Choice#11: Jake Magallanes
Sabado ngayon at mag-isa lang ako sa bahay. Tinatamad akong kumilos kaya nakahiga lang ako sa kama habang nakatitig sa puting kisame. Hindi pa rin mawala sa isip ko ang mga pangyayari at mga katanungang hindi ko mahanapan ng kasagutan. Unang-una, sino ba talaga 'tong tumatawag sa'kin? At bakit alam n'ya ang bawat kinikilos ko? Pangalawa, paano kapag natapos na n'yang ibigay ang bente-unong pamimilian? Sinong papatayin ko? Pangatlo, bakit ako? Bakit hindi isa sa mga prof ko, o isa sa mga kaklase ko?
Napabangon ako't napaupo sa kama saka pinatong ang mukha sa magkabilang palad. Kung ito siguro talaga ang tadhana ko, ano'ng magagawa ko?
"Kring! Kring!"
Kinapa ko ang cellphone ko sa ibabaw ng kama. Kinuha ko't agad na sinagot.
"Nakatayo ang isang tao sa kanyang kinatatayuan dahil pinili n'yang tumayo roon."
"Ha? Ano'ng-"
"Maliban sa'yo. Nakaupo ka, e." Tumawa s'ya.
Samantalang ako, biglang kinabahan. Inikot ko ang aking mata sa buong kwarto; tinungo ang bintana saka sumilip kung may tao roon. Ngunit wala.
"Sino ka ba talaga? Bakit ayaw mong magpakita?"
Pero tulad ng inaasahan ko, hindi n'ya sinagot ang tanong ko. Inulit lang n'ya 'yung una n'yang sinabi. "Nakatayo ang isang tao sa kanyang kinatatayuan dahil pinili n'yang tumayo roon."
"Hindi rin." Tutol ko. "Kung 'yun ang nakatadhana para sa kanya, mangyayari 'yun kahit hindi n'ya gustuhin."
Tumawa s'ya. "Masyado ka nang matanda para maniwala pa sa tadhana."
Hindi ako umimik.
"Para mas maintindihan mong mabuti, ibibigay ko na ang ika-labing-isang pangalan."
Napalunok ako ng laway, saka ako nagtanong. "Sino s'ya?"
"Jake Magallanes."
Nagmula sa isang mayamang pamilya si Jake. Malaki ang pangangatawan dahil sa regular na pagdalaw sa gym. Madalas din s'yang nasa tambayan kasama ni Roberto at ng mga ka-frat nito. At ito ang naging dahilan kung bakit madalas s'yang mapagkamalang mayabang at basagulero. Ngunit ang hindi alam ng iba ay hindi s'ya miyembro ng samahang ito. Sanay lang s'yang kasama si Roberto, na s'yang matalik n'yang kaibigan. At kung bakit hindi s'ya sumasali, ay dahil sa isang pangyayari ilang taon pa lamang ang nakalilipas; nang makilala n'ya si Kim.
Si Kim ang pinaka-una n'yang girlfriend. At umasa silang, s'ya rin ang huli. Masyado pa s'yang inosente noong High School at si Kim ang nagturo sa kanya ng maraming bagay. Ang pagtugtog ng mga instrumento tulad ng gitara, bandorya, piano, at iba pa. Dahil bilang isang babaeng dinadaluyan ng dugong-intsik, kailangang marunong tumugtog ng iba't ibang instrumernto. Tinuruan rin s'ya nitong kumanta bagamat likas na sa kanya ang pagiging mahusay dito. Lahat ng ito'y naaalala n'ya pa hanggang ngayon. Ngunit ang isang bagay na pinakahindi n'ya malilimutang tinuro nito sa kanya, ay kung paano magmahal ng totoo. At tapat. At panghabangbuhay.
Ngunit walang habambuhay. Wala dito sa lupa.
At mapaglaro ang tadhana.
Kung meron nga talaga nito.
"Gusto sana naming ipagkasundo na ang ating mga anak." Nagulat ang lahat nang masalita ang ama ni Kim isang araw. "Mas mabuti nang maaga pa lang, mapaghandaan na natin."
Umikot ang kanyang pag-iisip. Hindi n'ya alam ang gagawin, lalo na ngayong nakatingin sa kanya ang lahat. Magdesisyon man ang kanyang mga magulang ay alam n'yang pakikinggan ng mga ito ang kanyang sasabihin. Hindi n'ya mabalanse ang lahat. Mahal n'ya si Kim ngunit masyado pa silang bata. At hindi pa s'ya handa. Mahal n'ya si Kim pero hindi pa s'ya sigurado. Mahal n'ya si Kim pero hindi pa pwede. Dahil marami pang pero.
Kaya't tinanggihan n'ya; tinanggihan din ng kanyang ama't ina. Alam n'yang mahaba pa ang panahon. Alam n'yang meron pang oras para pag-isipan ang mga bagay-bagay. Alam n'yang marami pa s'yang mararanasan bilang binata at hindi n'ya ito mararanasan kung nakatali na s'ya sa isang tao.
Ngunit mahal n'ya talaga si Kim.
At napaiyak na lamang s'ya kinabukasan nang hindi na sila pinayagan pang magkita ng mga magulang nito. At ilang araw ang lumipas, ay umalis na ito sa kanilang probinsya. Wala na si Kim. Wala na ang pag-ibig na hindi n'ya pinaglaban. At ngayo'y nagsisisi s'ya. Tama ba ang desisyon n'ya? Tama bang mas pinili n'ya ang kalayaan?
Ngunit kailangan n'yang mag-move on. Kailangan n'yang bumangon. Kaya heto s'ya't pinaniniwala ang sarili na kung ito ang nakatadhana, wala s'yang magagawa. Heto s'ya't naniniwalang ito ang tadhana n'ya, ang magsisi sa pagpapakawala sa babaeng mamahalin n'ya sa habambuhay. Ito ang tadhana nila; ang maging malungkot; ang mahiwalay sa isa't isa.
Ito, naniniwala s'ya, ito ang tadhana nila.
"Oh, anong magagawa natin?" Tanong ko. "E, 'yun naman pala ang tadhana n'ya, e."
"Hindi mo pa rin ba naiintindihan?"
"Alin ba?"
"Na ang tadhana ay nilikha lang ng tao para mapagtakpan ang kabobohan nila; ang mga pagkakamali nila." Pagpapaliwanag n'ya. "Madalas tayong matakot na baka magkamali tayo, at pinaniwala natin ang mga sarili natin sa tadhana para may sisisihin tayo sa bandang huli."
Hindi ako agad nakasagot.
"Saan mang lugar naroroon ang isang tao, hindi 'yun aksidente. Bunga 'yun ng anumang kilos na ginawa n'ya. Kung pumunta ka sa Quiapo para magsimba, naroon ka kasi sumakay ka ng jeep papuntang Quiapo. Hindi 'yun tadhana."
"Paano 'yung mga bagay na hindi naman natn gusting mangyari, pero nangyayari? Paano mo maipapaliwanag 'yun?"
"Dito na pumapasok ang kabobohan. Kung pupunta ka sa Quiapo para magsimba pero napunta ka sa Cubao, kasalanan mo 'yun dahil sumakay ka sa maling sasakyan. Hindi 'yun tadhana." Tumawa s'ya nang sarkastiko. "Mabuti man o masama ang isang panyayari, resulta 'yun palagi ng isa pang pangyayari. At ang ibang pangyayari ay bonus na lang."
Unti-unti akong nalilinawan, pero kailangan ko pang mas linawin. "Bakit ako? Hindi ba't ito ang tadhana ko? Ang pumatay ng isa sa mga pamimilian?"
"Inuulit ko, walang tadhana."
Naputol ang tawag ngunit hindi ang mga katanungan.

BINABASA MO ANG
Ang Mga Pangalan
Mystery / ThrillerMay isang tumatawag. May isang tinatawagan. May isang mamamatay sa bente-unong pangalan.