Prologue

207 69 126
                                    

Prologue


"Shun..."

Ayan na naman ang pamilyar na boses.. Ang pabulong niyang pagtawag...

"Halika..."

Nagpalinga-linga ako sa paligid upang makita ang pinagmumulan ng boses, ngunit wala akong maaninag na kahit pigura man lang dahil sa kadilimang bumabalot sa kapaligiran.

"Shun... dali. Halika."

Tinatawag na naman niya ang pangalan ko. Saan? Saan ako dapat pumunta?

"Dito."

Napalingon ako sa likod nang marinig kong may sumagot at tumambad sa akin ang imahe ng isang babae. Pansamantala akong natigilan at ako'y napalunok. Ito yung babaeng nagluwal sa'kin sa mundong ito.

Nakakurba pababa ang kanyang mga mapupulang labi, ang mahaba niyang buhok ay nakalugay at nakapagtatakang walang kahit ano mang kinang ng liwanag galing sa kanyang mga mabibilog na mata kahit pa na nasisinagan iyon ng kulay kahel na ilaw ng lampara. 'Di ko na namalayang nagbago na pala ang buong paligid. Ang dating puro kadiliman ay napalitan ng isang maliit na kwartong pambata na pamilyar sa'kin.

"Shun.. Gusto mo bang mapatawad ka ni Mama?" Malungkot ang kanyang tono, kasing lungkot ng kanyang mukha.

Sa 'di maipaliwanag na dahilan, tumango ako. Para bang hindi ko kontrolado ang sarili kong katawan.

Bahagya siyang ngumiti at inabot ng kanyang mala-yelong palad ang aking pisngi. "Kung gusto mong mapatawad kita, dapat sundin mo ako. Magmula ngayon, ikaw na si Akane. Ikaw na ang magiging baby girl ko panghabang-buhay."

"Opo..." Bumungisngis siya dahil sa galak at niyakap niya ako ng mahigpit―yakap na ngayon ko lang ulit natamasa. Kaso parang may hindi tama. Hindi ito nagbibigay ng kinakailangan kong init at pagmamahal...

"Napaka-good girl talaga ng baby ko at dahil diyan, bibilhan ka ni Mama ng maraming Barbie bukas."

Kalokohan.

"Sasamahan ko na rin ng malaking doll house para sa mga mumunti mong mga manika. Gusto mo ba 'yon?" Kumalas siya sa pagkakayapos sa'kin at tinitigan ako sa mata.

Umiling ako. "Ayoko sa manika."

Sumimangot siya tapos sabing, "'Di ba, mahilig ka sa manika?"

Napakurap ako sa tanong niya. "Hindi po ako 'yon. Si Akane po 'yon."

Hinawakan niya ng mahigpit ang magkabila kong balikat. "Makinig ka sa'king bata ka. Ikaw si Akane! Sa ayaw at sa gusto mo, ibibili kita ng manika. Naiintindihan mo?" Pagpupumilit niya.

Takot na takot akong nakatitig sa kanya―nakatitig sa mukha ng isang bangungot.

"Sumagot ka!" Isang malakas na sampal ang gumising sa akin sa mapait na katotohanan.

Isang tahimik na "opo" lang ang naging sagot ko.

"Ganyan! Ganyan ang gusto ko!" Narinig ko ulit ang nakakaloko niyang bungisngis. "Sige Akane kunin mo yung brush doon sa aparador para maayos ko 'yang buhok mo bago ka matulog."

Hindi na ako umimik pa at nagtungo na sa aparador kung saan nakapatong yung brush.

"Bilisan mo Akane."

Inabot ko yung brush at ibinigay ito sa kanya.

"Tumalikod ka, Akane." 'Yun nga mismo ang ginawa ko at inumpisahan na niya akong suklayin. "Alam mo Akane, kailangan mong palaging suklayin ang buhok mo para magandang tignan parati. Pahabain mo 'to ha? Huwag na huwag mong ipapaputol kung hindi, magagalit si Mama." Malumanay na ngayon ang boses niya at halatang gustong-gusto niya ang ginagawa niya sa buhok ko.

"Masusunod po."

"Wonderful!" Sabay palakpak. "Oo nga pala Akane, may ipapasukat ako sayo."

"Talaga po? Ano po 'yon?" Na-curious ako sa kung ano ang ipapasukat niya sa'kin.

"Teka kukunin ko lang. Diyan ka lang ha?" Tumayo siya mula sa kama at nagtungo sa closet. Pagkatapos ay naglabas siya ng dalawang dresses na punong-puno ng mga palamuti.

Talaga...?

"Eto. Bilis! Isukat mo, Akane!"

Ayoko... Ayoko... Hindi ako si Akane...

"Dali na." Dahan-dahan siyang lumapit sa'kin at napaatras ako.

Pakiusap gisingin ninyo ako mula sa kahibangang ito!

Napapikit na lang ako ng mariin nang maramdaman kong pader na pala ang nasa likuran ko. "Huwag..." Pagmamaka-awa ko na para bang mamatay na ako.

Narinig kong tumawa ang mama ko na parang baliw, pero nakapagtatakang napalitan ito ng mas nakakairitang tunog. Tunog maingay na para bang may latang paulit-ulit na hinahampas ng isang stick.

Naimulat ko ang aking mga mata at napatingin ako sa direksyon na pinagmumulan ng ingay. "What the-" Inabot ko 'yung alarm clock at mabilis itong pinatay. Rumihistro naman sa utak ko 'yung oras na nakalagay―7:30 AM.

"'Yung panaginip na namang 'yon..." bulong ko sa sarili ko. Napayakap ako sa mga tuhod ko habang sinusubukang makabawi mula sa hindi kaaya-ayang panaginip. Ilang taon na 'yon ngunit pabalik-balik pa rin siya sa pagtulog ko na para bang kaluluwang hindi matahimik.

Napabuntong-hininga ako. Ano nga bang magagawa ko kundi ang magtiis at magpatuloy sa buhay. Masasanay din ako...

Umiling ako. Hindi! Dapat sanay na ako! Tama. Sanay na ako sa ganito. Ilang taon na rin mula noong magsimula ang lahat ng ito kaya sanay na ako.

Tumayo na ako mula sa kama ko at binuksan ang kurtinang humaharang sa sinag ng araw. I've lived to see another day. Napangisi ako ng bahagya. Ramdam ko ang siglang hatid ng panibagong umaga ng buhay ko.

"Philippines, here I come!"

Trap ZoneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon