Nagbukas ang pinto ng kaniyang silid at may pumasok pero hindi man lang tumingin si Marjorie. Alam naman na niya kasi kung sino, walang iba kundi ang kapatid niya na hindi na niya kilala simula ngayon dahil sa kabaliwan nito sa pag-ibig.
Hindi na nandidiri sa ginagawa. Nakakahiya!
"Totoo ba 'yung sinabi ni Jonathan?" boses nga ng Ate JL niya. Nagmamaldita na naman. Sigurado siya na nakatikwas na naman ang kilay nito at naka-cross arms.
Hindi na rin siya nag-aksaya ng panahon na sumagot. Nakatitig lang siya sa maleta niya. Mas nakatuon ang presence of mind niya sa katanungang nagpapabagabag sa kaniyang damdamin kanina pa; ang aalis ba siya o hindi na muna?
Pagkatapos ng nakakatakot na panaginip niya ay nakokonsensya at natatakot na siyang iwanan ang Ate Ashlene niya. Mahalaga na sa kaniya ang kaniyang pasyente kaya hinding-hindi niya yata ito kayang basta iwanan na lang ngayon, lalo't parang ipinakita nito sa kaniyang panaginip na nanganganib lalo ang buhay nito.
"Bakit hindi ka pa umalis kung gano'n?" tanong pa sa kaniya ng kapatid. Atat na atat talaga na mawala siya. Para nga naman syempre masolo na nito si Jonathan. Wala na talagang hiya sa sarili.
Patagilid ang masamang tingin niya rito. Naalala niya ang hitsura nito sa panaginip niya. Iyong nanlilisik ang mga mata nito na para bang isusunod siya sanang patayin kung hindi lang siya nagising.
"Ano pang itinitingin-tingin mo? Akala ko ba aalis ka? Alis na. Walang pumipigil sa 'yo," lantarang pagtataboy pa sa kaniya ng kapatid.
Napailing-iling siya. Grabe talaga ang mga kabit. Nakakasuka ang mga ugali. Mga feeling entitled. Ang kapal ng mukha.
"Feeling mo ikaw lang ang private nurse? Tss! Ang dami diyang iba na puwedeng kunin. Sino ka ba sa akala mo?"
Nagpakawala muna si Marjorie ng malalim na buntong-hininga bago tumayo at hinarap ito. Naglaban ang masamang tinginan nila ni JL. Wari ba'y hindi na sila magkapatid. Animo'y mga mortal na silang magkaaway.
"Nakita mo naman na nag-i-empake na ako. Huwag ka namang atat masyado, Ate," sabi niya. Hindi niya alam kung saan na naman siya humugot ng tapang, dahil sinalo niya talaga ang masamang titig na iyon ng kanIyang Ate JL. Hindi na siya natatakot. Bahala na. Basta alam niya, siya ang tama rito.
" "Syempre naman atat na atat na ako kasi sa wakas mawawala na ang kontrabida at walang utang na loob na kapatid ko," pero mas demonyita na sumbat nito.
Napatiim-bagang si Marjorie. Hindi niya talaga kaya pagdating sa mga maaanghang na salita ang kapatid. Mabuti na lang at nag-ring ang kaniyang cellphone na nasa kaniyang bulsa ng pantalon. Kinuha niya iyon na hindi inaalis ang tingin sa kapatid at sinagot kahit hindi niya tinitingnan kung sino ang tumatawag.
" "Hello, Marjorie, Anak? Ano iyong sinabi ni Ate JL mo na uuwi ka na raw rito sa bahay? Bakit? Ano'ng nangyari? Ayaw mo na ba d'yan sa trabaho mo?" Ang nanay nila pala na walang kaalam-alam na nag-aaway na sila ngayon na magkapatid.
Tipid siyang napangisi sa kanIyang Ate JL. Talaga pa lang kating-kati na itong umalis siya sa bahay na iyon para magawa nito lahat ang gusto nito. Inunahan pa talaga siyang sabihin iyon sa nanay nila. Desperada nang maging kabit, puwes, manigas ito!
"Hindi po, 'Nay. Nagbago na po ang isip ko. Hinding-hindi ko po pala maiiwanan si Ate Ashlene," sagot niya sa nanay niya. Diniinan pa niya ang pangalan ng kaniyang pasyente.
Katulad ng inasahan niya ay kitang-kita niya ang panlilisik ng mga mata ng Ate JL niya. Gulat na gulat sa kaniyang pasabog.
"Gano'n ba. Mabuti naman. Aba'y sayang naman ang trabaho mo kung aalis ka d'yan agad."
"Opo, 'Nay, sayang po talaga kaya hindi na po ako aalis. Sige na po. Tatawag na lang po ako sa inyo ulit. May ginagawa po kasi ako ngayon." Pinatay na niya ang tawag kahit may mga sasabihin pa sana ang nanay nila. Pagkatapos ay ngingiti-ngiting humakbang na palabas. Sinadya pa niyang binunggo ang braso ng Ate JL niya. Pang-asar niya.
Subalit anong gulat niya nang biglang sinabunutan naman siya nito patalikod at hinila papasok ulit sa kuwarto.
"Aray ko, Ate!"
Nananadya ka ba talaga, huh?!"
"Bitawan mo ako, Ate!" Napapangiwi sa sakit si Marjorie. Hawak-hawak niya ang kaniyang buhok pero parang matatanggal pa rin sa anit niya ang mga buhok niya sa lakas ng kaniyang Ate JL.
"Sabi mo aalis ka na! Bakit ngayon ayaw mo nang umalis?! Anong gusto mong palabasin, huh?!"
"Nasasaktan ako, Ate!"
"Aalis ka na! Aalis ka na sa bahay na ito! Uuwi ka na sa bahay kung ayaw mong masaktan!"
Ibinalibag siya ng ate niya. Napasubsob siya sa kaniyang maleta. Gusto niyang umiyak na naman pero pinigilan niya. Kailangan niyang maging matapang para sa pasyente niya, higit sa lahat para hindi magwagi ang kabit sa asawa. Para sa tama.
Pinalaki sila ng nanay nila sa mga tamang kilos at gawain, na malamang nakalimutan na yata ng kaniyang kapatid dahil sa pag-ibig nitong baluktot.
Iyon ang itatama niya. Itatama niya ang maling gawain ng kaniyang Ate JL. Hindi siya papayag na may magwawagi na namang kabit. Hindi siya papayag na may masisira na namang pamilya tulad ng pagkasira sa pamilya nila noon.
"Umalis ka na! At huwag nang babalik dito kahit kailan!" nanggagalaiting duro pa sa kaniya ng kapatid.
"Kahit ano'ng sabihin mo! Hindi ako aalis dito, Ate! Buo na ang pasya ko! Dito lang ako!" naninindigang bulyaw rin niya.
Muli ay naglaban ang kanilang masamang tinginan. Grabe ang pagtaas-baba ng dibdib ni JL. Galit na galit. Hanggang sa ito rin naman ang sumuko. Pabalibag nitong isinira ang pinto.
Sobrang nakahinga nang maluwang si Marjorie nang wala na ang kapatid. Napayakap siya sa kaniyang maleta. Doon siya nag-iiyak nang nag-iiyak. Sana lang ay makayanan niya ang laban na ito dahil kahit paano ay nasasaktan din siya kapag nagagalit sa kanya ang Ate JL niya.
Oo, nagagalit ito sa kaniya noon pero hindi ganito katindi at hindi ganito na sinasagot naman niya. Hindi ganito ang kinalakhan nilang magkapatid, lalo na siya. Never niyang sinagot noon ang kaniyang Ate dahil ang laki ng respeto niya rito. Mahal na mahal niya ang kaniyang Ate JL.
"Nanay..." iyak niya. Gusto niyang humingi ng tulong sa nanay nila dahil sobrang nasasaktan siya, kaya lang ay nabuo ulit ang isang desisyon sa kaniyang sarili; ang hindi na dapat madamay rito ang nanay nila.
Sana lang talaga ay makaya niyang ituwid ang mali sa tama na siya lang mag-isa.
Para sa kaniya ang dalawang taong pinagsama ng Diyos ay hindi dapat pinaghihiwalay ng isang tao lamang, lalo ng kabit lamang
BINABASA MO ANG
REVENGE OF THE REAL WIFE (published under IMMAC)
Roman d'amour(R18) Gawa ng aksidente ay na-comatose si Ashlene. Nanatili siyang tulog ng ilang buwan dahilan para kumuha si Jonathan ng private nurse. Ang hindi alam ni Jonathan ay ang desisyon niya na iyon ang magdadala ng kaguluhan sa buhay nila na mag-asawa...