#5: Carmina Sargoza

224 9 4
                                    

Choice #5: Carmina Sargoza

Maaga kaming pinalabas ng Prof namin ngayong araw. Mahaba-habang oras ang magugugol namin sa pagkain ng tanghalian. Pabor ‘yun para sa iba kong kaklase, pero hindi para sa’kin. Simula kasi nang makatanggap ako ng mga tawag mula sa lalaking ‘yun, hindi na ‘ko nakakain nang maayos. Ewan ko, pero nahihirapan pa rin akong linawin ang lahat. Hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Ni hindi ko nga alam kung ano nang iisipin ko.

Habang naglalakad ako palabas ng school, nakasalubong ko sina Carmina, Sydney at Weng. Ang Power Puff Girls ng section namin. Iiwas sana ako ng daan, pero napansin nila ako.

“Dominic, sa’n ka pupunta?” Tanong ni Carmina.

“Kakain.” Matipid akong sumagot dahil wala ako sa mood makipag-usap. “Kayo?”

“D’yan lang sa labas. Sa boarding house.”

“Sino’ng nagbo-board?”

“Ako.” Matipid na ring sumagot si Carmina.

“Nagbo-board ka na? Bakit?”

“Ang layo ng bahay namin, e.”

“Oo nga naman.” Pinilit kong ngumiti. “Sige, una na ‘ko.” Tumango sila.

Umalis ako. Naglakad ako palabas ng school at nang malayo na ‘ko sa gate, nag-ring ang cellphone ko. Ito nanaman s’ya.

“Kring! Kring!”

“Gusto mo na bang malaman kung sino ang ikalima?” Rinig na rinig ko ang malalim n’yang boses kahit sobrang ingay ng paligid ko.

“Sino?”

“The boarder.” Tumawa s’ya. “Si Carmina Sargoza.”

Namulat si Carmina sa isang masaya at masaganang pamilya. Isang inang lubos kung mag-alaga, isang kuyang palagi s'yang pinagtatanggol, at isang ama, na bagamat nagtatrabaho sa barko, ay hindi nagkulang kailanman. Ito ang kinamulatan n'yang buhay.

Ngunit sa isang kisapmata, nagbago ang lahat.

Natanggal sa trabaho ang kanyang ama, na naging dahilan ng pananatili nito sa kanilang bahay. At hindi nagtagal, nalulong ito sa pagsusugal. Ito ang naging dahilan ng pangingibang-bansa ng kanyang ina.

Walang araw ang dumaan na hindi nag-aaway ang ama at kuya ni Carmina. Kahit mga maliliit na bagay, na hindi naman dapat pag-awayan, ay pinag-aawayan. Ngunit hindi ito ang punto; hindi ang maliliit na bagay na ito. Ang punto dito ay alam n'yang nahihirapan ang kanyang asawa ngunit hindi s'ya tumitigil sa pagsusugal. Ang punto ay wala s'yang pakialam; at wala na s'yang patutunguhan.

Sa tuwing uuwi si Carmina galing sa eskwelahan, iisang eksena ang kanyang nadadatnan. Dalawang mukhang nagsusumbatan; dalawang boses na nagbabangayan; at amoy ng iisang alak. Ganito ang tagpo bawat araw. At unti-unti, tumatak na ito sa kanyang isipan. Nasanay na s'ya.

At wala na rin s'yang pakialam.

Nawalan nang respeto si Carmina para sa kanyang ama dahil hindi n'ya mahanap kung anong banda ng pagkatao nito ang dapat n'yang irepseto. At hindi n'ya ito makita, dahil nakaharang ang mga bagay na nagsasabing “h'wag mo akong igalang. Wala akong kwenta.”

Hindi n'ya makita dahil na rin sa schemang nakatatak sa magkabilang banda ng kanyang utak. At sa utak ng bawat Pilipino, na ang ama ang dapat magtaguyod sa binuo n'yang Pamilya, at ang ina ay ang dapat na nag-aalaga sa kanyang mga anak. Ngunit sinisira ng kanyang ama ang schemang ito. Hindi ito ang tama ayon sa kultura.

