Part 23 || Sisters Clash

13.7K 241 7
                                    

PAGDATING ni Marjorie sa dining area ay hindi niya malaman ang gagawin. Aligaga siya na pabalik-balik ng lakad habang kagat-kagat niya ang pang-ibabang labi.

"Ano itong nagawa ko? Kasalanan ko ba ang lahat dahil pinagtagpo ko ang dalawang tao na hindi dapat magtagpo?"

Gusto na niyang magsisi kung bakit pinapunta niya ang kaniyang Ate JL sa bahay ng kanyang mga amo. Sana hindi na lang pala.

Nakailang buntong-hininga siya. Sinabi sa sarili, na kahit magsisi siya nang magsisi ay wala na siyang magagawa. Ang magagawa na lamang niya ngayon ay itama ang mali na ginagawa ng kanyang kapatid.

Masama naman talaga ang gustong mangyari ng kaniyang Ate JL. Hindi talaga siya sang-ayon kaya dapat lang na pigilin niya. Ngayon pa nga lang ay ang laki na ng awa niya para kay Ate Ashlene niya.

"Diyos ko, walang kamalay-malay ang aking pasyente na may umaagaw na sa asawa niya habang tulog siya. Ano na lamang ang mangyayari kung magigising na si Ate Ashlene tapos ganito ang magigisingan nito na sitwasyon?"

Ang sakit sa dibdib na ang saklap na nga ng nagyari kay Ashlene pero mas masaklap pa ang nangyayari ngayon. Wala man lang itong kalaban-laban.

Minsan pa ay nagpakawala ng napakalalim na buntong-hininga si Marjorie. Naalala niya kanina ang nakita niyang galit sa mukha ng kaniyang kapatid. Ang tanong; kaya niya ba itong kalabanin para sa kaniyang pasyente?

Napaupo siya sa dining chair at napasabunot sa ulo. "Ano ba ang nararapat kong gawin?"

Hanggang sa sumagi sa isip niya ang nanay niya. Naisip niya na kung merong mas may kakayahan na pumigil sa binabalak ng kaniyang Ate JL, iyon ay walang iba kundi ang nanay nila.

Naalala niya na ayaw na ayaw ng kanilang nanay ang mga 'kabit' dahil minsan na silang nasira na pamilya dahil sa babaeng walang pakialam kahit na makasira ng pamilya. Noong buhay pa ang tatay nila ay nagkaroon din kasi ng babae. Mabuti na lamang at matatag ang nanay nila noon at nakayanan ang sitwasyon na ganoon.

Napatayo si Marjorie at madali niyang kinuha sa bulsa ng pantalon ang kaniyang cellphone. Tatawagan niya ang nanay nila at isusumbong niya ang kaniyang Ate JL. Subalit hindi pa man nagri-ring ang kabilang linya ay may bigla nang humablot sa cellphone niya.

"Ate?"

"Ano'ng gagawin mo?!" Napakatalim ang tingin ni JL sa kaniya. Halos madurog ang inagaw na cellphone sa kamao nito.

"Wala akong gagawain kaya ibalik mo sa akin ang cellphone ko," matapang na saad niya.

"Sinungaling!" Isang malutong na sampal ang pinakawalan ng kapatid na dumapo sa pisngi niya.

"Bakit mo ako sinampal, Ate?" Sapo niya ang namulang pisngi na naluha.

"Hindi ako tanga, Marjorie! Alam ko ang binabalak mong pagpigil sa mga plano ko!" nanlalaki ang mga matang singhal ng Ate niya sa kaniya. Halatang pigil na pigil nito ang matinding galit.

"Mali naman kasi ang gusto mo. Madami pang ibang lalaki d'yan. Huwag naman si Kuya. Kailangan siya ngayon ni Ate Ashlene. Maawa ka naman sa pasyento ko. Wala siyang kalaban-laban sa iyo!" lumuluha niyang pagrarason.

"Si Jonathan nga lang ang gusto ko! 'Tsaka bakit mo ba iniisip ang Ashlene na iyon, eh, mamamatay rin naman iyon! Kahit gaano mo pa siya alagaan ay hindi ka Diyos para magising mo pa siya! Huwag kang feeling magaling!"

"Pero, Ate..."

"Wala nang pero pero, Marjorie! Kung itinuturing mo talaga akong kapatid ay makisama ka na lang! Huwag kang makialam! Pabayaan mo kami ni Jonathan!"

"Ayoko! Hindi ako papayag na sirain mo ang mag-asawa!" matatag na tutol pa rin niya. Tigmak ng luha ang kaniyang mga mata na nakipagsalubungan ng masamang tingin.

"Wala kang kuwentang kapatid!" Isang malakas na sampal ulit ang natamo niya mula rito.

Napahagulhol na talaga si Marjorie. Noon pa man ay nasasaktan siya ng Ate JL niya. Mataray at masungit na ang kapatid niya noon pa man. Hindi lang siya nagsusumbong sa nanay nila dahil mahal niya ang kaniyang Ate.

"Lahat ginawa ko maging masaya ka lang, Marjorie! Nagpakababa ako sa abroad! Nagpokpok ako para lang matupad mo ang pangarap mo!" Naluha na rin si JL nang kusang inamin ang totoong trabaho sa abroad. Gusto niyang gamitin iyon upang makuha niya ang simpatya ng kapatid.

Hindi makapaniwalang napatitig si Marjorie sa mukha ng Ate JL niya.

"Hindi mo alam kung ano ang mga isinakripisyo ko sa abroad maging masaya ka lang na kapatid ko! Nag-entertainer ako roon para mas malaki ang kita, para lang maging nurse ka at para lang maging masaya ka! Tapos ngayon, ako naman! Ako naman ang gustong maging masaya, hindi mo man lang ako mapagbigyan! Napakasimple lang naman ang hinihingi ko pero hindi mo man lang ako masuportahan gayong noong ikaw ay ginawa ko ang lahat maging masaya ka lang!"

Hindi na talaga nakaimik pa si Marjorie. Namimilog nang husto ang kaniyang mga mata.

Marahas na pinunas naman ng mga palad ni JL ang mga luha nito sa pisngi. "Pero sige, kung ayaw mo akong tulungan ay okay lang. Ito lang ang sasabihin ko sa 'yo, kahit sino, kahit ikaw pa ay walang makakapigil sa akin. Kayang-kaya kong ipagpalit kahit ano o kahit sino para lang makasama si Jonathan. Gagawin ko ang lahat kahit siguro ang pumatay pa. Tandaan mo 'yan," at saka nagbabantang saad nito bago marahas na ibaba ang cellphone sa lamesa, at nilisan ang kusina.

Natutop ni Marjorie ang bibig nang wala na ang Ate JL niya. Pinipigilan niya ang mas matinding pag-iyak. Hindi siya makapaniwala na kaya rin siyang pagbantaan nito. Pakiramdam niya ay naparalisa ang kaniyang buong katawan.

Sa sobrang pagmamahal sa isang lalaki ay mukhang tinakasan na ng matinong pag-iisip ang kanyang Ate JL. Sa isang iglap ay parang hindi na niya kilala ang kausap niya kanina. Kapatid pa ba niya iyon? Si Ate JL niya pa ba iyon?

Aaminin niya, nahintakutan siya. Parang ngang tumayo lahat ang balahibo niya sa katawan. Kilala niya kasi ang kaniyang Ate JL, kung may sinabi ito ay gagawin talaga nito.

At saka totoo ba iyon na hindi kasambahay ang naging trabaho ng kanyang Ate doon sa Hong Kong?

Mas tumubo ang mas matinding guilt sa dibdib ni Marjorie. Kaya pala, kaya pala lahat ay parang kayang ibigay sa kanila noon ng kaniyang Ate JL dahil ang trabaho nito pala ay easy money na.

Nanghina na napaupo ulit siya sa dining chair. Ano na ang gagawin niya ngayon? Matinding utang na loob pala ang mayroon siya sa kaniyang kapatid. Kaya pa ba niya itong kalabanin para kapakanan ng ibang tao?

REVENGE OF THE REAL WIFE (published under IMMAC)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon