Part 26 || No Commitment

13.4K 239 3
                                    

Kagat-kagat ni Marjorie ang pang-ibabang labi. Pinipigil niya ang damdamin na huwag maging emosyonal. Pinupunasan niya kasi si Ashlene sa kamay at hindi niya maiwasang maisip ang ginagawa ng kanyang Ate JL.

Bumalik siya sa silid ng kaniyang pasyente nang makita niyang umalis ang kaniyang Kuya Jonathan ng bahay. At hindi niya maiwasan na magdrama dahil totoong naaawa siya sa kaniyang pasyente.

"Ate Ashlene, gumising ka na please?" garalgal na naisatinig niya nang hindi niya mapigilang tingnan ang maamong mukha ni Ashlene. Kahit hindi pa niya kasi ito nakakasalamuha ay alam at ramdam niyang mabait na tao ito. Hindi nito deserve na maagawan ng asawa sa ganoong sitwasyon nito na walang kalaban-laban.

Siya... Siya talaga ang nakokonsensiya sa ginagawa ng kaniyang kapatid. Puso niya ang nadudurog para kay Ashlene.

"Sorry, Ate Ashlene, pero ito lang ang magagawa ko. Ang alagaan ka nang mabuti para magising ka na," madamdamin niya pang sabi. Napaiyak na siya nang tuluyan.

Makalipas ang madaming oras ay napatingin sa pambisig na relo si Marjorie. Mag-aala-una na ng madaling araw pero wala pa rin ang kanIyang Ate JL, pati na rin ang kaniyang Kuya Jonathan.

Panay ang kaniyang tingin sa pinto. Nasaan na kaya sila? Sana lang ay hindi sila magkasama.

Mayamaya ay tumayo na siya. Inaantok na siya. Matinong lalaki ang kaniyang amo kaya nagtitiwala siya rito na hindi nito papatulan ang kaniyang kapatid.

Bago siya pumasok sa silid ay tiningnan niya muna ang pasyente niya. Tiniyak niyang nasa maayos ito bago matulog. Subalit anong hintakot niya nang hindi sinasadya ay masagi niya ang maliit na picture frame na nakalapag sa side table ng kamang kinahihigaan ni Ashlene. Ang nakalagay pa naman doon ay larawan ng mag-asawang Jonathan at Ashlene noong kinasal sila.

"Diyos ko." Tutop ang bibig na dinampot niya ang picture frame. Nabasag kasi ang salamin. Nagpapakita ng isang masamang pangitain.

"Huwag naman sana tama ang hinala ko," hiling niya naman nang sumagi sa isip niya ang dalawang nilalang na kanina'y hinihintay niya.

At kung paanong nagawa niyang makatulog pa sa gabing iyon ay hindi na niya alam. Nagising na lang siya sa tunog ng alarm clock. Naghikab siya at nag-inat.

Alas singko na ng umaga ang itinuro ng orasan nang kaniyang sulyapan. Ibig sabihin ay kailangan na niyang bumangon upang makapagluto ng almusal, kahit pa ang pakiramdam niya'y kakaidlip pa lamang niya.

Pinilit niya ang sarili na umalis sa kama. Hindi siya dapat tatamad-tamad lalo't sigurado siya na maaga ngayon na papasok ang kaniyang Kuya Jonathan dahil hindi pumasok sa trabaho kahapon. Hindi niya pa nakita ang kaniyang amo na nag-absent ng higit sa isang araw. At siguro naman ay dumating na ito.

"Good morning, Ate Ashlene. Gutom ka na ba? Wait lang, ha? Ipaghahanda na kita ng almusal." Bago tunguhin ang kusina ay sinilip muna ni Marjorie ang kaniyang pasyente. Ang kaso ay mali siya sa inakalang baka naroon ang kaniyang Kuya Jonathan, dahil walang ibang tao sa kuwarto ng pasyente.

Maingat niya ulit na isinara ang pinto ng silid nang lumabas siya. Napatingin din siya sa silid kung saan nakaukupa ang kaniyang Ate JL. Malamang dumating na rin ang kapatid.

Hindi na niya talaga namalayan kung dumating kagabi ang dalawa, pero malamang nasa mga kanya-kanya ng silid sila. Umaga na, eh.

Isang malalim na buntong-hininga na lamang ang pinakawalan niya saka tinungo na ang kusina. Malalaki na ang dalawa at alam nila ang ginagawa nila para mag-alala siya.

Habang pababa siya sa hagdanan ay nag-iisip na siya kung ano ang lulutuin niyang almusal. Bacon at itlog na lang siguro tapos sinangag. Subalit natigilan siya nang may maulinigan siyang hagikgik mula sa kusina. Kung hindi siya nagkakamali ay hagikgik iyon ng kaniyang Ate JL.

REVENGE OF THE REAL WIFE (published under IMMAC)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon