"ATE..." Yumakap si Marjorie sa kaniyang Ate JL nang dumating nga sa malaking bahay ng amo.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos na narito sa Pilipinas ang Ate JL niya ay sabik talaga siyang nakikita ito. Paano'y ilang taon ang ginugol ng kaniyang Ate JL sa Hong Kong para lamang makapag-aral siya at para na rin sa pamilya nila, dahilan para ilang taon din na hindi nila ito nakasama.
"Pasok ka, Ate." Isinara niya ulit ang gate nang makapasok silang dalawa sa bakuran ng bahay.
"Wala ka pa ring kasama rito?" usisa ni JL nang mapansin niyang tahimik ang buong kabahayan.
"Wala po. Si Ate Ashlene lang na as usual ay tulog pa rin. Hindi pa kasi umuuwi si Kuya simula nang umalis siya kahapon."
"Gano'n? Iniiwan niya ang asawa niya na coma? Ayos, ah."
"Hindi naman, Ate. Siguro ay may pinuntahan lang na importante si Kuya o kaya over time kaya hindi siya nakauwi na naman. Pero baka mamaya ay nandito na iyon," pagtatanggol niya sa amo bago niya iginiya ang kapatid papasok sa loob.
Humanga agad si JL sa karangyaan ng loob ng bahay. Halatang mamahalin kasi ang lahat ng gamit. Ang sosyal ng interior design. Mukhang ginastusan at pinag-isipan talaga.
"Upo ka, Ate. At wait lang ikukuha lang kita muna ng maiinom tapos kuwentuhan na tayo."
"Sige," tipid na sagot ni JL.
Nang umalis saglit si Marjorie ay muling inilibot ni JL ang kaniyang tingin sa kabuuan ng malaking bahay. Parang bata na tuwang-tuwa siya sa chandelier, sa mga paintings, at sa mga modernong mga appliances.
Hanggang sa naagaw ang pansin niya sa isang napakalaking wedding portrait ng mag-asawa na may-ari ng bahay. Iyong nakasabit sa may dingding. Nakangiting napatitig siya sa bagong kasal. Sobrang ganda ng bride sa larawan at ang guwapo rin ng groom. Bagay na bagay sila.
"J-Jonathan?!" Hanggang sa nakilala niya kung sino iyong groom. Halos magsalubong tuloy ang mga kilay niya. Hindi siya maaaring magkamali, sure na sure siya na si Jonathan ang nasa picture.
Ramdam na ramdam na niya ang panlalambot ng kaniyang mga tuhod. Kinailangan pa niyang mapahawak sa armrest ng upuan upang hindi siya matumba.
Diyos ko, naroroon pala siya sa bahay ngayon ng crush niyang si Jonathan. At hindi niya alam kung anong sakto ang mararamdam. Matutuwa ba siya o masasaktan?
Ilang lunok at buntong-hininga ang ginawa niya. Mayamaya ay mas lumapit siya sa larawan at tinitigan pa.
"Kung gano'n ay comatose ang asawa ni Jonathan? At ang asawa nito ang binabantayan ng aking kapatid? Ang liit talaga ng mundo," at nasabi niya sa loob-loob niya.
"Ate, inom ka muna?"
Bahagyang nagulat pa si JL nang magsalita ang kapatid niya sa likuran. Kakatitig niya sa larawan ay hindi niya namalayan na bumalik na pala si Marjorie mula sa kusina dala ang isang baso ng juice.
"Uhm, sige. Salamat." Kinuha niya iyon at agad nilagok. Nauhaw siya bigla gawa nang natuklasan.
"Sila pala sina Kuya Jonathan at Ate Ashlene. Sila ang mga amo ko, Ate," proud na pakilala ni Marjorie sa mga nasa larawan.
Tumango siya para kunwari ay hindi niya pa mga kilala ang mag-asawa. Kunsabagay, technically, hindi pa naman niya talaga kilala ang asawa ni Jonathan.
"Bagay silang mag-asawa, ano? Maganda at guwapo. Parehas ding anak mayaman."
Lihim siyang napatirik ng mga mata sa sinabing iyon ng kapatid. Para sa kaniya ay hindi bagay kay Jonathan ang asawang comatose, walang silbi, at animo'y isang patay na. Masama na kung masama siya pero panibugho talaga ang nararamdaman niya para kay Ashlene imbes na awa kahit hindi pa niya ito nakikita.
"Ay, wait lang, Ate. I-check ko lang saglit si Ate Ashlene sa taas," mayamaya'y paalam ni Marjorie nang maalala nito ang pasyente na nasa second floor ng malaking bahay.
"Sama ako sa 'yo." Hindi malaman ni JL bakit niya nasabi iyon. Kusa na lang nagsalita ang bibig niya. Sabagay pagkakataon na niya ito upang makita kung ano ang kalagayan ni Ashlene. Kung ililibing na ba niya o hindi pa.
Nanantiyang napatingin naman sa kaniya si Marjorie.
"Uhm, ano... hindi pa kasi ako nakakakita ng comatose kaya puwede ko ba siyang makita? Promise behave lang ako," pagsisinungaling niya.
"Sige, Ate, pero mabilis lang tayo, ha?" segundo ang itinagal bago sumang-ayon si Marjorie. Bawal kasi 'yon. Ang basta-basta lumalapit ang mga tao sa isang pasyenteng nasa ganoong kondisyon kahit sa ospital. Pero dahil kapatid naman niya ang kasama ay pumayag na ito.
Nagngingitian sila na magkapatid nang paakyat na sila sa hagdan patungong second floor ng bahay.
"Ang ganda niya, Ate, 'no? Para siyang si Mama Mary na ang amo ng mukha. Parang ang bait-bait niya," humahangang wika ni Marjorie nang nasa harapan na sila ng parang natutulog lang na si Ashlene.
"Oo, pero bakit ganyan na may peklat siya sa mukha niya? Ano'ng nangyari sa kan'ya?" nagtakang usisa ni JL. Iyon agad ang napansin niya.
"Gawa raw po 'yan ng aksidente na nangyari sa kanilang mag-asawa na siya ring dahilan din bakit siya comatose ngayon," tugon ng dalagang nurse sa kapatid. "Sabi ni Kuya ay galing sila sa kasal nila nang maaksidente sila. Papunta na raw sila dapat noon sa reception nang bigla ay isang truck daw ang bumangga sa wedding car nila. Tapos ang napuruhan ay ang driver at si Ate Ashlene. Patay nga raw po iyong driver."
"Gano'n pala."
"Kawawang mag-asawa, Ate, 'no? Imagine, iyong pinakamasayang araw nila ay siya ring pinakamalungkot na araw nila. Ang saklap."
Hindi umimik si JL. Napahalukipkip lang siya habang nakatitig sa pasyente. Gayunman ay sumasang-ayon siya sa sinabi ng kapatid, maganda nga ang asawa ni Jonathan. Partida tulog pa 'yan, ha, at may peklat pa sa mukha pero maganda pa rin. So, paano na lang kung gising na at ipaayos nito ang mukha? Eh, di ito na ang pinakapinagpalang babae sa balat ng lupa.
Muli ay parang may pumiga sa puso ni JL. Paano na? Paano na siya magugustuhan ni Jonathan nito?
"Sana nga magising na siya para maging masaya na ulit sila na mag-asawa," narinig niyang wika pa ni Marjorie. May kinakalikot na ito sa mga aparatong nakakabit sa pasyente.
"Sana ay hindi na," ang hindi niya naman namalayang naibulalas, na sa kamalasan ay umabot pa sa pandinig ng kaniyang kapatid.
"Ano'ng sabi mo, Ate?" nagtatakang tanong tuloy ni Marjorie.
Doon parang naalimpungatan si JL. "Ah, eh... sabi ko ay sana hindi na... sana ay hindi na magtagal ang pagkakatulog niya. Sana nga magising na siya." Buti na lamang at mabilis siyang nakaisip ng palusot.
Ngumiti na ulit si Marjorie sa kaniya bago itinuloy ang ginagawa kay Ashlene.
Nakuntento naman na siya na nakatingin lang sa ginagawang pag-aasikaso ng kaniyang kapatid sa pasyente. Gwenardyahan na niya ang kaniyang bibig at baka kung ano na naman ang kaniyang masabi na hindi niya namamalayan.
"Sana ay hindi ka na magising, Ashlene," pero sa loob-loob niya ay ilang beses na niyang naiusal.
BINABASA MO ANG
REVENGE OF THE REAL WIFE (published under IMMAC)
Romansa(R18) Gawa ng aksidente ay na-comatose si Ashlene. Nanatili siyang tulog ng ilang buwan dahilan para kumuha si Jonathan ng private nurse. Ang hindi alam ni Jonathan ay ang desisyon niya na iyon ang magdadala ng kaguluhan sa buhay nila na mag-asawa...