CHAPTER NINETEEN (Ang Pagbabago The Real Aya)

19 2 0
                                    

CHAPTER NINETEEN
(Ang Pagbabago The Real Aya)

MAANG na napatingin si Aya. Unti-unting nagsalubong ang manipis niyang kilay. “Ano ang ibig mong sabihin, Mitsoumi?” nangririmarim na bigkas ni Aya. Malakas na halakhak ang isinagot ni Mitsoumi.
“Unti-unti ka lang namang kakapusin ng lakas at manghihina sa pagdaan ng limang minuto dahil may inilagay ang mga kasamahan ko sa kanilang mga espada. Tiyak na iyan na ang katapusan mo, Aya!” malakas nitong sambit sa dalagang tigalgal sa narinig mula sa binata.
“Walang hiya ka! Duwag!” Mahigpit na itinarak ni Aya sa lupa ang Soktoreggie.
“Kahit anong sabihin mo ay talo ka na, Aya! Mamatay ka na!” malakas na sambit ni Mitsoumi at isinaksak sa dalaga ang hawak na espada.
Napaigik si Aya kasabay ng pagdurugo ng bunganga dahil sa natamong tama ng espada ni Mitsoumi. Galit pa ring nakatitig si Mitsoumi sa dalagang kinakapos na ng hininga.
“D-dahil sa yo ay namatay ang ama ko! Ngayon, naiganti ko na rin siya!” puno ng galit na sabi nito sa dalaga.
Tatalikod na sana si Mitsoumi nang magsalita pa si Aya. “A-akala mo ba hanggang dito na lang ako? Puwes, nagkakamali ka!” matatag pa ring bigkas ni Aya habang inaalis niya ang espadang itinarak ni Mitsoumi sa kaniya.
Hinugot niya ito nang dahan-dahan. Halos mawalan si Aya ng ulirat nang umagos roon ang masagananang dugo. Mahigpit niyang hinawakan ang espada at ibinato sa kung saan.
“Hindi mo na kaya. Aminin mo na kasi sa sarili mo, Aya! Ito na ang katapusan ng labanang ito at ng buhay mo na rin!” malakas na sigaw ni Mitsoumi at handa na ang kamao para tapusin ang nasimulan.
Ngunit bigla-biglang natakot si Mitsoumi dahil ang mga matang nakatitig ngayon sa kaniya ay tila siya’y papatayin. Nagkulay dugo ito at sa muling pagbaling ng kaniyang paningin ay unti-unting itiningala ni Aya ang duguang mukha. Tila sa madilim na kalangitan humuhugot ng sapat na lakas ang dalaga. Sa pagbaling ni Aya sa kaharap ay napayuko ito. Unti-unting nag-iba ang physical na katangian niya.
Naging mas normal ang katawan nito sa pangkaraniwan. Halatang nagulantang at nawala saglit sa huwisyo si Mitsoumi.
Ang Aya na nasa harapan niya ngayon ay ibang-iba. Tila nagkaroon ito ng lakas para siya’y malabanan muli. Mabilis na tumayo si Aya at sa nagngangalit na bagang ay inihataw ni Aya ang espada. Hindi agad ito nasangga ng natulalang binata. Lumayo nang ilang pulgada si Mitsoumi at masuyong dinama ang napinsalang binti. Parehas silang duguan ngunit hindi papatalo si Mitsoumi. Inihanda niya ang sarili sa palapit na dalaga. Tila wala ito sa huwisyo. Natulala siya sa kakaibang Ayang kaharap.
Kahit sugatan ito at punong-puno na ng dugo ay makikita pa rin dito ang angking kagandahang taglay. Napatiim-bagang si Mitsoumi. Hindi niya maitatwa sa sarili na nagustuhan niya ang nangyaring pagbabago sa pisikal na anyo ng bunsong Natsume. Pinakatitigan niya ang dalaga na napapatid pa dahil sa sobrang daming natamong sugat. Kung pangkaraniwang tao lang ito ay tiyak niyang kanina pa ito patay. Ngunit hindi niya napaghandaan ang mga sumunod na pangyayari. Parang bumagal ang epekto ng lason sa katawan nito. Mabilis na tumalon sa ere si Mitsoumi. “Sa susunod na pagtutuos natin, Aya, titiyakin kong mawawala ka sa landas ko. Pasensya, Aya, ngunit hindi ko aaminin sa Kuya Shin mo ang ipinapakiusap mo!” bigkas ni Mitsoumi kasabay ng paglalaho nito sa kadiliman.
Napasubsob sa lupa si Aya at mariing dinadama ang mga sugat sa katawan. Maraming dugo ang nawala sa kaniya. Ganoon din si Mitsoumi. Kinuha niya ang espadang Soktoreggie at dali-dali niyang inikot ang hawakan niyon.
May mga tableta roon na kung saan ay makakapagpagaling ng mga natamo niyang sugat. Kung hindi siya nagkakamali ay may halong lason at malakas na sangkap mula sa mga makamandag na ahas ang inilagay ng mga kasama ni Mitsoumi sa mga sandata nila.
“Talagang napakalaking hangal ng isang katulad mo, Mitsoumi! Sa susunod na balakin mo ulit iyon sa akin ay titiyakin ko na ang kamatayan mo.”
Kahit hinang-hina ay minabuti na niyang maglakad pabalik sa apartment ni Kira. Nabuwal si Aya nang may isang sasakyang muntikang makasagasa sa kaniya. Binulyawan pa si Aya ng driver mula sa loob ng minamaneho nitong kotse.
“Hoy! Tarantado ka ba? Ang luwag ng daan, e, sa gitna ka pa talaga dadaan!”
Masama niyang tinitigan ang lalaking bumulyaw sa kaniya. Tila naman natakot ito at mabilis na pinaandar ang makina ng kotse. Nagpaekis-ekis pa ang pagmamaneho ng lalaki ngunit sa huli ay nakontrol din ng driver ang manibela.
“Pakialam mo? Sa iyo ba ang daan? K-kung hindi lang grabe ang nakuha kong tama ay huhugutin ko ang puso mo at pipisatin!” nanggigigil na bigkas ni Aya.
Mabagal itong nagpatuloy sa paglalakad. Nang sapitin ni Aya ang apartment ni Kira ay binuksan niya ang gate at nagtuloy-tuloy niyang binuksan ang main door ng bahay. Tuloy-tuloy si Aya sa kaniyang kuwartong inuokupahan. Dali-dali siyang pumasok ng banyo at hinayaan ang mainit na tubig na maglandas sa kaniyang katawan. Ngayon lang siya napalaban nang ganoon katindi. Muntik na niyang ikamatay ang laban na namagitan sa kanila ni Mitsoumi.
Lalong nagpupuyos sa galit si Aya. Hindi niya matanggap na nalamangan siya ni Mitsoumi. Unti-unti niyang dinama ang beywang na may sugat na unti-unti nang sumasara. Mabuti na lang at may mga tabletang naiwan ang kaniyang ama. Iinumin niya lang ang mga naturang tableta kapag grabe ang natamo niyang pinsala o hindi kaya ay nalason siya. Sa mga ganitong labananan na grabe siyang nasugatan ay higit niyang kailangan ang mga iniwang tableta ng ama.
May kakayahan rin silang mga Natsume na magpagaling ngunit hindi niya kayang gamutin ang sariling mga pinsala. Tulad na lang ng nangyari sa kaniya ngayon. Nagpupuyos pa rin sa galit si Aya. Hindi niya napilit na umamin si Mitsoumi sa panganay na kapatid. Planado nito ang lahat!
Marahas niyang kinuha ang tuwalya at itinapi sa kahubaran. Kumuha siya ng pira-pirasong tela sa kaniyang mga gamit at itinali sa parteng beywang at braso kung saan ay higit siyang napinsala. Matapos gamutin ang sarili ay unti-unting inihiga ni Aya ang sarili sa kama. Mataman siyang nakatitig sa kisame at sa pagpikit ng kaniyang mga mata ay hindi na niya nagawang i-lock ang pintuan ng kaniyang silid.

✔️SOKTOREGGIE(TENJHO TENGE) COMPLETE/ UNDER-EDITED Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon