Part 21 || Busted Wench

14.7K 262 2
                                    

"Ate, salamat at sumama ka sa akin ngayon pauwi," masiglang sabi ni Marjorie sa kapatid kahit na hindi dapat iyon ang unang lalabas sa bibig niya dahil sa totoo lang ay nasa utak pa rin niya ang tungkol sa nalaman niya kagabi. Gusto niya sanang iyon ang agad nilang pag-uusapan pero naisip niya na mas mainam na maghinay-hinay siya.

Tumango lang ng isa si JL. Halatang wala itong kagana-gana. Kung hindi pa nga sana ito pinilit ni Marjorie ay hindi ito sasama sa pag-uwi sa kanilang bahay. Mas gusto sana na lang nito na kasama si Jonathan.

"Siguradong matutuwa sina Lolo at Nanay kapag nakita nila tayo," sabi pa ni Marjorie. Nakasakay na silang magkapatid sa taxing inarkila nila para mabilis lang ang byahe nila pauwi.

Wala nang naging reaksyon si JL.

Salitang nakagat naman ni Marjorie ang mga bibig. Akala niya ay mamaya pa siya mapupunta sa topic na gusto, pero dahil tingin niya ay wala namang gana na makipag-usap ang kaniyang Ate JL, ay nagpasiya na siyang tanungin na ito tungkol sa kaniyang natuklasan.

"May itatanong pala ako sa 'yo, Ate," umpisa na nga niya. "At masyadong personal na bagay. Okay lang po ba?"

Tumingin si JL sa kaniya. "Ano 'yon?"

Pinuno muna ni Marjorie ng hangin ang dibdib bago itinanong ang gusto niyang malaman. "Ate, bakit ka gumawa ng kuwento para makatira ka sa bahay ng amo ako?"

Bahagyang nakunot ang noo ni JL. "Ano'ng pinagsasabi mo?"

"Nakausap ko si Nanay sa phone kahapon at natanong ko siya kung may umaaligid bang lalaki sa bahay tulad ng sinabi mo sa amin ni Kuya. At ang sagot ni Nanay ay wala naman daw siyang napapansin."

"So?" maang-maangan pa rin ng kapatid.

"Wala kang stalker, Ate. Malinaw na gawa-gawa mo lamang ang kuwentong iyon."

Sa pagkakataong iyon ay napangisi na si JL. In fairness, matalino pala talaga ang kaniyang kapatid. Kahit kasi inaasahan na niyang malalaman ni Marjorie ang mga plano niya ay hindi naman niya inakala na ganito kabilis.

"Bakit, Ate? Anong plano mo?"

Muling idineretso ni JL ang tingin sa harapan ng taxi at saka humalukipkip. Buking na siya, magsisinungaling pa ba siya? At saka tingin niya wala namang masama kung aaminin na niya sa kapatid ang totoong motibo niya sa bahay na iyon. Maganda pa nga kung malaman na ni Marjorie na gusto niya ang amo nitong lalaki para meron na siyang magiging kakampi. Hindi na siya mahihirapan na paibigin si Jonathan. Hindi na siya mahihirapan sa bahay nina Jonathan na parang dagang hihintayin pa ang mga pusang tulog para lumabas sa lungga.

"Ate, sagutin mo ako please."

"Dahil gusto kong tumira roon," walang ligoy na sagot niya.

"Bakit nga?"

"Dahil mahal ko si Jonathan. Hindi pa ba obvious?" nairita niyang sagot sabay baling sa nagtatangahan niyang kapatid.

Umawang ang mga labi ni Marjorie. Kitang-kita ang labis na pagkabigla sa mukha niya.

"Kaya gusto kong tumira roon ay dahil gusto kong maging asawa ang amo mo at gagawin ko ang lahat para matupad 'yon," dagdag pa ni JL para mas maunawaan ng kapatid ang nais niyang tumbukin.

"Kilabutan ka nga, Ate. May asawa na si Kuya!" ang diin na ng boses ni Marjorie. Hindi siya makapaniwala. Hindi man lang kasi sumagi sa isip niya na iyon ang rason ng kayang kapatid. Ang alam niya ay matinong babae ito.

"Asawa na tulog," pagkokorek sa kaniya ni JL. "Saan ba pupunta ang mga taong coma ng ilang buwan na? Sa sementeryo rin naman, 'di ba? Maghihintay lang ako kung kailan siya ililibing."

"Diyos ko, Ate!" Napa-sign of the cross si Marjorie. Kinilabutan ito.

Ang naiinis na ekpresyon na mukha ni JL ay biglang balik maamo. Ngumiti siya at hinawakan ang isang kamay ng kapatid. "Marjorie, ngayong alam mo na ang gusto ko sana ay tulungan mo ako. Huwag mo nang alagaan ang Ashlene na iyon. Hayaan mo na siyang mawala. Parang nagpapagod ka lang naman, eh."

"Hindi ko magagawa 'yan sa pasyente ko, Ate!" Subalit marahas na binawi ni Marjorie ang kamay.

"Kahit para sa akin na kapatid mo?" sumamo ni JL.

"Kasalanan ang ginagawa mo, Ate. Buhay pa si Ate Ashlene at may posibilidad na gigising pa. 'Tsaka ang dami namang lalaki diyan. Bakit si Kuya pa ang nagustuhan mo?"

"Hindi ko alam!" Balik mabangis ang mukha ni JL. "Basta noong una ko siyang makita ay tumibok na agad ang puso ko sa kaniya. Huli na noong nalaman kong may asawa na siya dahil mahal ko na siya."

Hindi nakaimik si Marjorie pero kitang-kita ang pagkagulo ng isipan niya.

Oo, gusto niya nang mag-asawa ang Ate JL niya para hindi na ito bumalik sa abroad, pero hindi naman sana sa ganitong paraan. Huwag naman sa paraang mang-aagaw ito ng asawa ng may asawa.

"Oh, siya. Ikaw na lang ang umuwi. Bababa na ako rito."

"At saan ka pupunta?"

Kaysa sagutin siya. "Kuya, ibaba mo ako riyan sa tabi," ay sabi ni JL sa driver ng taxi.

"Ate, please huwag mong gawin ito sa mag-asawa." Nakikiusap na hinawakan ni Marjorie ang isang braso ng kapatid. Alam niya agad na gustong bumalik ni JL sa bahay dahil mag-isa ang Kuya Jonathan niya roon. At hindi na siya bata para hindi niya maisip kung ano ang susunod na mangyayari.

Ngayon pa lang ay naaawa na si Marjorie sa kaniyang Ate Ashlene.

"Hindi ba't gusto niyo ni Nanay na isipin ko naman ang sarili ko? Na pasayahin ko naman ang sarili ko? Ito na 'yon, Marjorie. Masayang-masaya na ako sa piling ni Jonathan," nakangising sabi ni JL bago nito binawi ang braso.

Tuluyan nang napaluha si Marjorie. Hindi na niya ngayon kilala ang kaniyang Ate JL. O ito ba talaga ang totoong kulay nito?

"Huwag ka ngang umiyak. Dapat maging masaya ka kasi magiging masaya na ako," singhal nito sa kaniya.

"Pero, Ate..."

"Sige na. Ikumusta mo na lang ako kay Lolo at Nanay." Bumaba na talaga sa taxi si JL. "At mamayang gabi ka na umuwi para matagal-tagal kong masusolo si Jonathan," at bilin nito bago isara ang pinto.

Wala na talagang nagawa si Marjorie nang mabilis na nakasakay sa ibang taxi ang kaniyang Ate JL.

Ano'ng gagawin niya sa kahibangan ng kaniyang kapatid? Gulong-gulong siya.

Habang nasa byahe ay nag-isip siya nang nag-isip. Hanggang sa isang pasya ang napagdesisyunan niya sa huli. She should stop her sister no matter what happens. Babaliin niya ang sungay ng kaniyang Ate JL habang maaga pa kahit magalit pa ito sa kaniya.

"Kuya, balik tayo," utos na niya sa driver ng taxi. "Pakibilisan po."

"S-sige po, Ma'am."

Kabadong-kabado si Marjorie buong biyahe pabalik sa bahay ng mga amo, gayunman ay buo na ang kanIyang pasya. Hinding-hindi siya makakapayag na may masirang pamilya dahil lamang sa kagagahan ng kanIyang kapatid.

REVENGE OF THE REAL WIFE (published under IMMAC)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon