CHAPTER SIXTEEN
(The Unexpected)TILA nagising si Aya sa isang masamang panaginip. Kitang-kita niya ang lahat ng pangyayari. Ang pangyayari kung saan gumagawa ng kabuktutan si Mitsoumi at ang babaeng kinamumuhian niya.
Nasa labas siya ng bakuran, hawak-hawak ang espada at kasalukuyang sinasanay ang tamang paglabas ng puwersa nang gumana ang kaniyang Riyugan. Halos napaluhod siya at mahigpit niyang naitarak sa lupa ang espada.
Parang daloy ng agos sa ilog ang sumunod na mga pangyayari. Napahigpit ang hawak niya sa hawakan ng espada at sa isang kisapmata ay naglaho ang mga eksenang nasa kama sina Mitsoumi at Nayumi. Ikinuyom niya ang palad at dali-daling naglakad papasok ng bahay. Dumaan siya sa may kusina at nadatnan niya roon ang panganay na kapatid. Napatingala si Shin at napangiti. Huminga nang malalim si Aya at umupo sa harap nito.
"Bakit, Aya? Hindi ka pa natutulog, gabi na," tanong ni Shin habang binubuklat ang aklat na binabasa. Hindi alam ni Aya kung saan at paano uumpisahan ang paglalahad sa kaniyang natuklasan.
Muli itong nag-alis ng bara sa lalamunan at matamang pinakatitigan ang panganay na kapatid. Bakit ngayon pang nagkabati na sila ng kapatid at tinanggap na niya ang nobya nito ay saka naman niya nalaman ang hinalang noon pa man ay may bahid pala ng katotohanan?
Napatunayan niya kanina ang haka-hakang gumugulo sa isip niya. Tama nga ang unang akala niya na si Nayumi Cy ay isang walang kuwentang babae.
Napatutok ang pansin ni Aya nang magsalita si Shin. "Ano na naman ba ang problema at tulala ka na riyan, Aya?" nakangiting sagot ni Shin at tinapik pa ang pisngi ni Aya.
Kumuyom ang mga palad ni Aya. Kailangan niyang magbakasakali.
"It is now or never," bulong sa isip ni Aya. "Kuya Shin, hindi ka talaga totoong mahal ni Nayumi. Ginagamit ka lang niya, Kuya Shin, maniwala ka. . ." panimula ni Aya na hindi inaalis ang pagkakatitig sa mga mata ng kapatid.
Unti-unting nagsalubong ang kilay ni Shin. "Aya, huwag mo naman sanang hayaang tuluyang mawala ang tiwala ko sa iyo dahil sa ginagawa mo! Unti-unting nawawala ang respeto ko sa iyo bilang kapatid," mariin nitong bigkas habang naghahanda na sa pag-alis. Ngunit hinawakan ni Aya nang mabilis ang kamay nito.
"Kuya, pakinggan mo naman ako! Ipinakita ng Riyugan sa akin ang lahat-lahat. Bakit ayaw. . . hindi pa natatapos si Aya nang tapikin ni Shin ang kamay nitong nakakapit sa kaniyang braso.
"Tumigil ka na, Aya! Puro kasinungalingan ang lumalabas sa bibig mo. Kakaayos lang natin ngayon ay ginugulo mo na naman!" inis na turan ni Shin at umakyat na ng hagdan.
Ngunit sinundan siya ni Aya. Hindi siya susuko. "Totoo ang sinasabi ko, Kuya Shin! Itigil mo na ang kahibangan mo sa babaeng iyon! Isa siyang puta!"
Malakas na sampal ang iginanti ni Shin kay Aya. Nasapo ni Aya ang pisngi na dinapuan ng palad ng kapatid. Tinitigan niya ito at nagulat sa nakita. Halos umaapoy sa galit ang mga mata ng nakatatandang kapatid. Napayuko si Aya at lumakad paalis. Pababa na siya ng hagdan nang tinawag ulit ni Shin si Aya sa mahina at mababang boses. Akala niya ay makikinig na ang kapatid ngunit nagkamali siya.
"Aya, gusto kong pagkagising ko bukas ng umaga ay wala na akong madadatnang kahit isang gamit mo sa pamamahay na ito."
Natutok ang tingin ni Aya sa pintuang pinasukan ng kapatid. Nakayuko siyang naglakad sa kaniyang silid. Nag-umpisa siyang maglagay ng mga gamit at sa pag-uumpisa niya ay nadampot niya ang litrato nilang mag-anak. Inumpisahan niyang isilid sa kaniyang bag ang mga kakailanganin niya.
Hindi niya alam kung para saan ang luhang dumaloy sa kaniyang mata. Hanggang sa nagtuloy-tuloy iyon. Ipinikit niya nang mariin ang mga mata at kinuha ang pager niya. Matapos ang dapat tapusin ay naglakad na siya palabas ng kuwarto. Nalabasan niyang nakatayo at nakamasid si Maya. Hindi niya alam pero parang gusto niyang yumakap sa kakambal ngunit hindi tama iyon. Kababaan ng loob o ego ang pag-iisip niyon. Nilagpasan niya ito ngunit tinawag siya nito. Lumingon siya upang mainis lamang.
Uma-acting ito na parang natutuwa. Gusto niya itong gantihan pero nakita niya ang panganay na kapatid na nakasilip sa maliit na siwang ng pintuan nito.
"Kuya. . ." nasambit niya habang malungkot na nakatanaw rito. Nanlulumo siyang umalis nang marinig niya ang malakas na pagbagsak ng pintuan.
Tumunog ang pager niya. Si Kira iyon at pumayag nang pansamantala muna siyang makituloy sa apartment nito. Binuhat niya ang hindi kalakihang bag at naglakad. Hinding-hindi niya makakalimutan ang gabing ito.
Patutunayan niya sa panganay na kapatid na totoo ang sinasabi niyang nabubulag lang ito sa babaeng akala nito ay nagmamahal dito ng totoo. Hindi siya papayag na magtagumpay ang babaeng iyon at si Mitsoumi. Gagawin niya ang lahat para si Mitsoumi ang magsabi sa Kuya niyang iniiuputan nila ito sa ulo.
Mag-iisang oras na nang makarating si Aya sa inuupahang bahay ni Kira. Agad siyang nakita ng binata at binuhat ang bag na dala-dala niya.
"Aya, ayos ka lang ba?" tanong ni Kira kay Aya. Parang wala sa sariling tumingin ito sa kaniya at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. Namula si Kira sa klase ng pagkakatitig ni Aya kaya itinali nito ang roba niya.
"Bakit ganiyan ang suot mo, Kira? Ang laswa!" natatawang sabi ni Aya. Lalong namula si Kira at yumuko na lang habang binubuksan ang gate. Nang makapasok ang dalawa sa loob ay halos panlakihan ng mga mata si Aya sa nakikita. Parang hindi bahay ng lalaki ang napasukan niya dahil napakaayos nito.
"Tara, ihahatid kita sa magiging kuwarto mo, Aya," yakag ni Kira habang naglalakad sa may sala. Sinusian nito ang saradong pintuan. Sinindihan ni Kira ang ilaw ng kuwarto at lihim na napangiti si Aya.
"Pagpasensiyahan mo na, Aya. Biglaan kasi ang pagdating mo kaya hindi ko kaagad nalinis itong magiging kuwarto mo. Puwede mo naman linisin bukas. Tutal sabado," nahihiyang paumanhin ni Kira habang ipinapasok ang maliit na bag ni Aya.
"Salamat, Kira, pero okay na sa akin itong kuwarto. Sige, magpahinga ka na at magandang gabi, Kira," pagtatapos ni Aya at maingat na isinara ang pintuan ng silid.
Dahan-dahang umupo si Aya sa higaan at pinagmasdan ang maliit na kuwarto. Napangiti siya nang lihim. Naghanda na siya ng isusuot niya sa pagtulog at saglit na nagbabad sa shower. Habang nakababad ay unti-unting gumagana ang utak ni Aya. "Kailangan kitang makausap bukas ng gabi, Mitsoumi. Pagbabayaran ninyo ang ginawa nyo sa aming magkakapatid."
BINABASA MO ANG
✔️SOKTOREGGIE(TENJHO TENGE) COMPLETE/ UNDER-EDITED
Fanfiction"Para sa lahat siya ay inosenti, pero sa likod ng maamong mukha nagtatago ang mapait na katotohanan sa tunay niyang pagkatao..." SYNOPSIS Aya Natsume, kabilang sa angkan ng mga Natsume na nagtataglay ng kakaibang mata. Mata ng hinaharap kung tawagi...