindi siya pumayag na makipaghiwalay ako sa kanya, nagmakaawa siya sa'kin. Gustuhin ko mang 'wag siyang iwan, kailangan kong gawin. Mas gugustuhin kong magmukha akong masama sa kanya para maging mabilis ang pagmo-move on niya.
Pumasok ako sa kumbento kahit labag sa kalooban ko. Ipinalangin ko na sana...sana matagpuan na niya ang babaeng matagal na niyang hinahanap.
At natupad ang hiling ko. Natagpuan na niya ang babaeng iyon at ang babaeng ito ay asawa na niya ngayon. Kahit peke.
Nakita ko na siya noon at ipinakilala siya sa'kin ni Rod ng aksidente kaming magkita sa Betis Church sa Pampanga. Sinabi ko sa kanya ang totoo, na magmamadre ako. Ipinakita ko sa kanya na masayang-masaya ako. Pero nang nakaalis na siya, doon ko iniyak ang lahat. Dahil sa totoo lang, hindi ako masaya. Ang totoo, mahal na mahal ko pa rin siya.
Hanggang sa nabalitaan ko na nagkasakit siya at naka-stay siya sa ospital sa Baguio. Binisita ko siya, naging araw-araw ang pagbisita ko sa kanya noon kahit pa sabihing bagong kasal siya noon. Inabuso ko ang kahinaan niya at ang distansya nila ng asawa niya. Sinubukan kong mabalik ang nararamdaman niya para sa'kin noon. Pero walang nangyari, dahil mahal niya talaga ang asawa niya.
Nang gumaling na siya ay sinubukan ko ulit mag-move on pero hindi ko talaga kaya. Minsan ko na siyang isinuko at ayokong maulit pa ito.
Sinubukan ko ulit siyang lapitan, ginawa kong sirain ang pagsasama nila ni Chloe, ng asawa niya.
Pero sa huli, ako pa rin ang talo. Tinalikuran ko ang pagmamadre, hinarap ko ang galit sa'kin ng Daddy ko, pero ako pa rin ang kawawa, ako pa rin ang luhaan.
Masama bang maging ganito ako?
Ang gusto ko lang naman 'yung bumalik kami sa dati. Ayun lang naman.
Pero alam kong madaming kapalit kapag nangyari 'yun, alam kong maraming buhay ang masisira.
Pero ilang taon na kong nagpaparaya, ilang taon akong nagdurusa, isinuko ko ang sarili kong kaligayahan. Hindi ba pwedeng ngayon, ako naman?
Sana ako naman 'yung maging masaya.
Masama ba kung hilingin ko na sana sumaya na ko. Na sana makadama ulit ako ng pagmamahal na ipinagkait sa'kin.
Hindi ba ko pwedeng pagbigyan ng pagkakataon?
Kahit ngayon lang.
Sugatan na kasi ako, eh.
Hindi ba pwedeng mahilom ang mga sugat na ito?
Hindi ba pwedeng kahit sandali lang, ako muna ang maging bida?
____________________________________________
MAY PUSO RIN ANG MGA SAGING
BINABASA MO ANG
MIR 2: My Sweetest Downfall [PUBLISHED UNDER POP FICTION]
HumorC O M P L E T E D This is the book version. I drafted several chapters, as in SEVERAL. But it did not affect the plot, it actually made the story better.