Kaya't umuwi s'ya isang araw, na kahit niyayanig ng bangayan ang apat na sulok ng kanilang bahay, ay wala s'yang pakialam. Diretso s'yang naglakad patungo sa kanyang kwarto; tila walang napapansin.

Ngunit napansin s'ya ng kanyang ama.

“Pareho kayong magkapatid!” Sigaw nito. “Wala kayong respeto!”

Napahinto s'ya sa paglalakad ngunit nanatiling nakatalikod.

“Hindi n'yo na 'ko ginagalang! Mga pabigat lang kayo!”

Humarap s'ya. “At sa'yo pa talaga nanggaling 'yan?” Tumawa s'ya ng sarkastiko. “Wow!”

“Bastos kang bata ka, ah! Ama mo pa rin ako!”

“Biologically, yes! But emotionally, I don't think so.”

“Carmina,” Sumingit ang Kuya n'ya. “Pumasok ka na sa kwarto mo.”

Ngunit hindi n'ya ito pinansin. “Hindi ko alam kung paano mo nasisikmurang magsugal kahit alam mong nakukuba na si Mama sa pagtatrabaho! Kaya kung tatanungin mo kami kung bakit hindi ka namin ginagalang, tanungin mo muna ang sarili mo kung dapat ka ba naming galangin!”

Tumalikod s'ya't nagsimulang maglakad papasok ng kwarto. Ngunit binato s'ya nito ng hanger. “Wala kang utang na loob!”

Napahinto s'ya at muling humarap. “Utang? Siguro naman sapat na 'tong magulong pamilyang ginawa mo para bayaran ang utang ko!” Hindi na n'ya ma-kontrol ang sarili n'ya. “At isa pa, si Mama ang nagtataguyod sa pamilyang 'to, kaya hindi mo 'ko pwedeng sumbatan!”

Napahinto ang kanyang ama. Hindi n'ya alam kung nag-iisip ba ito ng sasabihin, o nasasaktan na sa mga nangyayari. “Ang lupang tinatapakan mo at ang bahay na tinitirhan mo, sa akin. Lahat 'yan, ako ang nagpundar!”

Hindi nakaimik si Carmina. Alam n'yang totoo ang sinasabi ng kanyang ama. At alam n'yang mali na sagutin n'ya ito ng pabalang. “Fine. Edi aalis ako sa lalong madaling panahon.” Saka s'ya naglakad at tuluyang pumasok sa kwarto. Nagsisisi man s'ya sa mga binitiwang salita, wala na s'yang magagawa. Actually, meron. Ayaw n'ya lang gawin.

Matapang s'ya hindi dahil alam n'yang hindi ito ang nagpapaaral sa kanya. Matapang s'ya dahil alam n'yang kapag lumipat s'ya, matatahimik s'ya't maiiwasan n'ya ang pagsagot sa kanyang ama.

Kaya't kinabukasan, naghanap agad s'ya ng malilipatang boarding house, at lumipat sa lalong madaling panahon.

“Ibig sabihin, hindi totoong lumipat s'ya dahil malayo ang bahay nila sa school?”

“Hindi ba halata?” Tanong ng boses. “Hindi sinasabi ng isang tao ang isang bagay kung ayaw n'ya itong malaman ng iba. At ito ang isang disadvantage ng kakayanang makapagsalita. Dahil kung hindi tayo nakapagsasalita, wala tayong choice kundi pagbasehan at obserbahan ang ikikilos ng isang tao. Ngunit dahil sa wika, nagkakaroon ng abilidad ang tao na pagtakpan kung ano ang ayaw n'yang ipakita, at ipakita ang gusto n'yang makita ng ibang tao.”

Napaisip ako. May punto 'tong lalaking 'to. “Sino ka ba talaga?” Tanong ko. “At bakit mo 'ko pinagsasabihan ng mga ganito?”

“May natitira pang disi-sais. Hindi pa ito ang tamanag panahon para makilala mo 'ko.”

Magsasalita pa sana ako ngunit naputol na ang linya. Maghihintay nanaman ako ng susunod na tawag.

Ang Mga PangalanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon