*30: Exploration
Nagising ako dahil sa ingay na nanggagaling sa kabilang selda. May nag-aaway nanaman. Madaling araw pa kami hinuli at kinulong ng mga pulis sa likod ng mga rehas na ito, ngunit maggagabi na’t wala pa ring sumusundo sa amin. Nilibot ko ang tingin sa loob ng kulungan. Iba-iba ang hitsura ng mga preso; may matataba’t bundat ang mga tiyan, mayroon ding mga payat na halos masugat na ang dibdib sa sobrang tulis ng mga buto, may mga kalbo, ngunit mas marami ang balbas-sarado. Halos lahat ay walang pang-itaas, ang iba’y nakasakbat ang pang-itaas sa balikat. May mga tattoo rin sila na iba’t iba ang hugis at hitsura. Kanya-kanya sila ng mga ginagawa. May mga naglalaro ng baraha habang malakas na nagtatawanan, may nakasubsob ang mukha sa pagitan ng mga rehas, may umiiyak sa isang gilid at may mga nagpapaypay ng sarili dahil sa sobrang init. Habang nasa gilid ko’t hindi kalayuan, ay nandu’n si Rey; natutulog pa rin hanggang ngayon. Naghahalo ang amoy ng natuyong ihi at pawis sa buong paligid. Hindi ko maipaliwanag ang bigat ng pakiramdam ko.
Mahigit kalahating araw na kaming nandito at hindi ko alam kung kaya ko pang tumagal ng kalahati pang araw. Kinunan kami ng sample ng ihi at dugo kanina matapos kumain ng tanghalian. Ipapa-drug test daw, sabi ng pulis. Hindi ako natatakot dahil alam ko naman sa sarili kong malinis kami ni Rey at wala kaming ginagawang masama; wala kaming dapat ikatakot. Ngunit sa kabilang banda, may kung ano pa rin sa isip ko na pilit akong ginagambala. Ayaw ko mang isipin, pero hindi ko maiwasan. Paano kung manipulahin nanaman ng boses ang resulta? Paano kung hindi pa pala tapos ang lahat? Paano kung hindi na pala ito matatapos?
Natigil ako sa pag-iisip nang biglang bumukas ang mga rehas. Nagising si Rey dahil sa ingay ng pagbubukas.
“Abonito, Romualdez,” Sambit ng isang pulis habang binabasa ang pangalan naming dalawa sa isang papel. “Makakalabas na kayo.”
Hindi ko napigilang ngumiti. Ganu’n din si Rey. Agad kaming tumayo at naglakad palabas ng selda, na bagamat masakit sa binti dahil sa sugat at matagal na pagkaka-upo, ay mabilis naman naming nagawa. Inabot sa amin ng pulis ang papel na kanyang hawak; resulta ng blood at urine test. At mas napangiti ako nang sinuri kong mabuti ang papel. Malinsi ang dugo ko. Hindi totoong may sakit ako; wala akong AIDS! Totoo ngang mapanlinlang ang katawan ng tao. Nagkamali ako nang gamitin kong basehan ang impormasyong nasagap ng katawan ko sa panghuhusga ng kalusugan ko. Itinatak ko kaagad sa aking isipan na may sakit ako kahit hindi pa naman ako kumukunsulta sa mas eksperto at mas nakakaalam. Kaya wala akong ibang dapat sisihin kung bakit sobra-sobra ang pangamba ko noon kundi ang sarili ko. Ngunit hindi na ‘yun mahalaga, ang mahalaga ngayon ay wala na akong problema. Isa-isa nang nasu-solusyunan ang mga ito.
Hinayaan na nila kaming makalabas ng presinto. Tumawag na daw sa kanila si Lola at ito na daw ang bahala sa iba pang mga dapat pag-usapan. Naglakad kami palabas saka naghintay nang maaaring sakyan, ngunit may isang pulis na nagpresintang ihatid na kami pauwi. S’ya rin ‘yung pulis na nagpalabas sa’min sa selda. Pumayag kami’t agad na sumakay sa sasakyan. Nagpatugtog s’ya’t nagsimulang magmaneho.
Nakasilip ako sa bintana habang pinagmamasdan ang mga ilaw at iba pang mga bagay na nilalagpasan namin. Matagal-tagal na rin nang huli kong gawin ang ganito. Ibang iba na ang pakiramdam nito ngayon. Nakikita ko kung gaano kabilis ang panahon at lahat ng mga napagdaanan ko simula nang tumawag sa akin ang boses. Nakikita ko ang mga ito ngunit mabilis ding mawawala sa aking paningin; parte na sila ng aking nakaraan. Katulad ng napagtanto ko noon sa jeep ngunit nakalapat sa ibang aspeto. Mas maliwanag at makulay na ang kalsada ngayon; mas buhay, mas masaya. Naghahalo ang mga kulay at ang dilim ng gabi, at mas nakakaakit ang mga ito. Natututo nang lumaban ang liwanag sa kadiliman, at hindi na ito napupuksa. Mas malakas na ang liwanag. Hindi na ito magpapatalo.

BINABASA MO ANG
Ang Mga Pangalan
Misteri / ThrillerMay isang tumatawag. May isang tinatawagan. May isang mamamatay sa bente-unong pangalan.