Choice #13: Kurt Delos Reyes
Nagpaalam ako kay Ma’am Bahian na magsi-CR lang ako pero nandito ako ngayon at naglalakad-lakad kung saan-saan. Ewan ko. Tinatamad lang akong panuorin ang mga kaklase kong nagre-report. Sobrang tahimik nang buong classroom dahil natatakot mapagalitan ni Ma’am.
At ‘yun ang mas nakakaumay.
Umupo ako sa shed ng College of Industrial Technology saka tiningnan ang oras. 9:28am. Halos kalahating oras na lang, idi-dismiss na rin kami ni Ma’am Bahian. Nanatili akong nakaupo upang ubusin ang dalawang minuto; para eksaktong 9:30 ako maglalakad pabalik sa room. Napalingon ako sa kanan ko nang bigla kong matanaw si Kurt na naglalakad sa hindi kalayuan.
“Kurt!” Hindi n’ya ako narinig kaya medyo nilakasan ko. “KURT!” Napalingon s’ya. “Saan ka pupunta?”
“Sa OSA.”
OSA. Office of Students’ Affair.
“Sa OSA? Bakit?”
Tumango s’ya. “Late ako, e. Pinapakuha ako ni Ma’am ng promissory note.”
“E, bakit dito ka papunta? Du’n ‘yun sa may lobby, ah.”
Mukhang nababadtrip na s’ya sa mga tanong ko. S’ya kasi ‘yung tipo ng taong hindi mahilig sa mga mahahabang usapan. At masyado na ‘tong mahaba para sa kanya. “Hindi ako pupunta sa OSA. Lalabas ako para manigarilyo.”
Tumango na lang ako bilang pagpapakita ng pagkaintindi, saka s’ya naglakad paalis.
Tiningnan ko ang oras. 9;30am. Maglalakad na sana ako pabalik sa room nang biglang mag-ring ang telepono.
“Kring! Kring!”
Agad ko itong sinagot saka mabilis na naglakad taliwas sa direksyon ng classroom na dapat kong babalikan.
“Handa ka na bang malaman kung sino ang ika-trese?”
Tumingin ako sa paligid. Maingay at maraming tao. “Teka, teka.” Mas binilisan ko ang lakad at mas iginala ang mga mata sa paligid upang makahanap ng pwedeng mapag-pwestohan. Nakalabas na ako ng school, pero wala pa rin akong mapuntahan, hanggang makarating ako sa isang kanto malapit sa mga karinderya. Walang masyadong tao at medyo tahimik. “Okay na.”
“Si Kurt.” Agaran n’yang sinambit. Napalingon ako sa kaliwa at nakita ko itong nagsisindi ng sigarilyo. Napatitig ako sandali. Inulit n’ya.
“Kurt Delos Reyes.”
Panganay si Kurt sa dalawa n’yang nakababatang kapatid na parehong babae. Bagamat hindi gaanong mahilig magsalita, ay hindi naman nagkukulang na ipagtanggol ang mga taong malalapit sa kanya. Mas pinipili n’yang ikilos ang mga bagay na hindi n’ya kayang sabihin. Namulat s’ya sa isang kumpleto at komportableng buhay na pinapangrap ng iba. Ngunit sa minsanan n’yang pagkurap, nagbago ang lahat.
Nagsimulang magkaroon ng bisyo at magloko ang kanyang ama. Madalas na itong umuwi nang lasing at kung minsa’y hindi na umuuwi. Unti-unting gumulo ang lahat; lumabo na ang maayos na pamilya. At hindi n’ya maintindihan kung bakit. Ganu’n din ang kanyang ina at mga kapatid. Wala silang maintindihan sa mga nangyayari. Ngunit alam nilang lahat na hindi ito tama. At kailangan na itong matigil.
Ilang beses sinubukang ayusin ng kanyang ina ang pamilyang dahan-dahang nawawasak. Ngunit wala pa rin itong nagawa. Dahil hind lahat ng sira ay naaayos.
Sa pagdaan ng panahon, unti-unting nilamon ng galit si Kurt. Galit na pinasa sa kanya ng kanyang ama at ngayo’y kanyang-kanya na; nilalamon s’ya’t ginagawang miserable. Unti-unti ay nawala ang kanyang paggalang sa ama. At binubura na nito ang kanyang pagkataong matagal n’yang binuo.
Natuto s’yang uminom at manigarilyo; umuwi ng dis-oras ng gabi at gawing pintuan ang bintana. Napabarkada s’ya sa mga basagulero at tuluyang naging isa sa kanila. Habang ang galit na nasa kanyang kaloob-looban ay napuno at umapaw; na umabot sa puntong kelangan nang ilabas. At nilalabas nila sa kung sino man ang mapagti-tripang lumpuhin ng barkada. At naging masaya na s’ya dito. Dahil unti-unti, hindi na ito tungkol sa kanyang ama. Tungkol na ito sa panibagong Kurt; mas masama at mas miserable.
At nagpatuloy ito. Nagpatuloy sa paglala ang kanyang pagbabago; habang patuloy din sa paglalim ang kanyang galit sa kanyang amang maraming bisyo at basagulero. At sa unti-unting paglalim ng kanyang galit sa kanyang ama, ay hindi n’ya namalayang unti-unti na rin s’yang nagiging katulad nito.
At mas nagagalit pa s’yang lalo.
“Kaya pala,” Nagsimula akong maglakad pabalik sa school. “Kaya pala palagi s’yang seryoso.”
“Kung ano ang puno, s’ya ang bunga.” Sabin g boses. “Sumasangayon ka ba sa kasabihang ‘to?”
“Oo.” Nakapasok na ‘ko sa gate ng school saka ako lumiko papasok ng College of Architecture and Fine Arts.
Tumawa s’ya. “Mali. Oo nga’t hindi pipiliin ng bunga kung saang puno s’ya tutubo, pero s’ya pa rin ang pipili kung anong klaseng bunga ang kalalabasan n’ya.”
“Hindi mo pa rin masasabi ‘yan.” Lumiko ulit ako papunta sa madilim na sulok ng College of Industrial Education, kung saan walang tao nang ganitong oras.
“Masasabi ko. Dahil pipiliin din ng bunga kung anong klaseng puno ang kalalabasan n’ya.” Seryosong sambit ng boses. “Dahil minsan ding naging bunga ang puno.”
Napahinto ako nang makita si Rey sa madilim na sulok ng na pupuntahan ko. May kausap s’ya sa telepono habang seryosong nakaupo sa ikatlong baiting ng hagdan.
Naputol ang linya ng boses na kausap ko, kasabay ng pagbaba ni Rey sa teleponong hawak-hawak n’ya. Naramdaman ko ang pag-init ng ulo ko. Biglang lumakas ang kutob ko na s’ya ang nasa likod ng boses na tumatawag sa’kin, at pinaglalaruan n’ya lang ako; pinagtatawanan.
Nilapitan ko s’ya, agad naman s’yang tumayo; nakangiti.
“Ang lakas din ng trip mo, ‘no?!”
“Ha?” Napalitan ng pagtataka ang ngiti n’ya kanina. “Anong trip?”
“Wow!” Tumawa ako ng sarkastiko. “Kunyare hindi mo alam?! Kunyare inosente ka?! Tigilan mo nga ako! Hindi ako nakikipagbiruan!”
“Wala akong alam sa mga sinasabi mo.” Naglakad s’ya paalis, nungit agad ko s’yang hinila sa balikat at iniharap sa’kin. Saka ako umambang susuntukin s’ya. Ngunit hindi ko natuloy nang mapansing walang reaksyon sa kanyang mukha; walang inis, walang takot. Hindi man lang s’ya umilag o dumepensa.
“Ano?” Nagsalita s’ya. “Ituloy mo.”
Hindi ako nakaimik. Matagal. Magkatitigan lang kami.
“Kung hindi mo itutuloy, tara na.” Ngumiti s’ya. “Nagugutom na ‘ko.” Saka s’ya tuluyang umalis. Habang ako, naiwang walang imik. Saka ko pinagsusuntok ang pader.
Naiinis ako. Sa oras na masigurado kong s’ya ang tumatawag sa’kin, humanda talaga s’ya.
Hindi n’ya ‘ko kilala.
BINABASA MO ANG
Ang Mga Pangalan
Mystery / ThrillerMay isang tumatawag. May isang tinatawagan. May isang mamamatay sa bente-unong pangalan.