#1: Sapphire Panganiban

304 12 0
                                    

Choice #1: Sapphire Panganiban

“Kring! Kring!”

Agad kong sinagot ang telepono. Alas-siete na nang umaga at nakasakay na 'ko sa bus papuntang school.

“Handa ka na bang makilala ang una?”

Kinakabahan pa rin ako sa tuwing naririnig ko ang boses. Tiningnan ko ang paligid; sinisiguradong wala doon ang kausap ko sa telepono. “Sino s’ya?”

Mabilis ang tibok ng puso ko habang naghihintay ng pangalan.

“Sapphire Panganiban.”

Natulala ako.

Si Sapphire?

Nagsimulang magkwento ang boses.

Nakatulala si Sapphire sa labas ng bintana habang nagtuturo ang Propesor. Ito s’ya. At ito ang gawain n’ya. Umiikot ang mundo n’ya, ngunit isang tao lang ang iniikutan nito; at ang mundo para sa kanya, ay may pangalan: Jason.

Lahat ng ginagawa n’ya ay para kay Jason. Lahat ng sinasabi n’ya ay tungkol kay Jason. Lahat ng tungkol sa kanya, ay nakakonekta kay Jason.

Ito s’ya. At ito ang boyfriend n’yang hindi kagwapuhan. Ngunit ano nga bang ginagawa nito sa puso n’ya? Ano’ng ginagawa nito sa isip n’ya? At ano’ng ginagawa ng 1x1 picture nito sa wallet n’ya?

“Ano bang gayuma ang ginamit n'ya sa’yo?” Madalas na tanong ng mga kaibigan n'ya.

“Wala.”

“E, ano’ng nagustuhan mo sa kanya?

“Kapag mahal mo ang isang tao, hindi naman mahalaga ang hitsura, ‘diba?” Sasagot s'ya saka ngingiti. At ngingiti na rin ang mga kaibigan n'ya. Dahil alam nilang totoo. Ganito nga ang magmahal. Ganito ang totoong pagmamahal; puro at inosente.

At ang pagmamahal ay pinangalanan na rin n’ya. Jason.

At nakasulat ito gamit ang bolpen. Hindi na mabubura.

Ngunit ang pagmamahal ay hindi pinangalanan ni Jason. Minahal n’ya si Sapphire, pero alam n’ya na pwedeng magbago. Alam n’ya na pwedeng mabura. Alam n’ya na pwedeng mawala.

At hindi s’ya nagkamali.

“Wala na ‘kong nararamdaman para sa’yo.” Seryosong sinabi ni Jason; isang hapon na magkasama sila.

Hindi nakapagsalita si Sapphire. Natulala na tila nahihirapang mag-isip ang utak n’ya; nahihirapang umikot ang mundo n’ya; nahihirapang tumibok ang puso n’ya. Lahat ng parte ng pagkatao n’ya na may pangalang Jason, ay nahihirapan. Ngunit paano nangyaring walang bahid ng paghihirap na makipaghiwalay ang Jason sa kanyang harapan?

“Kung wala kang sasabihin, aalis na ‘ko.” Tumayo ang lalaki saka naglakad paalis.

“Wala na ba talaga?” Napahinto si Jason. “Sabihin mong hindi totoo, please. Sabihin mong mahal mo pa 'ko.”

Hindi s'ya gumagalaw. Nakatalikod s'ya kay Sapphire kaya hindi n'ya makita na sa mundong ito, iilan na lang ang mga taong totoo kung magmahal. At ang isa sa kanila, ay narito't umiiyak sa likod n'ya.

“Magsalita ka, Jason. Mahal mo pa 'ko, 'diba?” Hindi na nito napigilan ang sarili, kaya't mula sa likod ay niyakap n'ya si Jason. “H'wag mo 'kong iwan.”

Nararamdaman ni Jason ang paghikbi ni Sapphire, at ang mabilis na pagkabasa ng kanyang kaliwang balikat dahil sa mga luhang sumisiim dito. Inalis n'ya ang mga kamay ni Sapphire na nakapalibot sa kanya. “Hindi na kita mahal.” Saka s'ya tuluyang umalis.

Naiwang nakayuko si Sapphire. Patuloy sa pagtulo ang mga luha, para ulit kay Jason. Kung ang mga luhang ito ay nakakalakad o nakakalipad, hahabulin ng mga ito ang lalaki. Dahil s’ya ang may-ari ng mga ito; para sa kanya ang mga luhang ito. Ngunit paano na n’ya buburahin ang mga pangalan? Pa’no s’ya magsisimula ulit kung ayaw n’yang burahin ang mga ito? At kung ayaw n’yang tanggalin ang 1x1 picture nito sa kanyang wallet?

Ito ang pagkawasak ng mundo, ng isip, ng puso at ng persepsyon sa pag-ibig. Ito ang unang pagkapunit at pagkasugat. At ang unang pag-ibig, ay nag-iiwan ng pinakamalaking peklat.

“Hindi mo pwedeng isama sa choices si Sapphire!” Napalakas ang pagkakasabi ko. Wala na 'kong pakialam sa sasabihin ng ibang tao sa bus.

“Kapag nasabi ko na, wala nang bawian. At isa pa, nasasa’yo pa rin naman kung sino’ng pipiliin mo.”

“Sino ka ba talaga?! Paano mo nalaman ang kwento n’ya?!”

“Marami pa tayong pagsasamahan; mahaba-habang panahon pa tayong mag-uusap. Kailangan na muna nating itigil ang pag-uusap sa ngayon.”

“Sagutin mo muna ang tanong ko! Sino ka ba talaga?!”

“Bumaba ka na.”

Narinig ko ang pagbukas ng pinto ng bus. Dumungaw ako sa bintana’t nakitang nasa tapat na 'ko ng school.

“Sino ka ba talaga?!” Muli kong nilibot ng tingin ang buong bus.

“Tatawagan kita. At sa sunod na pagtawag ko, makikilala mo na ang ikalawa.”

Pagkatapos noo’y agad na naputol ang linya.

Ang Mga PangalanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon