Part 14 || The Thief

14K 262 30
                                    

"AKO PA? Alam mo naman na kung may gusto ako ay siguradong makukuha ko," nakangising pagyayabang naman ni JL kay Flower. Kausap ni JL ang kaniyang kaibigan sa cellphone. Kanina pa siya gising pero ayaw niyang lumabas muna sa kuwarto. Gusto niyang dagdagan pa ang pagdadramang ginawa niya kagabi sa harap nina Marjorie at Jonathan. Kung kagabi ay nagkunwa-kunwarian siya na lasing na lasing, ngayon naman ay nagkukunwa-kunwarian siyang masama ang kaniyang pakiramdam. Kunwari ay masakit ang kaniyang ulo dahil sa hangover.

"Ikaw na talaga." Tuwang-tuwa naman si Flower. "So, what's your next plan? Ang akitin na si Jonathan?"

"Naman. Hindi ko na patatagalin pa. Susulitin ko na ang chance na nandito pa ako sa bahay niya."

"Go, Sis. Masaya ako para sa iyo. Sa wakas magkakadyowa ka na rin ng lalaking mahal mo talaga at hindi lang dahil hinuhuthutan mo lang ng pera."

"Gaga!"

Nagtawanan silang magkaibigan.

"Mabait, check. Mayaman, check na check. Guwapo, check na check na check. Lahat na ay na kay Jonathan na. Tanga na ako kung pakakawalan ko pa siya, Sis," sabi ni JL pagkatapos.

"Mana ka talaga sa akin, Sis. Push mo 'yan," nakatawang saad ni Flower.

"Syempre naman. Ipu-push ko talaga." Napangisi siya. "Kung ikaw nagawa mo na paibigan si Gomer, syempre magagawa ko rin iyon kay Jonathan. Ako pa ba? Eh, malayong mas maganda nga ako sa 'yo. Masikip pa."

"Bruha ka!" Ang lutong nang naging tawa ni Flower. "Pero sige support kita d'yan. Wala namang masama kasi wala naman nang kuwenta ang asawa ni Jonathan. No worries ka pa dahil hindi ka niya masasabunutan."

Sasagot pa sana si JL pero hindi na niya nagawa dahil napansin niya na may nagbubukas na sa doorknob ng pinto. Mabilis na siyang nagpaalam sa kaibigan saka madaling itinago ang cellphone niya sa unan pagkatapos ay kunwari'y nagtulog-tulogan ulit.

"Ate, gising ka na po." Mayamaya nga'y mahinang yugyog sa kaniya ng kapatid. Ito ang pumasok.

Kunwari ay pupungas-pungas na nagmulat si JL ng mga mata. Madramang sinapo niya rin ang noo. "Ano'ng nangyari? Bakit ang sakit-sakit ng ulo ko?"

"Naglasing ka kasi kagabi dahil sa lalaking stalker mo. Ayaw mong umuwi sa atin dahil sabi mo ay takot ka sa kaniya. Iyak ka nang iyak kagabi, Ate."

"Talaga?" kunwari ay ang laki ng gulat niyang naibulalas. "Naku sorry, Marjorie, hindi ko siguro namalayan na napadami na ang inom ko. Pampatulog ko lang sana iyon, eh. But don't worry dahil aalis na ako. Uuwi na ako sa bahay." Kunwari pa'y taranta na babangon siya sana.

Pinigilan siya ng kapatid na kaniya nang inasahan. "Huwag na, Ate. Mahiga ka na lang d'yan dahil kung natatakot ka talaga sa lalaking 'yon ay puwedeng dito ka na lang daw muna sabi ni Kuya Jonathan. Nakita ka kasi niya kagabi na iyak nang iyak at takot na takot habang lasing na lasing ka."

Kinagat si JL ang isang hintuturo. Ipinakitang na-guilty siya sa nagawang paglalasing. "Sorry talaga, Marjorie. Alam kong nahihiya ka na sa amo mo dahil sa akin."

Umupo sa gilid ng kama si Marjorie. Ginagap nito ang isang kamay niya. "Hindi, Ate. Kahit ako naman ay mas gusto ko na dito ka lang muna para hindi ka mapahamak sa lalaking sinasabi mo. Isa pa ay mabait si Kuya Jonathan kaya okay lang siguro talaga."

Ngumiti na siya. "Salamat talaga, Marjorie."

Yumakap sa kaniya ang kapatid. Na-touch siya sa totoong concern nito sa kaniya. Sana lang talaga kapag dumating ang punto na kailangan niya ng kakampi ay hindi siya nito bibiguin.

Sabagay, malaki ang utang na loob sa kaniya ng kapatid. Wala ito sa kinalalagyang propesyon ngayon kung hindi dahil sa kaniya. Siya ang naghirap sa abroad para makatapos ito ng pag-aaral. Walang dahilan para tanggihan siya ng kapatid oras na humingi na siya ng tulong.

"Siya nga pala nasaan ang Kuya Jonathan mo?"

"Maaga po siyang umalis, Ate. Madami raw siyang pipirmahang papeles ngayon sa opisina."

"Na naman? Lagi na lang wala sa bahay ang lalaking 'yon? Paano ko siya maaakit o mapapaibig kung laging ganito? Ay naku!" piping himutok niya.

"Kung nagugutom ka na, Ate, ay kumain ka na pala sa ibaba para magkalaman 'yang sikmura mo. Pupuntahan ko na si Ate Ashlene para asikasuhin."

Napabuga siya ng hangin sa bunganga pagkalabas ng kaniyang kapatid sa kuwarto. Buong akala pa naman niya ay makaka-first move na siya kay Jonathan ngayon. Mukhang malabo pa rin pala.

Inis na inis niyang tinawagan ulit si Flower.

"Oh?"

"Badtrip, Sis!"

"Bakit na naman? Kanina ay ang saya mo lang, ah. Bipolar ka na, Sis?" kantyaw sa kaniya ng kaibigan.

"Paano'y wala na naman si Jonathan. Lagi na lang nasa trabaho."

Natawa si Flower. "Ganoon talaga. Eh, comatose ba naman ang kaniyang asawa. Syempre kailangan niyang kumayod."

"Eh, paano naman ako rito? Nganganga na lang, ganoon ba?" titirik-tirik ang mga mata niyang sabi.

"Chill ka lang."

"Paano nga ako magchi-chill? Alam mong bilang pa rin ang bawat oras ko sa bahay na ito. Kailangan ko nang kumilos."

"Problema ba 'yon? Eh, di puntahan mo sa work niya kung hindi puwede r'yan sa bahay niya? Tulad ng ginagawa ko kapag nami-miss ko si Gomer ko."

Saglit na napaisip siya. Hanggang sa unti-unti ay umaliwalas na ang kaniyang mukha nang makuha niya ang nais ulit isiksik ni Flower sa kaniyang utak na kalandian.

Ang galing-galing talaga ng kaniyang kaibigan sa mga ganitong bagay. Bakit nga ba hindi niya naisip 'yon? Sa work ni Jonathan ay wala pang Marjorie na istorbo.

Natapos ang pag-uusap nilang magkaibigan na nakangiti na ulit siya. Bumaba na siya sa kama. Isa pa kasing ideya ang pumasok sa isip niya na gagawin na tiyak niyang magugustuhan ni Jonathan.

Maingat na lumabas siya ng silid at dahan-dahan na pumasok sa silid ni Ashlene. Sakto na wala na ang kaniyang kapatid. Inirapan niya ito. Kung puwede lang talaga ay sakalin na lang niya ito para matuluyan na.

"Para na ngang patay pero mahal na mahal pa rin ni Jonathan. 'Di na lang talaga ilibing. Pwe!"

Pero hindi ang natutulog na si Ashlene ang sadya niya talaga sa silid na iyon, kundi ang laman na mga damit sa built-in closet nito. Hahayaan na lang muna niya ito na mabuhay pa tutal naman ay mamamatay rin naman nang kusa.

Nakangisi siyang lumapit sa built-in closet at binuksan.

"Wow!" At humanga siya sa mga nakitang mga damit doon. "Ang gaganda. Pak na pak na mga pang-awra."

Kinuha niya ang itim na sexy dress at ngiting-ngiti na inilapat iyon sa katawan niya. "Tingin ko bagay 'to sa akin."

Kumuha ulit siya ng isa. "Ang gaganda talaga. Mga authentic luxury ang mga gamit ni Ashlene, hindi tulad ng mga akin na mga fake."

Sa huli, ang nagustuhan niya ay ang backless na kulay red na dress na may slit na halos sa may singit na. Sigurado siyang titingkad ang kaniyang ganda at ka-sexy-an kapag iyon ang isinuot niya. Siguradong mapapanganga at maglalaway sa kaniya si Jonathan kapag nakita siya nitong suot iyon.

Naisip niya kasi na lalaki lang si Jonathan. Sa tagal nang comatose ni Ashlene ay siguradong tigang na tigang na ito. At naisip rin niya na sa pamamagitan ng mga damit ni Ashlene ay mas madaling maaakit niya si Jonathan sa kama.

Naroon na rin lang naman siya ay pinakialaman na rin niya ang mga accessories, sandals, bags, at mga pabango ni Ashlene. Itinudo na niya, sapagkat magiging kaniya rin naman ang lahat ng mga iyon oras na mawala na si Ashlene. 

REVENGE OF THE REAL WIFE (published under IMMAC)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon