CHAPTER 2
NAPAKUNOT ng kanyang noo si Clinton ng makita ang babaeng nakatalikod sa kanya. Akmang lalapitan na niya sana ito ng dumating si Sister Rose.
"Geraldine! Pinapatawag ka ni Mother Superiora,"bungad nito. Alam niyang hindi pa ito ang tamang panahon para magkausap at magkaharap ang dalawa. Napabuga naman ng hangin si Rowena na nananatiling nakatalikod pa rin sa binata.
Inagaw naman ni Sister Rose ang pansin ni Clinton upang hindi na nito habulin pa ang babae, alam din naman kasi niya na matalagal na ring gustong makilala ng binata ang tinatawag na pretty lady ni Kirk.
"Mama pretty lady, alis ka na po ba?" Tawag ni Kirk sa dalagang nagmamadaling umalis ng walang lingong likod.
"Pinapatawag pa ni Mother Superior si Pretty Lady mo ok? Ang mabuti pa ay maligo ka na at para itong si Clinton ay makapagpahinga na."wika pa nito.
"Kailan ka lang dumating? Alam na ba ito ng pamilya mo na nakabalik ka na galing Canada?"ang baling ni Sister Rose sa binata.
"Hindi pa at wala pa akong pinagsabihan na nakabalik na ako. Ang alam ng lahat nasa Canada pa ako. Kahapon pa ako dumating sabi ko dito muna ako magpapalipas ng gabi."anya habang ang mga mata ay nakatanaw sa pintuang pinasukan ng babae kanina.
"Sino ang babaeng iyon?"ang tanong ni Clinton kay sister Rose.
"Ah, eh iyon ba? S-si Geraldine ang batang iyon, magdadalawang araw na siya dito at bukas ay babalik na ulit siya sa kanila."sagot ni sister Rose sabay talikod sa binata at pasimpleng nag-sign of the cross.
"Diyos ko, patawarin mo ako sa isa na namang pagkakamali ko, sa inyo ko na po iaasa ang dalawang taong parehong nasasaktan dala ng kanilang nakaraan."ang lihim na usal nito saka muling humarap sa binata.
"Gusto kong makilala ang babaeng iyon sister Rose. Madalas din siyang kinukwento sa akin nitong si Kirk John eh, oras na rin siguro para makilala ko naman ang babaeng 'yun,"ang hindi parin inialis na tanaw ni Clinton sa hindi pa namumukhaang babae.
"Not now Clinton, time will come at kusa rin kayong paglalapitin ng panahon."
"Matagal pa siguro ang panahon na iyan sister Rose. Di bali na nga lang, ang mabuti pa ay samahan niyo nalang po ako sa mga bata, may mga dala akong regalo para sa kanilang lahat."ang masayang wika ng binata kay sister Rose.
"Nako, kaya spoiled ang mga bata sa iyo eh. Pero kung hindi dahil sa iyo Clinton, marahil ay nasa lansangan pa rin ang mga batang iyan. Ang laki ng nagawa mo para sa kanila,"nakatanaw si sister Rose sa nagkukumpulang mga bata sa play ground habang nagsasalita.
Noon pa man ay ginugol na nito ang sarili sa pag-aasikaso para sa mga batang nasa ampunan, at masaya siya habang tumatagal ay maraming natutulungan ang ampunang binuo ng binata.
"Sister Rose naman, iiyak ka pa ata diyan eh, hali na nga kayo at baka bukas pupunta dito ang kapatid ko kasama ng quadruplets nila. Alam ko naman na gustong gusto ng mga iyon ang mamalagi dito. Kaya kung ako sa inyo maigi pa ay pumunta na tayo sa loob."aya na naman ng binata.
□ □ □ □
Sa opisina...
"Geraldine hija, hindi ba panahon na para magkaharap kayo ng ama ni Kirk John. Lumalaki na ang bata hija, darating ang araw na kayong dalawa din ang mahihirapang ipakilala ang sarili niyo sa kanya lalo pa at simula pa man noon ay marami nang naging katanungan si Kirk tungkol sa kanyang pinagmulan,"ang bungad ng Mother Superior.
"No! Kapag nalaman ni dad na buhay ang anak ko, baka mapahamak si Kirk. Mother Superior, gustuhin ko man na ipakilala ang sarili ko sa anak ko ay hindi ko naman kaya, natatakot ako na baka lumayo siya sa akin, natatakot ako na baka mawala pa sa akin ang anak ko. At ngayong bumalik na si Clinton, hindi ko alam kung papaano ako makakapagtago sa anino niya," may bakas ng takot na bigkas niya sa kaharap.