21 Choices: Prologue
“Kring! Kring!”
Buong gabi nang tumutunog ang telepono ngunit hindi ko ito sinasagot. Natatakot ako. Natatakot pa rin ako. Hindi dahil sa malagong na boses ng lalaki sa kabilang linya; kundi dahil sa mga bagay na sinasabi nito.
“Kring! Kring!”
Ilang araw at gabi na itong tumatawag. Ilang araw at gabi ko na rin itong binababaan ng telepono. Ngunit hindi ito tumitigil. Hindi ko na alam ang gagawin ko.
“Kring! Kring!”
Dahan-dahan kong nilingon ang telepono na abot-kamay ko lang. Tinitigan ito nang ilang sandali, saka ko inunat ang kanang kamay upang kunin ito; dahan-dahan; nanginginig; nagpapawis. Dinampot ko ito at tiningnan ang screen. Unregistered Number. Huminga ako nang malalim saka pinindot ang Answer Button.
“Sabi ko na nga ba’t hindi mo ‘ko matitiis!” Narito nanaman ang malaking boses ng lalaki sa kabilang linya, nakakapanindig balahibo. “Handa ka na bang makinig, Dominic?”
“Sino ka ba talaga?! Ano’ng kailangan mo sa’kin?!”
“Wala naman.” Umubo s'ya. “Gusto ko lang makipaglaro.”
“Hindi ako mahilig maglaro! Maghanap ka na lang ng ibang mapagti-tripan! H’wag ako!”
“Sinungaling!” Nagulat ako sa pagsigaw ng boses. “Kilala kita! Marami akong alam tungkol sa’yo.”
“Hindi ako natatakot sa'yo!”
“Talaga?” Nanghahamon ang tono ng pananalita n'ya. Alam n'yang natatakot ako. “Kung gusto mo, pwede akong pumasok ngayon sa bahay n’yo. Babasagin ko lang ang bintana sa may kusina, makakapasok na ‘ko.”
Napalingon ako sa bintana. Salamin lang ito at madaling basagin.
“At kapag nakapasok na ‘ko d’yan, kukunin ko ang kutsilyo sa ibabaw ng mesa.”
Napatingin ako sa mesa. May kutsilyo nga roon.
“At magiging pisikalan ang laro natin. Gusto mo ba nu’n?”
“Sino ka ba talaga?! Bakit mo sa’kin ginagawa ‘to?!”
“Ano ang two major subordinates of personality ayon kay Carl Jung?”
“Wala akong pakialam!” Hindi ko napigilang sumigaw dala ng takot at kaba na gumagapang sa buo kong pagkatao. Ngunit mas natakot ako nang may bumato sa bintana. Nabasag ito. Nagkalat sa sahig ang mga piraso ng bubog at isang malaking bato. Dali-dali akong nag-isip. “Introversion at Extroversion.”
“Sino si Antigony?”
“Anak ni Oedipus na hari ng Thebes.”
“Ano’ng ibig sabihin ng pangalan ni Pandora?”
“Gifts of the gods.”
“Halimaw na may mukha ng babae, at katawan ng leon?”
“Sphinx.”
Tumawa ang boses. “Matalino ka. Pero tingnan natin kung hanggang saan ang talino mo.”
“Ano ba’ng kalokohan ‘to?!”
“Nang mabuksan ang kahon ni Pandora, nakawala ang sanlibong uri ng masasamang espirito at problema. Binalot nito ang buong mundo at ang buhay ng mga tao. Bawat isa sa’tin ay may problemang pinagdadaanan. Halata man ito o itinatago.”
Nanginginig na ang mga kamay ko. Gusto kong patayin ang telepono ngunit natatakot ako sa kayang gawin ng lalaki sa kabilang linya.
“Bawat problema ay may kanya-kanyang solusyon. Ngunit para sa ilan, may isang solusyon na kayang tapusin ang kahit ano'ng problema.” Mas lumaki ang boses n'ya. “Ito ay kamatayan.”
“Sino ka ba?!”
“Ang tanong,” muling nagsalita ang boses. “Kung bibigyan ka ng pagkakataong pumatay, o mas mabuti sigurong sabihing, solusyunan ang problema ng isang tao, sino ito at bakit?”
“Ikaw! Para matigil na 'tong kabaliwan mo.”
“Eengk! Invalid answer!” Tumawa ang boses. “Hindi ako kasama sa choices.”
“Choices? A-ano'ng choices?”
“Pumapayag ka na bang makipaglaro?”
“Hindi! Ayoko!” Nangingilid na ang mga luha ko. Gusto kong umiyak, pero kailangan kong maging matapang. Kailangan kong maging matatag. “Hindi ako mamamatay-tao!”
“Ayaw mo?” Nagbuntong-hininga s'ya. “Sayang naman. Nakikita mo ba ang larawan sa kaliwang bahagi ng aparador?”
Tiningnan ko ito. Isa itong family picture namin nina Mama, Papa at ang mga kapatid ko.
“H’wag mong idadamay ang pamilya ko!”
“Hindi sila madadamay kung papayag ka sa gusto kong mangyari. Isa lang naman ang pipiliin mo, e. Pagkatapos nu'n, tapos na. Wala na. Back to normal ka na. Pero isipin mo kung tatanggi ka, kawawa ka naman kapag may namatay sa pamilya mo, 'diba? Paminsan-minsan kasi, isipin mo rin ang sarili mo.”
Nahihirapan akong mag-isip. Ayokong pumayag, pero ayoko ding mapahamak ang mga magulang at mga kapatid ko. Hindi ko na alam. Hindi malinaw ang lahat. Pero kailangang may isagot ako. “Sige, pumapayag na ‘ko.” Nahihirapan akong huminga. “Pero h’wag na h’wag mong gagalawin ang pamilya ko.”
“Mabuti naman! Sundin mo lang ang mga sasabihin ko, walang mangyayaring masama sa pamilya mo. Madali lang naman ‘to, e. May pamimilian ka.”
Nanlaki ang mga mata ko. “Pamimilian? Sino'ng pamimilian?”
“Lahat nang mga ito ay may kanya-kanyang problemang kinasasangkutan. Kung ako sa'yo, pipiliin ko kung sino'ng may pinakamabigat na pinagdadaanan. Para matatahimik ka na, matatahimik na din s'ya. Matatahimik na tayong lahat!” Tumawa nanaman ang lalaki. “At h'wag kang mag-alala. Makikilala mo sila sa mga susunod na araw.”
BINABASA MO ANG
Ang Mga Pangalan
Mystery / ThrillerMay isang tumatawag. May isang tinatawagan. May isang mamamatay sa bente-unong pangalan.