CHAPTER EIGHTEEN (Evil Plan)

27 2 1
                                    

CHAPTER EIGHTEEN
(Evil Plan)

"ANO na naman bang ginawa ko at basta na lang niya akong iniwan dito? Hindi ko tuloy malaman kung saan siya hahanapin," malungkot na bulong ni Kira sa sarili habang nakaupo sa bench at tumitingin lang sa kawalan.
Ang hindi alam ni Kira ay may mga pares ng mata ang nakamasid sa kaniya. Sa pagmamasid ni Aya mula sa malayo kay Kira ay unti-unti niyang inanalisa ang dahilan ng nangyayari sa kaniya. Ayaw niyang aminin sa sarili na nahuhulog na siya sa binata. Hindi kasali sa sa plano niya ang ma-inlove. Ewan niya kunga ba't siya nakakaramdam nang ganoon sa binata.
Malaki ang naging attachment ng binata sa kaniya. Hindi niya nagugustuhan ang nararamdaman niya ngayon. Ayaw niyang lumalim pa ang nararamdaman niya sa binata. Pipilitin niyang ibalik sa dati ang nararamdaman pero paano niya iyon uumpisahan kung nakikitira siya sa bahay ng binata ngayon at wala siyang pupuntahan maliban dito?
Kumuyom ang maliit na kamay ni Aya. Paano niya uumpisahan ang paglayo kung parati naman niya itong nakakasama? Mariin niyang ipinikit ang mga mata at napabuntong-hininga. Pagpapalakas lang dati ang nasa isip niya. Bakit ngayon ay sumisingit na ang kakaibang damdaming iyon?
Maingat niyang dinama ang kaliwang bahagi ng puso niya kung saan naroon ang puso niyang mabilis na tumitibok. Sa mga nakalipas na araw ay kakaiba na ang takbo ng tibok ng puso niya. Sa tuwing nakakaramdam siya ng kakaibang damdamin ay ganoon ang nangyayari sa pandama niya. Tila nagkakaroon ng kakaibang pandama ang sistema niya pero kaakibat naman niyon ang takot na nadadagdag sa kakaibang puwersang iyon. Tila nawawalan siya ng lakas . . . lakas na matagal na niyang minimintina.
Bawal sa kaniya ang magmahal . . . sa kadahilanang kapag siya ay nagmamahal ay puwedeng mawala sa kaniya ang lahat-lahat. Ang lakas niya para lumaban. Ang lakas ng kaniyang pagkatao. Dahil kung hahayaan niyang siya'y magmamahal ay puwedeng ikamatay niya iyon. At iyon ang kailangan niyang iwasan.
Unti-unting dumilat ang mga mata ni Aya at napagpasyahang umalis na lamang. Makikipagkita siya kay Mitsoumi. Kokomprontahin niyang umamin ito sa kaniyang Kuya sa ginawang pang-iipot nila ni Nayumi rito.
Kung ayaw nitong sundin ang utos niya . . . idadaan niya iyon sa dahas. Kung dumating nga sa puntong kailangan niyang kitlin ang buhay nito ay gagawin niya. Hindi man niya mapatunayan sa kapatid ang katotohan ay ayos na. Maigaganti man lamang ito sa pangloloko ng dalawa sa paraang alam niyang nararapat sa mga ito.
Nang bumalik siya sa apartment ng binata ay nadatnan niya itong nagluluto na ng pananghalian. Inaya siya nitong sumabay. Habang kumakain ay tahimik na pinagmasdan nang palihim ni Aya ang binata. Parang napuna naman iyon ng binata. Tumikhim ito kaya mabilis na iniiwas ni Aya ang tingin.
"Aya, ano bang nangyari sa yo kanina sa mall? May nagawa na naman ba akong mali? Di ba ayos na tayo? Ba't parang bumabalik na naman iyong dati?" lakas-loob na tanong ni Kira sa kaharap.
Dahil sa mga narinig ay tila nawalan si Aya ng ganang kumain. Binitawan nito ang hawak na kubyertos at tumigas ang mukha nito na kababakasan ng galit. Mariing tinitigan ng tingin ni Aya ang binata. Tila naman natakot ang binata sa ginawi ni Aya.
"Puwede ba, Kira? Walang pakialamanan kung ayaw mong magkagalit tayo nang tuluyan. Huwag na huwag mo na ako ulit pakikialaman. . ." Walang anu-ano'y tumayo na si Aya at iniwan ang binatang nakatungo. Hindi niya makita kung ano ang naging reaksiyon nito sa sinabi niya ngunit parang may kumurot sa puso ni Aya. Lumingon siya at nag-iwan pa ng huling mga kataga. ". . .at Kira, kung maaari ay huwag mo na akong hintayin mamayang gabi. Gagabihin ako saka aalis na ako bukas dito. Wala ka nang iisipin pa." Walang emosyong sagot ni Aya at iniwan ang binatang hindi nakahuma.
Naglalakad na si Aya palabas ng bahay nang maulinigan niya ang pagbukas at pagsara ng gate. Unti-unting napalingon si Aya.
"Aya!" bigkas ni Kira na bakas sa mukha ang kalungkutan. Maang lang na pinakatitigan ni Aya si Kira. "B-basta, hihintayin kita mamayang gabi. Kung ano man ang nagawa kong mali para iwasan mo. . . sana mapatawad mo ako. Mag-iingat ka, Aya," puno ng emosyong sabi ni Kira.
Marahas na ibinaling ni Aya ang tingin at nagpatuloy sa paglalakad. Hindi na siya muling lumingon. Kung lilingon pa siya ay baka mabasa pa nito ang nakalarawang emosyon sa kaniyang mukha. Mariin niyang hinawakan ang espadang hawak. Mamaya ay hihintayin niya sa bakanteng lote si Mitsoumi at doon niya ito sisingilin sa panggagago nila sa nakatatanda niyang kapatid.
Patuloy lang siyang naglakad hanggang sa huminto ang mga paa niya sa bakanteng lote. Nag-umpisa siyang umupo sa mga sementong bitak. Marahan niyang ipinikit ang mga mata. Hinayaan niyang mapayapa ang sarili habang nakapikit. Hindi pa rin niya maiwasan ang pag-iisip. Kailangan niyang kausapin at pilitin si Mitsoumi na aminin nito sa panganay na kapatid ang katotohan.
Ilang oras ang matuling lumipas. Dahan-dahan niyang iminulat ang mga mata. Magdadapithapon na at malapit na ang takdang oras na napag-usapan nila ni Mitsoumi. Tinitigan niya ang papalubog na araw sa gawing kanluran. Tila nagbabadya ito ng walang hanggang kalungkutan.
Masama siyang kinutuban. At sa paglubog ng huling sinag ng araw ay ang paglabas ni Mitsoumi sa kadiliman. Dahan-dahan niyang hinugot ang espada. Walang buwan ang makikita sa langit kundi ang mga bituin na nagkikislapan lamang. Naglakad palapit si Mitsoumi sa kaniya. Unti-unting tumayo sa kinauupuan si Aya at marahang naglakad. Halos hindi kumukurap ang dalawang nilalang.
Parehas silang nagbabadya ng apoy sa kani-kanilang mga mata. Hanggang sabay silang napahinto. Halos limang pulgada ang layo nila sa isat isa. Ipinasok ni Mitsoumi ang kamay sa may bulsa at pinakatitigan ang kaharap. Mariin lalong hinigpitan ni Aya ang pagkakahawak sa espadang Soktoreggie.
Lumipad ang tingin ni Mitsoumi sa kalangitan na nababalutan ng kadiliman. Isang manipis na ngiti ang kumawala sa labi ni Mitsoumi.
"Anong nginingiti mo riyan? Bakit natatakot ka na ba kaya nasisiraan ka na ng bait? Hindi ako mangingiming paslangin ka ngayon sa harapan ko, Mitsoumi. Nakita mo naman kung gaano ako kabrutal pumatay!" masidhing saad ni Aya. Lalong nag-umigting ang nais niyang patayin sa sariling mga kamay si Mitsoumi.
Walang kaemo-emosyong tinitigan niya si Mitsoumi. "Kaya mo ba, Aya?"
"Ano ang ibig mong sabihin, Mitsoumi?" nagtitimpi at nanggagalaiting bigkas ni Aya sa kaharap. Tinitigan siya ni Mitsoumi at inihanda ang sarili sa nagbabadyang pakikipagtuos. Mabilis na nagtatakbo ang dalawa at sa paglapit nila sa bawat isa ay inilabas ni Mitsoumi ang hawak na espada.
Parang nagkikislapan na bituin ang mga espadang gamit nila sa pakikipaglaban. Tila musika na tumutunog habang nagkikiskisan. At sa paglapit nila sa isat isa ay isinangga ni Mitsoumi ang sariling espada. "Wala ka talagang isip, Mitsoumi! Hindi rin magtatagal ang espadang iyan. Walang makakapantay sa lakas ng espadang hawak ko!" malakas na hiyaw ni Aya.
Akmang ihahampas niya kay Mitsoumi ito pero mabilis iyong nasangga ng binata. "Nagkakamali ka, Aya, dahil ang espadang hawak ko ay ginawa para ipantapat sa espadang Soktoreggie. Ito ay ginawa ni ama para sa espadang hawak-hawak mo!" nakangising sabi ni Mitsoumi.
Agad na lumayo si Aya at pinakatitigan ang espadang hawak ni Mitsoumi. "Hindi maari! Walang kahit na anumang espada ang makakatapat o makakatalo sa espadang nasa akin!"
"Nasisiyahan akong makalaban ka, Aya, ngunit hindi magtatagal ang labanang ito. Dahil titiyakin kong ikaw ang matatalo."
"Hindi mo alam ang sinasabi mo, Mitsoumi! Kayang-kaya kitang patayin!" naghuhumiyaw na sabi ni Aya at mabilis na inihataw kay Mitsoumi ang espada. Nagtatawa si Mitsoumi kaya lalong nainsulto si Aya.
"Hindi lingid sa akin, Aya, na hindi talaga lumalabas ang kapangyarihan ng Soktoreggie kapag wala ang bilog na buwan!" malakas na sabi ni Mitsoumi.
Natigilan saglit si Aya sa pag-atake. Umismid si Aya. Sa sulok ng mga mata'y pinagmasdan ang hawak na espada nito. "Diyan ka nagkakamali, Mitsoumi. Hindi mo alam ang buong katotohanan sa espadang ito! Ako lamang ang siyang nakakaalam kung hanggang saan ang likas nitong kapangyarihan!" nagtitimping sigaw ni Aya at malakas na ginamit nito ang technique na Kiaki na nagbibigay ng malakas at mapanganib na puwersa.
Mabilis na umiwas si Mitsoumi pero natamaan pa rin ang kanang braso niya. Agad iyong dumugo. Dahil sa nakitang dugo ay lalong nag-umigting ang hangaring patayin nito ang binata.
Hinihingal si Aya na parang hayop na hayok na hayok nang makikita ng mas masagananang dugo. Napangisi si Mitsoumi. Umaayon na ang evil plan niya. Ang hindi alam ni Aya ay may masamang binabalak si Mitsoumi. Malakas siyang pumito at naglabasan doon ang mga tauhan ng Takayanagi. Ang mga pili at matagal nang hinasa ng kaniyang ama. Bago pumanaw ang ama ay nakahanda na ito. Nagpapasalamat si Mitsoumi sa pumanaw na ama. Ngayon ay magsisimula ang totoong laban sa pagitan nila.
Mabilis na nagsigalawan at umatake sa ere ang mga ito. Ang iba ay sa ilalim ng lupa. Ngunit imbes na mabahala si Aya ay lalo lamang itong nauulol sa kasiyahan. Tila nagbibigay ng kakaibang kasiyahan sa kaniya ang mga nangyayari.
"Ang tanga-tanga mo, Mitsoumi! Ipinapahamak mo lang ang mga kasama mo. Pagsasabayin ko kayong patayin!" malakas nitong sigaw at naghanda na sa pag-atake.
"Tingnan natin ang galing mo!" malakas ding sumbat ni Mitsoumi at malakas na inihataw nito ang espada kay Aya na sinangga naman nito.
"Iyan lang ba ang kaya mong gawin Mitsoumi? Hindi mo ako kakayaning matalo dahil kahit wala ang buwan ay kayang-kaya ko kayong ubusin lahat!" masigasig na palahaw ni Aya.
Sa ikalawang beses ay inihataw ni Mitsoumi sa ere ang espada na siyang naging dahilan upang hindi mailagan ni Aya ang espadang sumugat sa kanang beywang niya at mga braso. Napadaing sa sakit si Aya. Dinama niya ang dugong dumadaloy sa sugat na kaniyang natamo. Mariin niyang hinigpitan lalo ang pagkakahawak sa espadang Soktoreggie. Nagpatuloy sa pakikipaglaban si Aya. Napangiti siya nang unti-unting nalalagas ang mga kasamahan ni Mitsoumi.
Hanggang sa sila na lang ang natirang nakatayo. Parehong humihingal at nagkasugat-sugat sila. Kahit humihingal ay nagawa pa ring ngumiti ng nang-uuyam na si Aya.
"Ngayon, katapusan mo na, Mitsoumi! Wala ka nang natitirang kasama. Ako? Wala lang sa akin ang mga natamo ko. Pero ikaw? Marami nang dugo ang nawala sa yo!" nasisiyahang sambit ni Aya.
"Diyan ka nagkakamali," makahulugang sambit ni Mitsoumi at tinitigan si Aya nang walang emosyon.

✔️SOKTOREGGIE(TENJHO TENGE) COMPLETE/ UNDER-EDITED Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon